Crystalograpiya

Tula ni Wayne Angelo Castillo

Dumaan ang ikadalawang daang gabi
Sa masalimuot na distansya ng ating pag-ibig
Na pinaghihiwalay ng lupa, tubig, at pandemic
Nababalot sa lumbay at pananabik
Sa mga gunita ng hinaharap:
Sa unang paglapat at pagsasara ng ating mga kamay,
Ang pangungulila sa higpit ng iyong yakap,
Sa marahang pagdampi ng mainit mong palad
Sa aking pisngi,
At pagkahumaling sa tamis ng iyong unang halik
Sa aking mga labi,
Iniibig kita, palangga
Ikaw ang hiraya at ginahándum
Sa isla ng aking lumbay,
At ako’y patuloy na maghihintay sa iyong pagdating,
Sa pagitan ng ating mga pangarap at panaginip

Si Wayne Angelo Castillo ay kasalukuyang nagtatrabaho sa CCP at nag-aaral sa PUP-Manila. Ang kanyang mga tula at kuwento ay nailathala na sa Philippines Graphic Magazine, Manila Times, Business Mirror at Liwayway Magasin. Ang kanyang kuwentong “Certainly A Love Story” ay nagwagi ng 3rd Prize noong 2017 sa Nick Joaquin Literary Awards for Fiction.