Umiiwas naman, tinamaan pa rin Ang lintik na Covid, dumapo sa akin; Labintatlong araw, may pasak ng tubo Parang katapusan, ang bawat pag-ubo!
Apatnapu’t pitong araw sa ospital Mga kaibigan, pawang nangagdasal; Dumagsa ang tulong, moral at pinansyal At aking nadamang daming nagmamahal!
Ako’y di pa noon nababakunahan Kung kaya’t sa Covid ay walang panlaban At nagpakatatag kaya nakaligtas At di napasama sa mga nautas!
Kaya kahit tutol ka na magpaturok Mas mainam kaysa sa urn ka maluklok!
(Ang makata ay isang Covid 19 survivor matapos ma-intubated ng 13 araw at maospital ng 47 araw sa Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor, Cavite)