NORMAL sa mga mag-aaral na magkaroon ng iba’t ibang reaksiyon o saloobin para sa aktibo at makabuluhang pagdulog na magagamit ng guro sa pagtuturo ng Panitikang pambata. Nababatid nila kung bakit sila nagbabasa at kung ano ang kanilang hinahanap sa babasahing teksto. Sa maikling salita, nabubuo na sa isipan ng epektibong mag-aaral ang angkop na frame na bubuo sa estruktura sa pagbasa ng isang seleksiyon. Bumabasa sila upang masagot ang mga tanong mula sa binasang teksto, mga tanong na makaaangkop sa kanilang layunin sa pagbasa ng akda.
Ginagamit ng mga mananaliksik ang salitang frame upang mailarawan ang set ng mga tanong na inaasahang masasagot ng mag-aaral sa tiyak na babasahing teksto. Ang frame ay nagtataglay ng estruktura, nagbabalangkas ng hanggahan at nagpapaiba ng hugis. May frame ang ilang mga bagay upang mapanatili ang tibay, anyo at hugis nito gaya ng picture frame, eyeglass frames, window frames, atbp. May mga frame na ginagamit ang mga awtor upang magkaroon ng pag-uugnay ang kaniyang isinusulat. Sa pagkokonsidera kung ano-anong tanong ang nararapat sagutin, nagbibigay ng text frames ang mga awtor upang maging gabay sa pagpili at pag-oorganisa ng ilang impormasyong kasama sa teksto.
Tinukoy nina Jones, Palinesar at Carr (1987) ang anim na uri ng text frames na madalas
gamitin ng mga awtor upang makabuo ng impormasyon: (1) problema at solusyon, (2) sanhi at bunga, (3) paghahambing at kontrast, (4) tunguhin, kilos at kinalabasan, (5) konsepto at kahulugan, at (6) proposisyon at suporta. Ang bawat isa sa text frames na ito ay nagsisilbing hudyat sa pagbasa ng isang teksto.
Ang Teksto sa Pagbuo ng Text Frames
Mahalagang mabasa at maunawaan muna ang teksto bago isipin kung anong uri ng text
frame ang angkop gamitin. Halimbawa:
LUGAW, CHAMPORADO AT SPAGHETTI
ni Pat V. Villafuerte
TATLO silang magkakapatid. At hindi basta magkakapatid. Magkakasunod silang isinilang. Tigtatatlong minuto ang pagitan. Triplets ang tawag sa kanila. Tatlong sanggol na babaing pagkaganda-ganda!
Kakaiba ang palayaw nila kapag tinatawag sila ng kanilang ina: Gaw Lu kay panganay, Rado Champ kay gitna, at Hetti Spag kay bunso. Ito na rin ang ikinapit ng kanilang ina sa tunay nilang pangalan.
At habang sila’y lumalaki ay unti-unting natutuklasan ng kanilang ina’t ama kung sa ano-anong mga bagay sila nagkakaiba.
Una, magkakaiba ang paborito nilang laruan.
Mga plato’t pinggang yari sa lata ang paboritong laruan ni Gaw Lu. Ang sabi niya, paglaki raw niya ay siya ang magmamay-ari ng pinakamalaking restaurant sa Pilipinas. Manika ang laging nilalaro ni Rado Champ. Ang sabi niya, paglaki raw niya ay siya ang magiging pinakamagaling na doktor sa Pilipinas. Lapis at papel ang gustong-gustong paglaruan ni Hetti Spag. Ang sabi niya, paglaki raw niya ay siya ang magiging pinakamahusay na titser sa Pilipinas.
Pangalawa, magkakaiba ang paborito nilang libangan.
Si Gaw Lu ay pagsasayaw ang nakapagpapasaya. Sumasayaw siya habang hawak-hawak ang mga plato’t pinggan na yari sa lata. Ang hilig ni Rado Champ ay pagkanta. Inaawitan niya ang kaniyang manikang si Madonna. Si Hetti Spag ay pagdodrowing ang nagugustuhan. Ito ang kaniyang idinadaldal kapag siya’y nagti-titser-titseran.
Isang araw, nagkaroon ng iba’t ibang patimpalak ang kanilang paaralan. Sumali silang magkakapatid. Nanalo sa timpalak sa pagsayaw si Gaw Lu. Nanalo sa timpalak sa pagkanta si Rado Champ. Nanalo sa timpalak sa pagdrowing si Hetti Spag. Kampeon silang lahat. Bawat isa sa kanila ay pinagkalooban ng limandaang piso, sertipiko, tropeyo at grocery items.
At pangatlo, magkakaiba ang paborito nilang pagkain.
Lugaw ang gustung-gustong kainin ni Gaw Lu. Sarap na sarap si Rado Champ sa champorado. Walang ibang ibig kainin si Hetti Spag kundi spaghetti.
Isang araw ng Sabado, nagkasakit ang kanilang ina.
“Hindi makapagluluto ng lugaw si Nanay,” ang sabi ni Gaw Lu.
“Hindi ako makakakain ng champorado,” ang daing ni Rado Champ.
“Ma-mi-miss ko ang spaghetti,” ang parinig ni Hetti Spag.
Narinig ng kanilang ina ang sinasabi ng magkakapatid.
“Sa kabilang kanto ay may nagtitindang lugaw, champorado at spaghetti,” sabi ng kanilang ina. “Sige, magpapabili ako sa Daddy Junk ninyo.”
Pagdating ng kanilang ama ay isinalin nito sa magkakaibang pinggan ang lugaw, champorado at spaghetti. Tinikman ng magkakapatid ang paborito nilang almusalin.
“Wheeeh! Ang alat ng lugaw!” ang sabi ni Gaw Lu.
“Ay, ang champorado ko. Bakit malabnaw at matabang?” ang reklamo ni Rado Champ.
“Pweee! Walang lasa ang spaghetti,” ang sigaw ni Spag Hetti.
Isa lang pala ang kanilang iniisip at balak gawin. Hinanap nila sa kusina ang grocery items na iniregalo sa kanila ng eskwelahan noong manalo sila sa patimpalak. Inilabas ang ilang pakete. Pinagmasdan ang nakadrowing.
“May lugaw,” ang natutuwang sabi ni Gaw Lu.
“May champorado,” ang nasisiyahang sabi ni Rado Champ.
“May spaghetti,” ang nahihihiyaw na sabi ni Hetti Spag.
Dahil marunong nang bumasa, pinag-aralan nila ang sinasabi sa pakete. Sinunod nila ang resipi.
Sa pagluluto, si Gaw Lu ang nauna. Lugaw ang niluto niya. Pangalawang nagluto si Rado Champ. Ang champorado ay kaniyang hinalo-halo. Huling nagluto si Hetti Spag. Sinunod niya ang paraan ng pagluluto ng spaghetti.
“Ang sarap,” ang sabi ng kanilang ina matapos matikman ang niluto nila. “Pero iba pa rin ang lutong-bahay. Paggaling ko, tuturuan ko kayong magluto ng lugaw, champorado at spaghetti. Iyong hindi nakapakete. At magtatayo tayo ng tindahan sa harap ng bahay. Alam ninyo kung ano ang ititinda ko?”
“Lugaw, champorado at spaghetti,” ang magkakasabay na sigaw ng triple.
Pagtukoy sa Text Frames – Ano ang Tuon ng Teksto?
Na ang problema ay nangangailangan ng solusyon? (Problema Solusyon)
Ano ang problema?
Nagkasakit si Mommy Fud.
Sino-sino ang may problema?
Sina Gaw Lu, Rado Champ, Hetti Spag at Daddy Junk.
Ano-ano ang sanhi ng problema?
Hindi tuwirang sinabi sa kuwento.
Ano-ano ang epekto ng problema?
Walang magluluto ng almusal.
Hindi makakakain si Daddy Junk at ang magkakapatid.
Sino ang nagtatangkang lumutas ng problema?
Ano-anong solusyon ang inirerekomenda o tinatangkang gawain?
Ano-anong resulta ang makukuha sa mga solusyon?
Nalutas ba ang problema? May nabuo bang problema dahil sa mga solusyon?
Na ang mga bagay ay resulta mula sa mga kondisyon? (Sanhi at Bunga)
Ano ang nangyari?
Ano ang dahilan at nangyari iyon?
Ano-anong mahahalagang elemento o salik ang nagiging sanhi ng bunga?
Paano nag-uugnay ang mga salik at elemento?
Lagi bang ang mga resulta ay nagaganap sa mga sanhi? Bakit? Bakit hindi?
Paano mababago ang resulta kung magkaiba ang mga elemento?
Na ng karaniwang mga bagay ay magkatulad o magkaiba? (Paghahambing at Kontrast)
Ano ang inihahambing at ikinokontrast?
Ano-anong katangian ang ginagamit sa paghahambing/pagkokontrast ng mga bagay?
Paano nagkakatulad at nagkakaiba ang mga bagay?
Paano hindi nagkakatulad at nagkakaiba ang mga bagay?
Ano-anong mahahalagang katangian ang nagaganap upang maging magkakatulad ang mga bagay?
Ano-anong mahahalagang katangian ang nagaganap upang maging magkakaiba ang mga bagay?
Kung ang pag-uusapan ay ang pinakamahalagang katangian, ang mga bagay ba’y nagiging magkakatulad o magkakaiba?
Ano ang magiging konklusyon sa mga bagay na ito?
Na ang sinuman ay nagtatangkang makagawa ng isang bagay nang may dahilan? (Tunguhin, Kilos, at Kinalabasan)
Ano ang tunguhin? Ano ang dapat maisakatuparan?
Sino ang nagtatangkang matamo ang tunguhin?
Ano-anong kilos/hakbang ang isinasagawa upang matamo ang tunguhin?
Mahalaga ba ang mga sunod-sunod na kilos o hakbang upang matamo ang tunguhin?
Ano-ano ang epekto ng mga kilos? Ano ang nangyari?
Naging matagumpay ba ang mga kilos upang matamo ang tunguhin?
May mga di inaasahang pangyayari bang magaganap mula sa mga ipinakitang kilos?
May mga kilos bang higit na naging epektibo? May mga bagay bang dapat na naisagawa?
Na ang konsepto ay dapat maunawaan? (Konsepto at Kahulugan)
Ano ang konsepto?
Saang kategorya ito kabilang?
Ano-ano ang mga katangian nito?
Paano ito gumagawa?
Ano ang ginagawa nito?
Ano-ano ang layunin nito?
Ano-ano ang halimbawa nito?
Anu-ano ang halimbawa ng mga bagay na naibabahagi ang ilang mga katangian ngunit hindi ang lahat?
Na ang pananaw ay napagtatalunan at nasusuportahan (Proposisyon at Suporta)
Ano ang pangkalahatang paksa o isyu?
Anong proposisyon (pananaw, teorya, hipotesis, tesis) ang nailalahad?
Paano nasusuportahan ang proposisyong ito?
May kalakip bang mga halimbawa? Sinusuportahan ba ng mga halimbawa ang proposisyon?
May kalakip bang datos? Sinusuportahan ba ng mga datos ang proposisyon?
May ipinagkakaloob bang eksperto sa beripikasyon? Sinusuportahan ba ng mga halimbawa ang proposisyon?
May ipinagkakaloob bang lohikal na argumento? Sinusuportahan ba nito ang proposisyon?
Nailahad ba ang kaso upang matanggap ang proposisyon? ◆