PAGKARAAN ng limang taon, heto na ang hahamon sa The Laughter of my Father na inilathala ng Bantam noong 1944!
Hindi ito kasing-kapal ng nasabing obrang naglalaman ng 24 na maikling kuwento – na para kay L.M. Grow ay isang uri ng casebook – na kontra sa mga estrukturang kolonyal at komprador.
Kung nakuha ni Carlos Bulosan na bigyang-boses ang mga babae, pobre, kayumanggi, at iba pang api noong Dekada ‘40, nagawa naman ni Karen Galarpe na katawanin ang kababaihang supling na hindi nag-atubiling arugain sa kanilang lalaking magulang ngayong madalang na ang magalang.
Matatandaang may listahan na ng librong tungkol sa tatay si Alexine Parreno sa Smart Parenting. Katunayan, hinati pa niya ito sa tatlo: para sa edad 0 hanggang edad 6, inumpisahan niya sa My Daddy! My One and Only! ni Zarah Gagatiga, Jamie’s Best Friend ni Paolo Bitanga, at I Love You, Papa! ni Maan del Rosario; para sa edad 5 at pataas, dinugtungan niya ng Run, Dad, Run! ni Minnie Francisco, Meet My Superdad ni Maricel Laxa-Pangilinan, at May Higante sa Aming Bahay ni Rhandee Garlitos; at para sa mga edad 6 pataas, tinapos niya sa A Lesson from Juana ni Becky Bravo at Sandosenang Sapatos ni Luis Gatmaitan.
Noong 2005, para sa Fathers’ Day, nag-edit sina Alfred Yuson at Gemino Abad ng 85 tula ng 40 Filipinong makata para sa Anvil Publishing na kung tawagin ay Father Poems.
Paglipas ng apat na taon, sa tulong ng The University of the Philippines Press, ang mag-hipag na sina Elizabeth Arcellana-Nuqui at Lydia Rodriguez-Arcellana ang nagkusang mangolekta ng mga tula’t tuluyan tungkol sa kanilang ama — sa pamamagitan ng Regarding Franz – isang pagpupugay kay Francisco Arcellana.
Ito rin marahil ang nasa diwa’t damdamin ni Galarpe.
Datapuwa’t iba ang daang kaniyang hinawan.
Nagsimula lamang ang lahat sa post sa Facebook na kaniyang inamin na lamang noong 9 Abril 2017:
“Some of my friends said that reading my FB posts, they missed their own fathers who have already gone to the afterlife. When I meet friends for lunch or bump into officemates or bosses along corridor, they ask, “How’s your dad?” with a knowing glint in their eyes. Then they ask when my next “nobela” will be posted.”
Halos araw-araw mababasa sa mundong ito ng social media ang kanilang palitan ng linya ng lambing sa iba’t ibang lalim.
Sino bang nagsabing kailangan pang maging Pambansang Alagad ng Sining ang iyong magulang upang magkaroon ng karapatang pagbaliktanawan?
O kaya’y dapat ba dating konsehal at kawal na beterano noong World War II na ginawaran ng United States Congressional Gold Medal?
Para kay Galarpe, pagtupad lamang ito ng tungkulin.
Bilang isang anak.
Na nagkataong isang manunulat.
Kaya, hindi kataka-takang maging politikal ang personal.
O personal ang politikal?
Ama niya ang isa sa kaniyang unang guro:
“I asked my dad who Ninoy was, and he said, “Kaaway ni Marcos. Magaling ‘yon. Puwede sana siya maging Presidente.” To me back then, it was unthinkable for someone else other than Marcos to be President. He was in office before I was born, and seemed to go on forever. And he seemed, to my young mind, not doing anything bad. He was just making people more productive (we had to plant vegetables in school for Green Revolution), more disciplined (curfew every night), and more patriotic (the Bagong Lipunan song was ingrained in us that to this day I can still remember the lyrics that go: May bagong silang, / may bago nang buhay / Bagong bansa, bagong galaw / Sa Bagong Lipunan. / Magbabago ang lahat tungo sa pag-unlad / At ating itanghal, / Bagong Lipunan).”
Bagamat gabay pa rin niya ang kaniyang ama, nakakatayo na siya nang mag-isa lalo sa kaniyang pagpapasiya:
“Then came Ninoy Aquino’s assassination in my freshman year in college, and suddenly, rallies had new meaning for me. To my 16-year-old mind, something was up. The Bagong Lipunan song seemed useless to a society crying out for justice and reform. It was time to learn a new song, and trade images of Metrocom blue to sunny yellow.”
Sa aklat nagpakilala lamang siya sa pamagat bilang “A Q.C. Child of the 70s Looks Back.”
Pero, sa totoong buhay, siya ang senior news editor ng G.M.A. News Online.
At ang hindi niya maiulat sa balita ay naisulat niya sa kaniyang blog.
Quiet Stream ang tawag niya rito.
Kasintahimik niya ito.
Walang iniwan sa Little River Band na nagpasikat sa kantang Reminiscing na nanalo ng 1978 King of Pop Awards bilang Record of the Year!
Tila rito hinugot ang titulo.
Inglesera ang may-akda pero may akmang salita siyang ginagamit para mahagip ang pagka-Filipino.
Walang ipinagkaiba kay Manuel Arguilla — na nasa likod ng How My Brother Leon Brought Home A Wife — na may pagkiling din sa haligi ng kanilang tahanan.
Bagamat ang daigdig ni Galarpe ay Quezon City.
Partikular sa Project 8.
Jeproks siya, kung tutuusin.
Pero malayong-malayo sa persona’t pananalita ng pinatatamaan ni Mike Hanopol.
Maririnig ang tinig niya sa kaniyang wika.
Tinawag niyang “Salingkit,” halimbawa, ang bahagi ng kaniyang pagbabahagi kung gaano siya kaagang nag-aral sa murang gulang na dalawa!
Sa pahinang ito, binubuksan niya ang pinto sa kaniyang sensibilidad at sensitibidad.
Ipinapamalas din nito ang antas ng kaniyang pinag-aralan at ng kaniyang pinagtutuunan ng pansin.
O kawalan nito?
Nahulog kasi raw siya sa imburnal noong limang taong gulang pa lamang siya.
Salamat sa Diyos.
Tumagal pa siya ng higit sa limang dekada upang mabuhay at makapagsalaysay!
“Plok!” ang ginamit niyang tunog sa kaniyang pagkahulog.
Videogame rin ito.
Kinababaliwan ng kagaya niyang Martial Law Baby!
Pansinin ang kaniyang pansariling Rebolusyong Edsa.
O di kaya’y rebelyong rosas:
Me, nearing 50, driving on Edsa: “Daddy, may classmate ako, sabi niya, “Ano kaya ipakilala natin Mommy ko sa Daddy mo?”
Daddy, 87: (chuckles)
Me: Tapos may friend ako, 60+, sabi niya, “Pakilala mo kaya ako sa Daddy mo?:
Daddy: Hahaha
Me: (not smiling, grips steering wheel tighter)
Marahil ito ang dahilan kung bakit siya nagdagdag ng huling kabanata.
Tinituluhan niya ito ng Missng Mom #karen50bert88.
At tinuldukan ng Psalm 84:11.