Teorya Ng Unang Panahon

mde

ni Edgar Calabia Samar

(Ika-7 na Labas)

GALING

SINABI ni Dr. Panganiban na bihira na siyang mag-check ng e-mail simula nang magretiro pero tuwang-tuwa raw siya nang mabasa ang ipinadala ni Greg. Sinabi niyang nagugulat siyang may nakikinig pa sa podcast niyang iyon pero mas ikinagulat niyang hindi kaswal na tagapakinig lang, kundi propesor din ngang tulad ni Greg. Sinabi ng matanda na luluwas siya sa Quezon City ngayong linggo para sa ilang bagay na kailangang asikasuhin sa natitirang property nila sa Maynila, kabilang ang pinauupahan sa Balara, pero puwede siyang makipagkita kay Greg nang ilang oras. Nag-iwan din ang matanda ng number para mas mabilis nilang ma-contact ang isa’t isa.

Pagdating nina Greg at Gino sa Likha Diwa sa Krus na Ligas malapit sa UP sa Diliman kung saan hiniling ni Dr. Panganiban na magkita sila, dinatnan na nila roon ang propesor. Mas mukhang bata ito sa inaasahan nila. Mabilog ang katawan. Mamula-mula ang pisngi. Naniningkit ang mga mata na parang laging nakangiti. Mukhang masiglang-masigla pa kahit retirado na. 

“Ang bata n’yo pa ho pala,” bungad ni Greg.

“Naku, dahil lang ito sa hangin ng probinsiya,” sabi nito. 

Nakipagkamay si Greg at ipinakilala nito si Gino. “Panganay ko po.”

“Kumain na ba kayo?” tanong ni Dr. Panganiban matapos silang paupuin habang sinisipat ang menu ng vegetarian cafe na iyong walang ibang tao nang ganoong oras. Alas-onse ng umaga at kabubukas pa lang halos nito. 

“Tapos na ho,” sabi ni Greg. Pero tiningnan din ng mag-ama ang menu at umorder sila pareho ng banana-malunggay-calamansi fruit juice.

“Sigurado kayong iyan lang?” nakangiting tanong ni Dr. Panganiban. “Ako, lunch ko na ito, okay lang ba?”

Napangiti si Greg. “Naku, okey lang ho. Busog pa ho talaga kami.”

Umorder ng vegetarian kare-kare, brown rice, at pineapple cucumber juice ang matanda at pagkaalis ng dalagitang kumuha ng order, saka ito humarap kina Greg at bahagyang nagseryoso ng tono kahit nakangiti pa rin ang mga mata at maaliwalas ang mukha. “Okey, dahil may ilang oras lang tayo, I’ll be straightforward ha. I guess, ito rin ang punto ng paghahanap n’yo sa akin. Ang totoo, kung noon ko kayo nakita, I might not be able to contain my excitement. Magkasabay na curiosity at trembling. Alam n’yo naman ang sinasabi ko di ba?” 

Nagkatinginan sina Greg at Gino. Anong ibig nitong sabihin?

Huminga si Dr. Panganiban. “Okay, just as I thought as well. Wala nga kayong idea. Well, baka hindi pala ito ang ipinunta n’yo rito. Consciously. Minsan, tayo mismo unaware sa real motivations natin. I mean, from our deepmost selves. Pero I would say na lahat ng kilos natin, may premeditation. Freud called it unconscious. Sa atin, loob. Kaya kung minsan, pakiramdam natin, may ginagawa tayong wala sa loob natin, kasi nga, nilalabanan natin ang sinasabi ng loob na iyon. There goes my attempt at being straightforward.” Bahagyang ngumiti ulit ang propesor. “Okay, kung di n’yo talaga alam ito, this is something that might surprise you, but please, don’t react to it too much. It might sound weird, but it is actually more normal than we would typically assume.”

Parang gustong kapain ni Greg ang loob niya kung naroon pa ba talaga iyon. “A-ano po ‘yun?”

“Well,” nagpalipat-lipat ng tingin ang propesor sa mag-ama. “Pagpasok n’yo pa lang, alam ko nang di kayo basta karaniwang… tao.”

Hindi inasahan iyon ni Greg. Anong hindi karaniwang tao? Tumingin siya kay Gino. Parang sinasabi ng mga mata nitong hawakan niya ito, pero hindi maigalaw ni Greg ang kamay niya. May kung anong kumirot sa loob ni Greg. Parang naging malambot na lupa ang loob niya na biglang hinukay ng sinabi ng matanda para ipakitang may matagal nang nakalibing doon. Pero hindi niya makilala kung sino o ano.

Pinakalma naman sila ni Dr. Panganiban. “Huwag kayong mag-alala. I don’t care about that. Wala talaga akong pakialam diyan. Sinabi ko lang… para alam n’yong alam ko. Naramdaman ko naman nu’ng nabasa ko pa lang ang e-mail mo na may kakaiba. Sino ba talaga ang interesado sa mga pinagsasasabi ko sa podcast na iyon? Ginawa ko ang mga iyon dahil interesado ako at… well, I received a grant.” Bahagyang tumawa ang dating propesor. “Pero ang totoo, magugulat kayo. Apparently, maraming interesado sa mga pinagsasabi ko roon. Totoo. Nagugulat din ako sa mga natatanggap kong e-mail lalo na nitong nagdaang apat-limang taon. Parang biglang may sumabog na interes dito sa atin para riyan. O, siguro, kasi, mas dumaling makinig ng podcast. Gusto ko na nga lang mag-retire talaga at magtanim-tanim sa Tiaong pero nakakatukso itong interest ng mga nakikinig na ito sa mga penomenong ito. Pero take note, mula nga ito sa mga karaniwang tagapakinig ha. Outside academe. Sa academe, halos wala. Ni walang bumabanggit. Halos pinagtatawanan pa, pero palihim siyempre, pero I knew. Kasi, imposible siguro iyung palihim. Well, alam mo naman sa atin, iyung tsismis, bahagi rin ng akademya. May nagkukuwento kahit wala naman akong itinatanong. At wala naman talaga akong pakialam. Mas tumatanda ako, mas nakikita ko iyung need for a more popular dissemination of knowledge, of the arts, of philosophy. Hanggang ngayon, parang tayo-tayo lang ang nag-uusap sa mga alam natin. Kaya di ko tinanggap ang alok to continue teaching after retiring. Tapos, nakakita nga ako ng bagong sipat sa mga ito dahil sa pakikipagkuwentuhan ko sa mga tao na walang academic training at background sa mga ito. Kaya nagulat ako nang malaman kong nagtuturo ka sa Ateneo. Sabi ko, aba, may Atenistang interesado.” Napatawa ulit si Dr. Panganiban. Pagkatapos, binawi nito ang tawa nang maalala ang tungkol sa nawawalang bunso ni Greg. “Pasensiya na, ang daldal ko ba?”

“Okey lang po,” ngumiti lang din si Greg. 

“Alam mo, like I said, sa e-mail pa lang, ramdam ko nang may kakaiba. Hindi ko lang in-expect na ganito kakaiba. Hindi ninyo kailangang magbigay ng details pero… wala talaga kayong alam?”

Nagtinginan ang mag-ama. Tumango si Greg. “Hindi po namin alam ang ibig ninyong sabihin…” Hindi tao? Noon na biglang napahawak ang kanang kamay ni Greg sa tapat ng dibdib niya saka tinanggal din agad iyon para mahinang tapikin ang mga kamay ni Gino na nasa ibabaw ng mesa. Para iparamdam ditong okey lang siya. Okey lang sila. 

Tinitigan ni Dr. Panganiban si Greg. Ilang segundo. Bago ito ulit nagsalita. “Well… this is actually… more fascinating. Di ninyo alam nang lubusan pero… pero nararamdaman ninyo…” saka ito nagbaling ng tingin kay Gino. 

Hindi naman alam ni Gino kung anong sasabihin. Bumaling ito sa ama na parang humihingi ng saklolo.

“May mga tanong po kami,” sabi ni Greg, kahit biglang napakabilis ng tibok ng puso niya. Parang tinatabunan ulit ng tibok ng puso niya ang kung anumang hinuhukay ng mga salita ng propesor. “Kaya po kami narito… tungkol po sa sinabi ko sa e-mail…”

“Yes, yes, I know. Sorry about that. Alam kong hindi ito madali sa iyo… sa inyo. Go ahead,” sabi ni Dr. Panganiban, seryoso pero maaliwalas ang mukha. Mukhang bahagyang na-disappoint na hindi muna nila maharap ang tungkol sa kakaiba sa mag-ama pero bukas na bukas pa rin sa iba nilang dapat pag-usapan. “Retired na ako, pero I never really stopped with research. Obsession ko, sabi nga ng asawa ko. Na researcher din ha, at mas intense sa akin, kung tutuusin. Kaya siguro kami nagkasundo.”

Walang alam si Greg sa asawa ni Dr. Panganiban. Naiinis siya sa sarili na hindi niya na-research iyon. Pero ibinaling niya ang sarili sa pagtatanong tungkol sa mga misteryosong bagay sa kasaysayan na narinig niya sa podcast ng propesor. Marami sa mga iyon, nakatulong sa pagpapakabayani ng mga nilalang sa mga alamat at kasaysayan. Pumatay ng mga halimaw. Nagbago ng mga pangyayari. Nagtatag ng mga bayan. Nagtakda sa direksiyon ng mundo. Bumago sa kasaysayan. Pero kumambiyo rin agad siya na alam naman niyang katha lang ang marami sa mga iyon, na hindi naman totoo ang mga iyon. 

“Totoo, totoo,” sabi ni Dr. Panganiban, “marami sa mga iyan, maaaring katha-katha lang. O kung totoo man, hindi malinaw ang pinagmulan… pero hindi ba’t ganoon ang buong mundo?” saka ito ngumiti nang malamlam. “Pero hindi tayo kontento riyan, hindi ba, kaya patuloy ang mga pag-aaral. Kaya ka narito ngayon. Saan ba talaga nagmula ang mundo? Saan tayo papunta? Tayo lang ba ang mundong may ganitong uri ng mga nilalang at sibilisasyon sa buong uniberso? Halos ageless enigma mula pa sa pinaka-ancient na philosophers hanggang sa pinaka-advanced na people of science ngayon. But do you know why we won’t ever get the whole picture?” Nag-pause ang matanda, parang nasa lecture niya. Noon naman dinala sa kanila ang inorder nila at nagsimula itong sumubo ng kare-kare at kanin. “Na-miss ko itong pagkain dito noong nagturo ako for two years sa UP,” bahagyang sinsay nito sa sinasabi. “Is it your first time here?”

Umiling si Greg, tumango si Gino.

“A, yes, sa Ateneo ka nga lang pala… Atenista rin ako nu’ng undergrad at diyan din ako unang nagturo, alam mo ba… bago ako lumipat sa UST,” sabi nito kay Greg bago bumaling kay Gino. “Naku, iho, you should try their food. Huwag kayong matakot sa vegetarian,” tawa ni Dr. Panganiban. “Teka, ikaw, saan ka ba…”

“PNU po… Math…”

“Magiging teacher din iyan,” sabi ni Greg, proud sa anak. “At least, meron na sa aming magaling sa Math…”

Napatawa naman nang mahina si Dr. Panganiban. “Alam mo ba kung nasaan tayo ngayon, iho?”

Hindi sigurado si Gino kung trick question iyon. “Likha Diwa po? QC?” Tapos napatawa sa mismong sagot niya.

“Itong baranggay, alam mo ang pangalan?”

Tumingin si Gino sa ama. Nasa dulo na ng dila niya.

“Krus na Ligas po…” sabi ni Greg.

“Alam ba ninyo kung ano ang Ligas?”

Umiling si Gino at si Greg na naman ang sumagot. “Alam ko lang po na isang uri ng puno. Hindi lang ako sigurado kung nakakita na ba ako…”

“Marami kami sa Quezon. Iyung bunga niyan, malaman at makatas. At ang gaganda ng kulay, depende sa pagkahinog, siyempre. Mamuti-muti ang mga bulaklak. Tapos, nagiging berde kapag naging bunga. Pula pag nahinog na, bago nagiging maitim-itim sa tangkay bago mamatak sa lupa kapag walang pumitas…”

Parang mga kulay ng titik sa ngilag. Iyon agad ang pumasok sa isip ni Greg. Napatingin siya kay Gino. Mukhang hindi pumasok sa isip ng anak niya ang ngilag. “Nakakain po ba iyan…”

“Naku, nakakalason… puwede ring mamaga ang kamay mo pag nahawakan mo. Magandang tingnan dahil sa mga kulay, pero halos iniiwasang hawakan man lang. Pero marami na ring pag-aaral dito para gamiting panggamot. Anyway, ano na nga bang sinasabi ko? A… so yes, punò ang ligas. Pero alam n’yo ba kung anong ibig sabihin ng ligas sa mga sinaunang Tagalog?”

Dito pareho nang umiling ang mag-ama.

“Hibla,” mahinang sabi ng propesor, bago muling sumubo ng pagkain.

“Hibla po?” pag-uulit ni Greg.

“Yes, hibla. Himaymay. Whatever. Ibig sabihin, tila sinulid na bumubuo sa tissue ng halaman o hayop. Why am I saying this? Sorry, random lang ito. Ayokong isipin ninyo na sinadya kong dito tayo magkita for this lecture. Ngayon ko lang naisip dahil andito na rin lang tayo. See, parang realidad. Imagine na parang isang habi ang realidad. Tapos, binubuo ang realidad ng mga himaymay na tumutumbas sa alam ng bawat isa sa atin tungkol sa realidad. Imagine that. Bawat isa sa atin, may ligas ng realidad. Ngayon, bakit halos imposible nating makita ang buong tapestry ng realidad? Kasi nga, bawat isa sa atin, may hawak sa hibla ng kabuuang iyon, pero… and this is the tricky part… we tend to keep our pieces from one another. Madalas, we were thinking we do it because we’re protecting ourselves, or the ones we love. Pero if only all of us will reveal all our strands, our ligas, maybe everyone can see the whole picture. Ang tanong, sinong unang magpapakita ng himaymay niya? That’s a risk most of us are not willing to take. Lagi tayong nag-iiwan sa sarili natin. Just in case. And so narito tayong lahat ngayon. Probably as clueless and as confused and as wrong as our ancestors were despite of all we thought we’ve learned and achieved as homo sapiens.”

Parang may tinamaan sa pinakaubod ni Greg. Pang may lumitaw na bahagi ng kung anumang nakabaon at hinahalukay sa kaloob-looban niya. Pero hindi niya pa rin makita-kita kung ano. Anong himaymay ba ang hindi niya ipinapakita kay Dr. Panganiban? 

Nakatingin naman si Gino kay Dr. Panganiban na parang pinag-iisipan din ang sinabi ng matanda.

Dahil hindi pa rin nagsasalita si Greg o si Gino, si Dr. Panganiban ulit ang nagpatuloy matapos ang malalim na buntong-hininga. “Buweno, I guess, ako ang unang magri-reveal ng himaymay ng aking laman, so to speak. And based on what I sense, I expect na hindi weird sa inyo kapag sinabi ko sa inyong… may dugong… may dugong babaylan ako.” 

“Po?” tanong ni Gino.

“You know what babaylan is, right?” pagtitiyak ng propesor. “Karaniwang tao lang ako, but, yes, I have something extra special, too, which I tried to understand through education, research. Via scholarly rigor. Like I said, hanggang ngayon, kahit retired na ako. Kaya kita ko agad sa aura ninyo na hindi kayo karaniwan.”

Tumingin si Gino sa ama at nakita niyang parang may mataas na pader itong tinitibag sa harapan nito bago ito nagsalita. 

“Puwede ko ho bang hawakan ang kamay ninyo?” marahang sabi ni Greg. Hindi siya sigurado kung bakit bigla niyang sinabi iyon. Hindi siya marunong magbasa ng palad. Wala pang nakapagbasa ng palad niya kahit kailan. Pero parang may nagtutulak sa kaniya na hawakan ang kamay ng matanda. Mula sa loob niya. 

Hindi na po ako babalik. 

Kinilabutan siya. Bakit biglang naririnig niya ang boses ni Karlo? Ng batang si Karlo.

Napangiti si Dr. Panganiban. “Oo naman. Pero I must warn you. Kapag nagdampi ang mga palad natin, I’ll probably sense what you’re more than willing to share.”

Parang nag-alangan si Greg. 

Hindi na po ako babalik. 

Bakit naaalala niya ngayon iyon? Ang totoo, hindi naman talaga niya nakalimutan iyon. Paano niya makakalimutan iyon? Hindi siya pinatahimik ng mahigit isang dekadang pananahimik niya tungkol doon. Pero ano ba talagang sasabihin niya? Na nagsabi sa kaniya si Karlo na hindi na babalik at hindi na nga ito nakabalik? 

Sa kanya na lang po ang laruan. 

Pero sigurado nga ba siya na sinabi iyon ni Karlo? “Sige ho… may mga gusto rin po akong masigurado…”

Napangiti si Dr. Panganiban. “I can feel na ang dami mo nang risks in the past, but despite them… o baka nga dahil sa mga iyon, you still want to play it safe… well, nothing wrong with playing it safe as long as…”

“Hindi po sarili ko ang iniisip ko…”

“Well, I am not judging you,” sabi ni Dr. Panganiban. “I just want you to not lose sight of the power of trust and faith… despite the many betrayals you’ve had before. O heto…” at nakangiting inilahad ng propesor ang palad niya sa mesa.

Tumango naman si Greg sa matanda, tandang nauunawaan niya ang paalala nito. Na mahalagang narinig niya ngayon iyon. Huwag hayaang patayin ng mga takot ang posibilidad ng pagtitiwala. Tumingin siya kay Gino na nagtataka sa gusto niyang mangyari. Ngumiti lang siya nang bahagya sa anak. Pagkatapos, hinawakan niya ang kamay ng propesor at saka siya pumikit. ◆

(ITUTULOY)