Tula ni Jose Esperanza Cruz
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Marso 13, 1961)
Sa manaka-naka, kapag dinadalaw
Ng lungkot ang aking nalalantang buhay,
Ang aking kahapon ang mababalingang
Bakasin sa aking nangagdaang araw.
—Ang buhay nga naman!—aking nasasabi
Sa oras ng aking pagdili-dili…
At makikita ko ang aking sarili,
Di ko mapintasan…di ko rin mapuri.
At magsisimulang sumagi sa isip
Ang isang kahapong may ligaya’t hapis…
Madidili-diling dito sa daigdig,
Ang buhay ng tao’y isang panaginip.
Ang katulad nito’y isang kasaysayan
Na guhit ng palad ang dinaraanan;
Mahaba’t maikli, iisa’ng hantungan;
Ang dati’t dati ring malamig na hukay.
Ang buhay ng tao’y masayang-malungkot,
Lubhang mahiwaga’t hindi mo maarok;
May ninanais kang hindi mo masunod,
May inaabot kang hindi mo maabot.
Ang lahat ng iyong mga pinangarap,
Mga pangarap ding iiwan mo bukas.
Parang araw lamang na ngayo’y sisikat,
Araw ring lulubog pagsapit ng oras.
Ang buhay, kung minsan ay isang parusa
At napakalupit magdulot ng dusa;
Nguni’t sa magkasing binata’t dalaga,
Ang buhay ay isang Edeng maligaya!
Ang buhay, kung minsa’y mabangong bulaklak
Sa gitna ng isang daigdig ng galak,
Kung minsa’y panaghoy ng isang agunyas
Sa puntod ng kanyang malagim na wakas.
Kay-hirap mabuhay, anang maralita,
Kay-sarap mabuhay, anang masagana…
Ang masasabi ko, sa balat ng lupa,
Ang buhay ng tao ay ligaya’t luha.