Tula ni Gorgonio G. Esguerra
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Marso 4, 1946)
Ang agos ng tubig sa dagat ng buhay
Sana’y nagbabalik sa pinanggalingan,
Disin ang ligaya ng yumaong araw
Ay ligaya pa ring babalik na minsan;
Hindi sa pangarap kundi sa ayami ng katotohanan
Na sa aking puso’y may iniwang bakas ng kapighatian.
Nguni’t bungang-tulog mandin ang kahapong
Lalong lumalayo habang hinahabol;
Mga alaalang natago’t natipon
Ang sa aking diwa ay nagiging lason;
At sa mga lumang talata ng aking araw na yumaon
Ay mga anino ng luksang gunita ang nangagbabangon!
Bawa’t isang butil ng tuwang nalagas
Ay nagiging daloy ng luhang masaklap;
At sa paghanap ko ng lugod na lunas
Sa sugat ng aking pusong sawing-palad,
Ang nakikita ko’y mga gunitaing may dalang bagabag,
Katulad ng along sa dalampasiga’y mabuo’t mabasag.
Sa dilim ng gabing payapa’t tahimik
Napag-isa akong ngayo’y nagtitiis,
Habang ang dibdib ko’y nagluluksang langit,
Hinahanap naman ang wakas ng sakit,
Itinataghoy ko ang nawalang tuwa ng isang pag-ibig,
Iniluluha ko ang kaligayahang di na magbabalik.
Ipinagluksa ko ang pagmamahalang
Naging panaginip sa pagsusuyuan!
At ang inawit kong kaluwalhatian
Ay dalangin ngayon ng kapighatian…
Ako, na nilason ng isang pag-ibig ngayo’y nag-aantay
Na maging lason din sa inog ng lupa at ng daigdigan!
Wala nang masaklap lasapin sa diwa
Gaya nang ligayang nilunod ng luha;
Sa pagkaunsiyami ng bigong pithaya
Wala nang lunas pang makasasariwa;
Di na magbabalik sa landas ng buhay ang yumaong tuwa,
At kung magbalik ma’y tinik na ng dusang hatol ng tadhana!