KAUGNAY ng mga impormasyong inilahad sa itaas, dapat maisip at mabigyan ng masusing pag-unawa ang sampung karapatan ng bawat batang Pilipino ayon sa ipinalabas na kahilingan ng Children’s Rights Council (CRC):
1. Maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyonalidad
2. Magkaroon ng tahanan at pamilyang mag-aaruga
3. Manirahan sa payapa at tahimik na lugar
4. Magkaroon ng sapat na pagkain, malusog at aktibong katawan
5. Mabigyan ng sapat na edukasyon
6. Mapaunlad ang kakayahan
7. Mabigyan ng pagkakataong makapaglaro at makapaglibang
8. Mabigyan ng proteksiyon laban sa pang-aabuso, panganib at karahasan
9. Maipagtanggol at matulungan ng pamahalaan
10. Makapagpahayag ng sariling pananaw.
Dahil dito, pagbasa ng panitikang pambata ay isang napakahalagang salik sa pagtatamo ng mithiing ito, partikular ang pagbasa ng maikling kuwentong pambata at pangkabataan dahil malaki ang tungkulin at responsibilidad ng maikling kuwentong may paksa at temang dumudukal sa kamalayan at karanasan ng kabataan. Nailalahad dito hindi lamang ang ipinahahayag nilang damdamin kundi ang kanilang makapangyarihang lakas na may progresibo at aktibong ginagampanan sa pakikipag-ugnayang panlipunan. Ang panitikang pambata, samakatuwid ay salamin ng buhay ng kabataan dahil taglay nito ang repleksiyong nasasalamin sa lipunang kanilang ginagalawan.
Hinihingi ng pangkasalukuyang kalakarang pang-edukasyon ang higit na pagbibigay-tuon sa paglinang ng mga kasanayan at kakayahang komunikatibo na makatutulong sa mga bata upang higit na maging produktibong indibiduwal at magkaroon ng masaya at makabuluhang buhay sa hinaharap. Nakaangkla ang ganitong pananaw sa nangingibabaw na kalakarang global sa edukasyon na pinaniniwalaang dapat nakatulong sa paglikha ng kabataang may kakayahang umagapay sa mabilis na nagbabagong kapaligiran, makabagong teknolohiya, rebolusyong intelektuwal at interdependent na ekonomiya. Ang mga ito ang pangunahing dahilan kung bakit
dapat matuklasan ng mga mambabasa ng panitikang Filipino, lalo ng mga guro at mag-aaral ang pinagmulan ng panitikang pambata.
Ang mga Bata sa Panahon ng Pandemya
NAGSIMULANG magdeklara sa bansa ng General Community Quarantine (GCQ) noong Marso 15, 2020 dahil sa paglaganap ng Covid-19. Naapektuhan ang mga bata dahil bukod sa ipininid ang mga paaralan ay hindi pinapayagang makalabas ng bahay ang mga bata. Nakaranas ng anxiety attack ang mga bata lalo’t hindi sila nabibigyan ng atensiyon.
Naglabas ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) for Every Child ng mga payo at tips para sa pag-aalagang dapat gawin ng kanilang mga magulang sa panahon ng coronavirus pandemic.
Sa panahon ng kalamidad tulad ng COVID-19, normal lamang sa mga batang makaranas ng matinding stress, takot, pagkainip at pangamba.
Maaaring manibago sila dahil hindi maaaring lumabas ng bahay dahil sa community quarantine.
Para sa mga batang edad 0-5: Maaaring bumalik sa mga nakaugalian nila noong bata pa sila, katulad ng pag-ihi sa kama o pag-thumb suck o pagiging clingy. Maaari ring bigla silang mawalan ng interes sa paglalaro, maging balisa o iyakin.
Para sa mga batang edad 6 to 12: Maaaring magkaroon ng mga bagong kinatatakutan, maging tahimik o mas pipiliing laging mag-isa.
Para sa mga edad 13 pataas: Maaaring magpakita ng kawalan ng pakialam at interes o ihiwalay nila ang kanilang sarili sa mga kaibigan at pamilya. Maaari rin silang maging pasaway at piliing tumakas ng bahay, madalas sumuway sa utos o makipag-away.
Narito naman ang mga iminumungkahi ng UNICEF na dapat gawin ng mga matatandang kasama ng mga bata:
Suportahan sila sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga hinaing at ipaunawa sa kanila na magiging maayos din ang lahat.
Mas nakakatugon sa stress ang mga may kasamang nakatatanda na nakakaunawa, kalmado, positibo ang pagtingin sa sitwasyon.
Bigyan ang mga bata ng sapat na oras at atensiyon. Iparamdam na handa kayong makinig sa kanilang nararamdaman o gustong sabihin. Hikayatin ang mga batang magkuwento tungkol sa kanilang nararamdaman.
Ipaalaala sa kanilang sinusunod ng pamilya nila ang mga paraan para mapanatili silang malusog at ligtas sa sakit. Hindi nila dapat sisihin ang kanilang mga sarili sa mga pangyayari.
Ipaliwanag sa kanila ang mga nangyayari. Bigyan sila ng simple at madaling intindihing mga impormasyon. Iwasang takutin sila.
Kung hindi mailabas ang saloobin, hikayatin silang isulat o iguhit ang kanilang nararamdaman. ◆