ni Don Vittorio Villasin

SUBJECT: Kumusta? Reply ka ha.

Ise-send ko sana sa iyo ‘to as text message pero wala akong pantext at bigla kong naisip na i-email na lang kita. 

Kumusta?

Una sa lahat, huwag mo/ninyo sana itong ituring na panghihimasok o pagbibida sa kahit anong bahagi ng buhay mo/ninyo. Oo, nalaman ko ang isyu na kinaharap at kinahaharap mo pa rin hanggang sa ngayon, although hindi ko alam kung ano nang lagay mo. Nagsasalita ako ngayon bilang kaibigan. Alam ko at alam mo na minahal talaga kita kahit sa sandaling panahon lang. Nagkaroon ako ng pakialam sa iyo, at siguro nga ay hindi nawala ‘yon kasi ngayon, ito e minessage kita. Ang dami ko na namang paligoy-ligoy. Pero bilang kaibigan, may pake pa rin ako kahit alam kong ang gago mo, maling-mali ka talaga sa ginawa mo noon. Alam kong ang katulad mong klase ng tao ay dapat iniiwan, kinagagalitan, pinarurusahan. Pero naisip ko, paano ka na? Paano ka pa mabubuhay? Mag-isa. Alam ko, huhugot ka ng lakas sa kanya. Kahit sobrang mali ka talaga, gusto kong malaman mo na hindi ka nag-iisa at malalampasan mo rin ‘yan. Hindi mabilisan s’yempre. Please lang, h‘wag mo nang gustuhin na lahat ng bagay ay pangmadalian, mabilisan, makukuha mo agad, o makukuha mo talaga. May mga bagay na di mo makukuha at di na maibabalik. Alam mo na ‘yan, sus, tanda mo na. Sana maging okay kayo.

Sana maging okay kayo. Ikaw, siya na alam kong nahihirapan din nang sobra. Wala akong karapatan na magsalita ng kahit ano tungkol sa nararamdaman niya, alam ko. Pero hiling ko talaga na matagpuan niya ang kapanatagan ng loob. May boyfriend ako ngayon, may nagawa rin siyang kasalanan, at alam ko ang pakiramdam ng…ewan. Parang wala ring angkop na salita e. Basta masakit, mahirap, nakakabaliw. Ewan, lapitin yata ako ng toxic na tao, hahahaha. But what can I do? I have to live this life, my life. Basta ‘yon nga. Nagugulo na naman utak ko sa dami ng gusto kong sabihin. Pero ‘yon nga, galit sa iyo ang mundo, e. Nandito pa rin ako bilang nagmamalasakit sa iyo. Sana maging okay kayo at mag-heal sa lahat. Sa totoo lang, noong natapos sa atin ang lahat, nakakalungkot, sobra. Maraming naaalala, pero noong tumagal, nabawasan din. Gaya ng maraming bagay. Mas naiintindihan ko na siguro ngayon. Dapat sa simula pa lang, tinatanim na sa isip na maglalaho rin ang lahat. Mga tawanan, mga balak, mga gagawin dapat. At kapag dumating nga at natapos, dapat talagang iyakan at pagluksaan dahil maging ‘yon, e, maglalaho. Ano nga ‘yung sabi sa kanta? Darating ang araw at tatawanan na lang ang lahat. Lumipas na, oo, pero di pa rin ako natatawa.

Marunong ka pa bang tumawa? Nakakatawa o ngiti ka pa ba pagkatapos ng lahat ng nangyari? Nakakapag-joke ka pa rin ba? Alam mo, isa ka sa iilang mga tao na talagang naiyak ako sa kakatawa nang dahil sa joke. Kapag nalulungkot nga ako minsan, inaalala ko pa rin ‘yung joke mo tungkol sa dating trabaho ni Sigmund Freud. Kahit ngayon, habang tina-type ko ito, natatawa pa rin ako.

Nagsusulat ka pa rin ba? Nasabi mo sa ‘kin dati na ‘yung pagsusulat ang talagang solace mo. Na kahit anong lungkot napapawi kapag naisulat mo ito. Sana nagsusulat ka pa rin. Sana may gana ka pa. Sana kahit alam kong sobrang bigat ng damdamin mo, e, nakabubuhat ka pa rin ng bolpen.

Ikaw ba ang nagsabi, o baka si Albert ata, na ang makatang malungkot ay may libro sa darating na buwan? Yeah, I know, not the right thing to say after what you’ve been through. Pero, ewan, siguro sinubukan ko lang hanapan ng positivity kahit na alam kong lugmok na lugmok ka ngayon. 

‘Yung huli mong koleksiyon ng tula, ‘yung binenta mo sa event nu’ng May ata ‘yon, nagkaroon ako ng kopya, pero PDF lang. Nakigamit ako ng Gcash sa kapitbahay para di mo na malamang ako ‘yon. Tuwing babasahin ko, naiiyak ako na ewan. Alam kong hindi para sa ‘kin ang mga tula (‘yung isa nga do’n, e, para yata sa alaga mong pusa?) pero pakiramdam ko…haha, ewan. Siguro talagang nahumaling lang ako sa ‘yo nang sobra kaya akala ko, e, lahat ng isusulat mo, e, para sa ‘kin. 

Nasabi ko na ata kanina, pero sobrang nalungkot ako nang matapos ang…well, ano ba talaga ‘yon? Di ko talaga gets kung naging ano ko sa ‘yo. Quaran-fling? Panandaliang ngiti? Baka di na rin siguro mahalaga haha, after all, may kanya-kanya na tayong buhay sa ngayon. Pero gusto kong malaman mo na kahit sa sandaling panahon ay may naiwan kang marka sa akin. Kaya nalungkot ako nu’ng natapos na, nu’ng nawala na.

Kaya nu’ng pumutok ang balita about sa isyu, sobrang nalungkot na naman ako. Hindi ako nagalit, ewan ko ba. Ang bait ko kasi masyado. Alam mo naman kasing gago ka, e, dinadagdagan mo pa nang dinadagdagan. Wala kang control, e. Ah, basta! May panahon pa. Marami nang nang-iwan sa ‘yo, oo. Gano’n talaga, need mo tanggapin. Nagulat nga ako, e, kasi wala man lang maski isa sa mga kaibigan mo ang humingi sa panig mo. Oo, alam ko: kasi tinanong ko sila. Tinanong ko kung kumbinsido ba silang totoo nga ‘yong nangyari, at sabi nila na walang kaduda-duda raw. Sabi ko kung kinausap ka nila, sabi naman nila, e, hindi. Kaya nagtaka ako: ano ‘yun? I mean, siyempre, di ko tinotolerate ‘yung ginawa mo, pero ewan. Parang nakakagago lang. Pero mali ka rin naman kasi. Ang bulok ng naging judgment mo. Matalino ka naman tao pero, hay, ewan. Need mong ayusin ang sarili mo. Kung bumalik man itong mga “kaibigan mo, e, bonus na lang ‘yon.

Pero ‘yon nga, sana maging okay balang araw ang lahat. Para sa iyo, at sa mga tao sa paligid mo na minamahal ka pa rin ngayon. Marami sila, marami kami. Oo, hindi tama ‘yung ginawa mo…pero totoo ba talaga? Sana sumagot ka dito. Gusto ko malaman ang panig mo. Hinihingi ko ‘yung hindi hiningi ng iba. Di dahil sa kakampihan kita, for all I know baka i-manipulate mo lang rin ‘yung k’wento, pero at least, may duminig sa ‘yo. Alam kong kailangan mo ng mga taong makikinig sa ‘yo.

Sinubukan kong i-message ka. Sana magreply ka. Magkuwentuhan tayo. H’wag kang mag-alala, sisiguraduhin kong hindi ako magiging panggulo na naman sa buhay mo/ninyo. Sana h’wag mo masamain lahat ng sinabi ko. Nag-aalala at nalulungkot lang din talaga ako. Marami pa kong gustong sabihin, e, pero nawala na sa isip ko, hahaha. Kaya magreply ka, ah. Ingat palagi. Laban. 

P.S. 

Nakikita ko ang sarili ko sa iyo. Kung makakapagkuwentuhan tayo, malalaman mo. Maraming nangyari. 

***

Hindi ako sumagot.

Paulit-ulit kong binasa ang mensahe niya, pero paulit-ulit pa rin akong di makapaniwala na nagpadala siya ng email sa akin. Bukod sa totoong ibig sabihin ng mga salita, parang bumubulong pa sa akin ang mga pakiramdam na hindi ko mapanawilaan. Matagal ko nang tinanggap ang malagim na katotohanang naubusan na ako ng kaibigan.

Sa totoo lang, naiisip ko na darating ang araw na hindi ko na kakailanganin ang ibang tao. Na darating ang punto sa buhay ko kung saan magiging kuntento na ako sa kung ano o sino lang ang mananatili. Pero ngayon, pagkatapos kong basahin nang ilang beses ang email ni F, naunawaan kong napakalungkot pala talaga ang maging mag-isa. Dumadagan ngayon sa damdamin ko ang buong katotohanang mag-isa na lang talaga ako.

Nagtimpla ako ng kape at hinigop-higop ito habang nakatingin sa bintana. Umuulan noong hapon na iyon. Tila isang lumang pelikula ang mga ulap sa langit.

Parang bigla kong gustong lumabas.

***

“Kumusta ka?” tanong niya pagkapasok namin sa apartment niya.

“Ayos lang,” sagot ko. Umupo ako sa sofa. Hindi siya umupo. Di ko alam kung dapat bang hinintay ko munang alukin niya akong umupo.

May pingas sa tunog ng boses niya. Parang hindi siya sigurado kung dapat niya ba akong kausapin. “Sigurado ka?”

Tumango ako. “Oo. Nagsusulat na ulit ako.”

“Ay, talaga?”

“Oo, pero it took a while. Sabi ko nga di na ako magsusulat ulit, e. Pero eto, may idea ako na di ko matanggal sa isip ko. Kaya sabi ko, isusulat ko.”

“Mabuti naman,” kumuha siya ng yosi. Inalok niya ako pero umiling ako.

“Pero mabagal, sa totoo lang. Sana nga matapos ko, e.”

Sinindihan niya ang yosi. “Ano ba, tula, k’wento?”

“Nobela.”

Nakita ko ang gulat sa mga mata niya. “Wow. Parang first time ata ito, a.”

“Oo,” sabi ko. Ngumiti ako sa kanya. Nasubaybayan niya ang lahat ng mga isinulat ko.

“Tungkol saan naman?”

“Di ko alam, e. Lagi naman.”

“Oo nga, laging di ka sigurado sa mga ginagawa mo.”

“Napansin mo rin?”

“Oo naman. Tagal din ng pinagsamahan natin, ha. Bago…well, bago ang lahat.”

Napahinto siya saglit. Hinawi niya ang mahaba niyang buhok. Tinaktak niya sa ashtray ang upos ng yosi niya, pero parang bigla siyang nagdalawang isip; dinurog na niya ang baga sa ashtray.

“E, ikaw, kumusta ka?” simula ko. Baka sabihin pa na dumalaw ako para lang pag-usapan ang sarili ko.

“Okay na okay ako ngayon. Manager na ako,” sagot niya. “Akalain mo ‘yon?”

“Alam kong deserve mo ‘yan.”

“Sana nga.”

“Ano ka ba, di mo naman makukuha ‘yan kung di mo deserve,” sabi ko sa kanya. Tumingin siya sa akin na para bang kailangan din niya ang mga salita ko. “For sure matindi rin ang pinagdaanan mo before reaching that position.”

Tumango-tango siya. “Marami.”

“O, di ba.”

Tumabi na siya sa akin. “Tingin ko, lahat naman tayo we’ve been through something. Lalo ka na.”

Natawa ako. “Wala ‘yon. Tingin ko deserve ko rin ‘yon. Minsan nga naiisip ko na kung di ko pinagdaanan ‘yon, baka wala pa ring nangyari sa buhay ko.”

“Marami nang magagandang bagay na nangyari sa buhay mo.”

Tumingin ako sa kanya. “Tulad ng?”

“Ano ka ba, siguradong marami na. Baka naging less appreciative ka lang.”

“Baka nga.”

Nilaro-laro niya ang lighter niya sa kanyang palad. “Baka kasi lagi kang naghahangad ng malalaking stuff sa buhay mo, tipong masyadong engrande o ano. O baka something na fantasy mo. And then that’s why di ka makakita ng fulfillment kahit na marami ka namang nagawang fulfilling.”

“Wow, parang na-invalidate naman ako.”

“Sorry, I didn’t mean that. Ang akin lang, e, baka, alam mo ‘yun, baka p’wedeng you give yourself some credit. Or, give other things some credit.”

Wala akong nasagot. Nilaro-laro ko sa utak ko iyong mga sinabi niya pero parang wala akong maintindihan. O baka kasi ayaw kong marinig ang mga salitang ‘yon? O baka talagang wala akong k’wentang tao at wala talaga akong ibang inisip kundi sarili ko.

“Kumusta kayo ni…ano, si–”

“Ah, well, iniwan na niya ‘ko. I mean, what did you expect, di ba? Siyempre sinabi ko sa kanya ‘yung panig ko, pero di siguro enough. At sa totoo lang, wala naman maski sino ang humingi sa panig ko. Sa kanila, di na mahalaga ‘yon.”

“Sa’n siya pumunta? Di ba live-in na kayo?”

“Yeah, sa akin naman talaga ‘yung apartment, so umalis siya. Di ko lang alam kung saan siya nakatira ngayon, baka bumalik sa kanila sa Davao. Naka-block ako sa lahat ng accounts niya, e, at kahit na di naman ako naka-block, di na rin ako nag-i-internet halos ngayon.”

Tumango-tango lang siya. “Pero nag-PM ka sa ‘kin?”

Ngumiti ako. “Oo, may Messenger pa rin ako.”

“Nagulat nga ako nu’ng nag-message ka, e.”

“Mas nagulat ako nu’ng nag-reply ka.”

“Bakit naman ako hindi magre-reply?”

“Wala baka kasi, alam mo ‘yon, akala ko kasi sinunog mo na rin ako.”

“Kaya nga tayo magkaibigan, e. Nakakatampo nga na ngayon ka lang nag-PM, e.”

“Sorry, di ko rin kasi talaga alam kung ano’ng gagawin ko. O kung may dapat ba akong gawin.”

“Magkaibigan tayo. Hindi man the best of friends, pero may pinagsamahan tayo. Nakahanda akong makinig sa ‘yo siyempre,” huminto siya saglit. Huminga nang malalim. “Pero hindi ibig sabihin no’n na tino-tolerate kita.”

Tumango lang ako. Hindi na ako nagsalita. Bigla-bigla, e, parang may batong bumara sa lalamunan ko. Mabigat. Parang gusto kong masuka na ewan.

“Ready ka na?” tanong ko sa kanya.

“Tinanggap kita sa pamamahay ko.”

“Okay,” sabi ko. Huminga ako nang malalim pagkatapos ay ikinuwento ko sa kanya ang panig ko. Walang labis, walang kulang. Sinabi ko ang mga alam kong totoong nangyari, at inisa-isa ko sa kanya ang mga detalyeng tila sinadyang ibahin ang konteksto para marating ang ginugustong konklusyon.

“Una sa lahat, thank you, kasi shinare mo sa ‘kin ‘yan. I’m sure naging mahirap, o baka nga mahirap pa rin hanggang ngayon para sa ‘yo ang lahat.”

Tumango ako. “Kinukuwento ko pa nga lang sa ‘yo, parang pina-panic-attack na ako, e.”

Hinawakan niya ang kamay ko. “Calm down. Tapos na ‘yon.”

“May one year na ata?”

“Who cares? Basta tapos na,” sabi niya. Naluluha na ako. Inabutan niya ako ng tissue. “O, ngayon, ano’ng plano mo?”

Nagtapat ako. “Noon, nu’ng kaputukan ng lahat, talagang ang gusto ko, e, magsampa ng kaso. Pero ang mahal, e, wala naman akong ibang trabaho. Alam mo naman na freelancer lang ako, kung ano lang ang mapulot kong kaya kong gawin, pinapatos ko. Wala akong pera para sa mga kaso-kaso o ano pa man. Pinanghahawakan ko na lang, e, lalabas rin naman ang totoo.”

Di siya sumagot. Ewan ko kung ano ang iniisip niya pero sa mga tingin sa akin ng maitim na maitim niyang mga mata, ramdam kong may inisiip siya.

“Saka, kapag narinig ng lahat ang panig ko, at na-realize nilang tama ako, ano’ng mangyayari? Lahat ng nawalang kaibigan, babalik? Magso-sorry ang lahat sa ‘kin? Di na. Ni hindi nga sila nagdalawang-isip magmula nu’ng kumalat ang balita, e. Sa isang k’wento lang, nakapag-conclude na agad sila.”

Di pa rin siya sumagot. Minasa-masahe niya ang palad ko. Isa-isa dumaloy ang luha ko, parang iyong ulan sa labas. Nag-aagaw itim at puti ang mga ulap. Napaisip ako: may bagyo ba?

“Kaya sabi ko na lang,” tuloy ko. “Sige na. Panalo na siya. Nakuha na niya ang simpatya ng lahat. Ngayon, lubayan na niya ‘ko. At sana, di na niya magawa ‘to sa iba pa.”

Tumango-tango lang siya. Alam kong nakikinig siya, pero ano kaya ang nasa isip niya? Naniniwala ba siya sa ‘kin? O baka wala lang rin siyang nasabi?

“Sa totoo lang,” simula niya. “Wala akong masabi. At kahit naman anong sabihin ko, e, wala naman talagang mababago. Di natin alam kung ano pa ang mga mangyayari, kung ano pa…kung ano pa ang haharapin mo dahil sa issue na ‘to,” napabuntunghininga siya. “Gago ka kasi, e.”

“Oo, gago talaga ‘ko.”

“Kailangan mong malaman ‘yon.”

“Marami pa akong kailangan.”

“Di pa naman huli ang lahat.”

Di ako sumagot. Kasi sa isip ko, bumabagyo ng “huli na ang lahat”.

“Maiwawasto mo pa ‘yan.”

“Maiwawasto ko pa,” ulit ko. Pero sa totoo lang, di ko rin talaga alam kung bakit ko inulit ang sinabi niya. Assurance? Para ba maitatak ko sa isip ko? Kailangan bang maitatak ko sa isip ko bago ko paniwalaang kaya ko nga?

“Madali sabihin,” sabi niya.

“Pinakamadaling gawin sa ibabaw ng lupa.”

“Ewan ko kung pa’no ka babangon mula dito. Pero sinasabi ko sa ‘yo na babangon ka. There’s no other way but up when you’re at the bottom.”

Sa loob-loob ko: e, pa’no kung di na ako makaakyat?

***

Ang apartment ko na ata ang pinakatahimik na lugar sa mundo. Kulang na lang pati daloy ng dugo ko marinig ko, e. Kung di lang sa mga dumadaang sasakyan o kaya mga taong hindi ko alam kung bakit dis-oras ng gabi, e, nagsisigawan pa, malamang sa malamang, magtutunog granada ang utot ko.

Walang sino man ang naghihintay sa akin pagdating ko sa bahay. Kinamayan ako ng pinto, sinalubong at binati ng mga pader, hinalikan ng kama. Gusto ko na lang sana matulog, pero parang masyadong maingay ang utak ko. Masyadong maingay ang utak ko, pero tinatamad akong bumangon at magsulat. Parang tuyo masyado ang lalamunan ko, pero tinatamad akong pumunta sa kusina para kumuha maski tubig o kaya beer. Parang masarap ang beer. Pero tinatamad ako.

Hindi na umuulan pagkadating ko sa apartment pero ramdam mo ang presensiya nito. May kakaibang lamig na kumukumot sa nagbabagang mga damdamin.

Para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan pagkatapos namin mag-usap. Parang ang tagal kong nag-rehearse para sa isang performance pero pagkatapos ko mag-perform, pinagsisihan ko ang lahat. Ganoong pakiramdam. Gumaan naman ang loob ko, kasi nasabi ko ang mga gusto ko sa isang taong nangakong makikinig. 

Naalala ko sa librong The Unbearable Lightness of Being nabanggit ni Kundera na ang buhay daw ay isang peformance na walang rehearsal. Walang practice, walang table-reading, walang kahit na ano mang preparation. Ni hindi ka nga bibigyan maski isang segundo para i-memorize ang script, ang iyong mga linya. Pine-perform ang buhay sa araw mismo ng presentation. Pelikulang shinu-shoot sa araw mismo ng paglabas nito sa mga sinehan.

Di pa rin ako makatulog kaya bumangon ako, dumiretso sa kusina para kumuha ng tirang beer, binuksan ang laptop at inikot-ikot ang mouse sa mga window, hanggang sa nabuklat ulit ang email ni F.

Ang petsa ng mensahe: tatlong linggo na ang nakalilipas.

Sinubukan kong magsulat ng posibleng sagot sa kanya, pero binura ko rin agad. At ano ang sasabihin ko? Salamat sa mensahe? Pa’no kung naaawa lang siya at wala naman siyang simpatya talaga sa ‘kin? Pa’no kung sumagot ako sa mensahe niya tapos ay ikalat lang din siya sa mga kung sino sa eksena at tawanan ang kung ano mang mga salita ang ibinigay ko sa kanya?

May mga sumunod pang email, pero di ko na binuklat pa. Pakiramdam ko, e, nagkakalkal lang ako ng sugat.

Binura ko na lang ang mga mensahe niya.

Deserve na niyang maging masaya sa buhay niya. Hindi ko na dapat siya idamay sa buhay kong nasa bingit lagi ng pagtalon sa bangin.

***

May lagi akong pine-perform sa mga gig dati, parang pseudo-tula/pseudo-maikling kuwento na ang pamagat, e “Hindi na ako susulat ng tula”. Bale ‘yung persona kasi ay isang makata na hindi na muling tutula dahil nahanap na niya ang tunay na kalungkutan. Paulit-ulit ko ‘yon pine-perform sa iba’t ibang gigs namin, at alam ko naman na pinag-uusapan na ako ng ibang mga tao sa eksena dahil nga paulit-ulit kong tinatanghal ‘yung piyesa kahit na sinabi nga sa mismong piyesa na iyon na ang huli.

Kahit ‘yung ex ko, sinasabi na bakit di daw ako mag-perform ng iba? Bakit iyon lagi, paulit-ulit? Di ka ba nagsasawa? Alam ko rin na kahit ‘yung mga kasama ko sa collective suyang-suya na sa itinatanghal ko na ‘yon, pero di lang nila masabi sa ‘kin komo ako ang presidente at founder ng grupo. 

Di kasi nila maintindihan na ang pinakamalungkot na bagay sa mundo ay ang pag-ulit-ulit. Lahat ng umuulit, nawawalan ng saysay. Nagiging trivial. Kung araw-araw mo akong mahal, boring, passe na ‘yan. Kailangan may away somewhere in the middle. Kung araw-araw burger ang kinakain mo, naku po, darating sa point na makakita ka lang ng larawan ng burger, e, maduduwal ka na. Kung araw-araw binabaril si Rizal, o isang Rizal-like figure sa Bagumbayan, wala na tayong pake sa mga pinaggagawa niya. Normal na occurrence lang ang dapat na “martyrdom”.

Tingnan mo ko, paulit-ulit na nagkamali. Paulit-ulit na nangakong wawastuhin ang sarili. Paulit-ulit na binigyan ng pagkakataon. Ayun, paulit-ulit na natumba, natalisod, nalaglag sa bangin.

Paulit-ulit na nasa proseso ng pagbangon. Hindi na nga ata makakawala roon.

Malungkot man, pero paulit-ulit pa rin ako–madadapa, babangon. Hindi pa gumagaling ang galos mula sa dating pagkakadapa, heto’t titisuring muli ang sarili para masugatang muli. Tama nga siguro ‘yung sinabi ng ex ko, wala na akong pag-asa. Isa na akong lost cause. Pero naisip ko rin na di naman ito video game na may limang pagkakataon ka lang para magkamali. Naniniwala pa rin akong maitatama ko ang lahat. Walang kasiguruhan, siyempre. Ganoon naman talaga sa maraming bagay. Huwag lang sana akong sumuko. Manatili mang isang draft ang buhay ko, maging kumpleto at tapos na draft naman sana ito.

***

Di ko alam kung mababasa mo ‘to, o kung nabasa mo rin ‘yung iba pero inignore mo lang, pero ise-send ko pa rin tutal wala namang bayad ang email, e. 

Nangyayari pa rin ba ‘yung sinasabi mo sa ‘kin dati, ‘yung gigising ka tapos galit na galit ka sa sarili mo? Sana hindi na nangyayari ‘yon. Deserve mong gumising nang may pag-asa lagi sa buhay. Kung laging may bumubulong sa utak mo na wala ka nang mararating, na tapos na ang buhay mo at hindi mo na deserve mabuhay, please please please huwag mong hayaang manalo ang boses na ‘yon. You’re more than what that voice tells you. Hindi ko alam ang extent ng hateful acts na ginawa mo, dahil di ka naman sumasagot, pero siguro hindi ko na kailangang malaman pa. Baka wala na rin akong pake. Pero naniniwala ako na kahit ano pa, magbabago ka rin. Maaayos mo rin ang sarili mo. Iniwan ka na ng halos lahat nalaman ko sa kanya na di na pala kayo magkasama. But still, you have to be better–not for anybody else, but FOR YOU.

Wala na akong masasabi pa, parang nasabi ko na lahat. Wala ka namang sinagot maski isa sa mga email ko, kaya ito na siguro ang huli. Alam kong unsolicited advice ang lahat ng sinabi ko, pero it came from a caring friend.

Matutuloy na kami ni Bert sa Canada next month. Wala namang magbabago, pero siguro ‘yun na rin ang gagawin kong big step to recovery. Iko-close ko na itong mga account na ito, at gagawa ng bago. Kaya baka kahit pa mag-reply ka, e, hindi ko na mabasa o masagot. 

Iingatan mo lagi ang sarili mo. Kung magkikita man tayo uli, sometime in the future, kung saan man, sana makita naman kitang masaya at ligtas. A much better version of yourself. At sana, marinig ko o mabasang muli ang mga tula mo. Sana, tumula at magsulat ka pa rin.

Gusto kong makita ang ikaw na walang bahid ng mga bangungot ng nakaraan mo. And when that day comes, gusto kong malaman mo na kaibigan mo pa rin ako.

***

Madaling araw, nag-ring ang cellphone ko. Wala sa contacts ko ang numero, pero alam kong siya iyon. Sinagot ko. Tatlong beses akong nag-“hello” pero walang sumagot mula sa kabilang linya. Pero alam kong nandoon siya, humihinga.

Sinabi ko ang pangalan niya. Tatlong beses din. Pakiramdam ko ay sumisigaw ako sa kanya mula sa ilalim ng isang malalim na bangin. Pero wala siyang salita, maski alingawngaw. Baka nga hindi naman talaga siya iyon. Baka aksidenteng na-dial ng kung sinong lasing.

Narinig kong bumungtunghininga siya.

“Kung gusto mo kausapin, bakit ngayon lang?” tanong ko pero bago ko pa makumpleto ang sinasabi ko, tinapos na niya ang tawag.Pumunta ako ng kusina. Magtitimpla sana ako ng kape kaso ubos na. Naghanap ako ng puwedeng mainom, at ang nakita ko lang ay mga tirang pakete ng tsa. Nagpainit ako ng tubig at ibinabad ang mga teabag. Habang naghihintay ng ilang minuto, ewan ko ba, pero naisip ko lang, ilang tao kaya ang umiinom ng tsa sa oras ding iyon, at naniniwalang may maitutulong ito sa kanila? ◆

Si Don Vittorio Villasin ay nakatira sa Quezon City. Siya rin ang may akda ng nobelang “Sadness” at dalawang kuwento na nailimbag na rin sa Liwayway.