Nais Kang Mahalin

Parang nahihibang si Gus. May tinatawag na pangalan.
“Eunice! Eunice!”

ni Armando T. Javier

(Ika-4 na Labas)

NA-TOUCH naman siya. Tumikhim si Princess at tahimik na tinungo ang pinto.

“S-Sa’n ka pupunta?” garalgal ang tinig ni Gus.

Huminto siya. “Aalis na, nakakaistorbo na ‘ko dito. Nabubulabog ko’ng privacy mo.”

“Hindi kita itinataboy.”

“Hindi?”

“Hindi.”

“Pa’no kung hindi pala ‘ko ‘yung ikinuk’wento ko sa ‘yo? Kung masamang babae pala ‘ko?”

“Hindi ka natakot nang sumama ka sa ‘kin dito, ako pa ba’ng matakot sa ‘yo? Dito ka muna hanggang gusto mo, wala naman akong kasama dito.”

Nagkatinginan sila.

“Totoo ‘yan?”

“Oo.”

Doon, ngumiti na siya. “Ang drama natin.”

Ngumiti rin si Gus.

“Kita mo na, pogi ka naman pala ‘pag ngumingiti. Pogi ka na, mas pogi ka pa ‘pag lagi kang ganyan.”

“Kamuk’a ko si Al Pacino, gano’n?”

“Mismo!”

“DALAWANG araw na tayong magkasama dito e ni wala kang ikinuk’wento sa ‘kin tungkol sa buhay mo,” sabi ni Gus. Umiinom sila.

“Ba’t int’resado ka?”

“Curious lang. Dalawang araw at tatlong gabi kang nawala sa inyo e hindi ka nag-aalala na baka hanapin ka ng parents mo?”

Nagkibit-balikat si Princess. “Wala namang maghahanap sa ‘kin. I mean, hiwalay na’ng parents ko. Nasa States ang father ko, me iba nang family. Si Mommy naman nasa Zambales. Mula nang maghiwalay sila ni Dad, nag-stay na s’ya ro’n at nagbukas ng restaurant. Ang brother ko, dalawa lang kami, married na rin. Nasa Florida, nagtatrabaho sa casino.”

“At ikaw?”

“Eto, problem child!”

Tumawa siya. Hindi tumawa si Gus. Parang alam kung kailan tinatawanan ng isang tao ang kanyang sarili at kung kailan tinutuya; parang alam na ang panunuyang iyon ay patungkol sa kanyang sarili.

“Malungkot ka, Princess. Obvious.”

“Really?” Humalakhak na naman siya. Hungkag. Maya-maya, “Me yosi ka?”

“Wala. Ibili kita?”

“Ako na lang. Excuse.”

Tumindig siya at lumabas ng bahay; may dala nang ilang sticks ng sigarilyo nang magbalik. Agad siyang nagsindi ng isa at masinsing humitit.

“Maganda ba ‘ko, Gus?” Nakatitig siya sa mga mata nito.

“Yeah, I find you very attractive. Bakit?”

“Wala lang. Hindi ka ba nate-turn-on sa ‘kin?”

“A-Ano? Seryoso ka?”

“Yeah.”

“Well…sexy ka.”

“I knew it!”

Seryoso ang mukha niya.

“Hey, teka lang. Ikaw ang nagtanong sa ‘kin n’yan, hindi ako nag-volunteer na magsabi sa ‘yo.”

“Sorry,” sabi niya. At lumagok uli ng alak.

“Okey lang.”

Natahimik na naman sila. Maya-maya, nag-angat ng tingin si Princess.

“’Wag kang magagalit, ha? Pupunahin kita.”

“Ako? Bakit? What’s wrong with me?”

“Everything is wrong with you! Look at yourself, you’re a mess! Pinababayaan mo’ng sarili mo. Ba’t ka nagkakaganyan?”

Nagtiim-bagang si Gus. “Pakialam mo?”

“Wala nga, kaya ko nga sinasabi sa ‘yo. I’ve been through the hell that you’re going through. Akala mo ba’y malinis ako? No! I’m filthy!”

Hindi kumibo si Gus; napadalas ang pag-inom.

Hinawakan niya ang baba ni Gus at iniangat ang mukha nito.

“Look at me, Gus, hindi ako dating ganito. Drug addict ako dati.”

Pinanlakihan ng mata si Gus.

Tumango si Princess. “PRO ako no’n sa isang club. May naging dyowa ako sa bandang tumutugtog do’n. Gitarista s’ya. S’yang nagturo sa ‘king mag-drugs. Name it, nasubukan kong lahat. Then, I got pregnant…”

“Nabuntis ka?”

“Oo.”

“So, married ka na?”

Umiling siya.

“Wala sa arrangement namin ang magpakasal. Alam ni Chicoy, dyowa ko, na liberated ako. At hindi ko rin talaga s’ya gusto. Sabihin na lang nating naghahanap ako ng adventure no’ng time na ‘yon.”

“Ipinagbuntis mo’ng bata?”

“Oo. Blessing in disguise din. Huminto ako sa pagda-drugs alang-alang sa baby ko.”

“Nasa’n ang baby mo?”

“Nasa mother ko sa Zambales.”

“Bakit wala sa ‘yo?”

Humitit uli siya ng sigarilyo. “Hindi ko kayang maging mother sa kanya. I hate myself. Ewan ko. Hindi ko alam.”

Kumuyom ang palad ni Gus, tila kinapansinan niya ng pandidiri sa kanya. 

“N-Naatim mo ‘yon?”

“Bakit hindi? Hindi ko naman ginusto ‘yon!”

“Shit!”

Nagkatinginan uli sila. Napaismid si Gus. Nanunumbat, tila nangungunsensiya ang pagkakatingin sa kanya, tumayo at tinalikuran siya. Kinuyom nito ang tangang baso at ibinato sa labas ng bintana. Nabasag. Tinapunan siya uli ng nanunumbat na tingin at saka walang sabi-sabing pumasok sa silid nito.

Naiwang nag-iisip si Princess kung ano ang nasabi niyang masama na sukat ikagalit ni Gus.

Dinampot niya ang bote ng alak at muling nagsalin sa kanyang baso. Gusto niyang lunurin ang guilt sa kanyang isip na binuksan ng pagtatanong at pagtatapat niya kay Gus.

Malalim na ang gabi ngunit ayaw siyang patulugin ng kanyang konsensiya tulad ng mga nagdaang gabi. Umuulan. Unang ulan sa papatapos na tag-araw. Hindi siya makali. Malamig ang hangin pero maalinsangan ang kanyang katawan. Sa pagtayo niya mula sa pagkakahiga sa sirang sopa, siya ring paglabas ni Gus sa silid. Nag-aninagan sila sa malabong bombilya. Pinaraan siya ni Gus patungo sa banyo.

Nagmadali siya. Paglabas niya roon, nakita niyang sumusuka si Gus. Natilihan siya.

“Halika!”

Inalalayan niya patungo sa banyo. Sumuka uli si Gus. Mas marami. Mas matagal.

“Okey ka na?”

Tumango. Pinagmumog niya, pinainom din ng tubig. Inalalayan niya uli patungo sa silid. Pawisan si Gus nang kapain niya ang likod. Nag-apuhap siya sa kabinet ng maipampupunas na bimpo. Hinubad din niya ang kamiseta. Nag-alangan siyang iwan. Parang nahihibang si Gus. May tinatawag na pangalan.

“Eunice! Eunice!”

Sino si Eunice?

Napakislot siya nang maramdaman ang baha-bahagyang dampi ng labi nito sa kanyang brasong humahaplos sa pawisan nitong noo. Dampi-dampi, habang patuloy na tinatawag ang pangalang Eunice. Dampi-dampi, hanggang umakyat ang mga labing iyon sa kanyang balikat.

Hinawakan niya nang magkabilang palad ang balbasing mukha ni Gus. Nakatunghay ito sa kanya ngunit ang tingin, sa pakiramdam ni Princess, ay lampas sa kanyang mukha; parang kumikilala ng isang tao na wala naman sa harap nito at nasa isip lamang. At hindi siya ang taong iyon. Baka ang tinatawag na Eunice.

Sino si Eunice?

Hinawakan din ni Gus ang magkabilang kamay niyang nakasapo sa panga nito. Hinaplus-haplos. Nakapikit ito, parang ninanamnam ang paghaplos sa kanyang kamay; parang batang ipinaghehele nang kung anong oyayi. At muli’y nakadama na naman siya ng awa.

Hinaplos din niya ang balbasing pisngi nito. Hinawi ang tumatabal na buhok sa noo. Nakapikit pa rin si Gus. May nangilid na luha sa kanyang mga mata. Napapikit siya, napakagatlabi.

Huli na nang maramdaman niyang nakayakap na sa kanya si Gus.

“Eunice! Eunice!”

May hibang na kislap ang bukas ng mata ni Gus; parang nakakita ng isang diyosa. At siya, naestatwa sa pagkakatingin nito: parang naengkanto, parang namahika.

Naramdaman niya ang sabik na mga labi ni Gus sa kanyang leeg. May kinig. May init. Pumapaso. Dumadarang.

“G-Gus…”

Dampi-dampi sa kanyang leeg hanggang sa umakyat sa kanyang baba’t pisngi–at lagumin ang kanyang nakaawang na mga labi. Kumuyumos. Napapikit siya, alam ang mangyayari ngunit sa wari ay wala siyang lakas na tumutol. Lumalakas ang hangin sa labas samantalang sa silid ni Gus, mistula itong pakawalang apoy na sumusunog sa bawat madaanan. At siya’y isang papel: nadadarang, nasasalab.

“Eunice! Eunice!”

“G-Gus…Gus…!”

Ang protesta niya ay bumagsak sa mga binging tainga.

Ang alimpuyo sa labas ay tila lumipat sa katauhan at katawan ni Gus at siya’y yayat na yagit na napatangay rito: sa bawat kilos, sa bawat kiwal, sa bawat kapit at pisil. Ang dilim ay isang kapanalig. At sila’y tila dalawang takas na napasakop dito.

“Gus…Gus…!”

Ang alimpuyo ay lumipat sa kanilang silid.

Hindi na nagpaabot si Princess nang umaga roon; madilim pa’y umalis na siya. ◆

(ITUTULOY)