Artsibo ng Nobelang Komiks sa Loob ng 100 Taon ng Liwayway

ni Edgar Calabia Samar

(IKA-16 NA LABAS)

NOBELANG KOMIKS BLG. 23
BERNARDO CARPIO

Manunulat: Dr. Fausto J. Galauran
Ilustrador: Jet
Publikasyon: Liwayway
Bilang ng Labas: 18
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 1
Unang Labas: 27 Nobyembre 1950
Huling Labas: 26 Marso 1951

BUOD

NAGSIMULA ang nobela sa pagsalakay ng masasamang loob (los ladrones) sa bahay ng isang enkomyenda, si Don Carpio. Napatay ang asawa niyang si Maria at bago tuluyang yumao ang don, dumating ang kapatid niyang opisyal na Kastila, si Rubio, at ibinilin dito ang nakaligtas niyang anak, si Bernardo, na humigit-kumulang sa limang taong gulang noon. Hiniling ni Don Carpio kay Rubio na alagaan nito’t isama sa pagbabalik sa España si Bernardo. Hindi naman lubusang tanggap ni Rubio ang pagkakaroon ng pamangking indio pero hindi niya matatalikuran ang pangako sa yumaong kapatid.

Dumanas ng pagkaapi si Bernardo sa pag-aaral nang pumasok siya sa paaralan ng mga batang Kastila. Pinagbintangan siyang nagnakaw ng panyolito, tinawag na tsonggo, pinagtulungang bugbugin ng mga kaklase, at kinutyang may buntot kahit ng guro nilang si Señor Valdez. Nang itinanggi niya ang pagnanakaw sa tiyo niya, tinawag siya nitong sinungaling at hinagupit ng latigo. Paghimlay niya kinagabihan, isang mahiwagang babae––na parang pangitain ng kanyang ina––ang nagsama sa kanya sa isang kuwebang may punong kahoy na nakasisilaw ang liwanag. Kumain si Bernardo ng bunga na nagbigay sa kanya ng ibayong lakas. Nang nagpaalam sa kanya ang babae, sinabi nitong huwag niyang gagamitin ang lakas sa pang-aapi at paglapastangan sa kapwa.

Sinubukan ni Bernardo ang lakas niya sa iba’t ibang bagay hanggang sa muli siyang pagkatuwaan ng mga kapwa bata. Nang dinaluhong siya ni Miguel na siyang pinakamalaki at lider ng mga bata, nahawakan ito ni Bernardo at naihagis sa itaas. Lalong nagngitngit si Miguel at sinabing iyo’y lakas na nagmumula sa isang diyablo. Naging mas maingat naman si Bernardo sa pakikitungo sa mga kapwa bata hanggang sa naging binata na siya. Isang araw, nakakita si Bernardo ng isang nakatumbang kariton at nakita niyang patay na ang nadaganan. Si Bernardo ang pinagbintangang pumatay at nagnakaw sa napaslang at nilitis siya’t hinatulang maglingkod sa barko ng hukbong dagat bilang isang aliping tagagaod. Maraming araw ang nagdaan, humaba na ang balbas at buhok ni Bernardo, ngunit lalo siyang lumakas na ikinahanga at ikinasiya ng kanyang mga kasamahan. Ipinagtatanggol niya ang isang matanda laban sa mga berdugong bantay. Dahil dito, ihiniwalay siya at itinali sa palo ng barko. Subalit nakatakas siya pagkakatali at tumalon sa dagat at naglangoy nang naglangoy hanggang marating ang dalampasigan ng isang pulo ng Pilipinas, kung saan niya nakatagpo ang isang babae, si Luningning.

Tinangkilik si Bernardo ng ama ni Luningning, ang matandang si Ramu. Naging katulong ang binata sa lahat halos ng gawain ng mag-ama hanggang sa makatagpo ni Bernardo ang raha, si Datu Ugat, na iniligtas niya sa mga kaaway. Isinama ng raha si Bernardo sa palasyo upang gawing maharlika. Kabilang sa mga nagsisayaw noon si Luningning at tanaw na tanaw niya ang pakikipaglapit ni Prinsesa Minda kay Bernardo. Nang magbalik si Luningning sa tabing-dagat ay hindi siya mapalagay dahil wala si Bernardo. Mabilis siyang nagtungo pabalik sa palasyo ni Datu Ugat sa kabila ng pagtutol ng matandang Ramu. Nagalit ang prinsesa sa paghahanap ni Luningning kay Bernardo at binulag niya ang dalaga sa pamamagitan ng buhangin. Nang marinig ni Bernardo ang sigaw ni Luningning, itinakas niya ang babae upang mailigtas sa poot ng prinsesa at ng mga kawal nito.

Nakarating sina Bernardo sa kublihan ng isang bruha na nagsabi sa kanilang matatagpuan lamang ang lunas sa pagkabulag ni Luningning sa isang bundok ng nag-uumpugang bato. Naroon ang isang halimaw na may tatlong mata at kapag nakuha umano nila ang panggitnang mata nito, muling makakakita si Luningning. Agad naghanda sa pagpunta sa nag-uumpugang bato sina Bernardo subalit natagpuan din sila ng pangkat nina Prinsesa Minda. Habang hinaharap ni Bernardo ang mga kawal, hinabol naman ng prinsesa si Luningning. Nagawang mailigtas pa rin ni Bernardo si Luningning samantalang tinangay naman ng dausdos ng mga bato sa isang matarik na burol si Prinsesa Minda.

Samantala, ipinagsigawan ni Bernardo ang paghamon sa higante. Takot na takot si Luningning nang marinig ang pagdating ng higante, subalit napatay rin ito ni Bernardo at nakuha ang tila brilyanteng mata sa gitna ng mga kilay nito. Muling nagbalik ang paningin ni Luningning nang itama ang kislap ng liwanag sa mata ng higante sa itim ng mga mata niya.

Subalit tila nalango sa tagumpay si Bernardo at sa pagpunit ng kidlat ay hinamak kahit ang langit. Kasabay ng dagundong ng kulog, tatlong matatalim na kidlat ang dumapo sa kanyang dalawang bisig at dibdib. Tila nawalan ng lakas si Bernardo at nang ibinalik ni Luningning si Bernardo sa yungib, nakita nila ang ermitanyo. Nang malaman ng ermitanyo na pinatay ni Bernardo ang higante ay nagimbal ito dahil hindi umano dapat pinatay ni Bernardo ang higante dahil ang higante lamang ang nakapipigil sa nag-uumpugang dalawang bundok. Ngayon umanong wala nang makapipigil sa nag-uumpugang bato, madudurog ang daigdig sa pagsabog ng bundok. Nang marinig iyon ay agad nagpasya si Bernardo na siya ang pipigil sa nag-uumpugang bato bilang pagtitika. Buong lakas na iniunat ni Bernardo ang kanyang bisig samantalang nangako naman si Luningning na hindi siya aalis, na dadamayan niya si Bernardo at hindi iiwan sa gitna ng pinili nitong katungkulan.

ILANG PANSIN

⦿    Natatangi ang Bernardo Carpio dahil may bersiyon nito sa prosa at may bersiyon sa komiks sa magkatapat na pahina sa bawat labas. Sabihin pa, maraming detalyeng nasasabi sa bersiyong prosa, tulad ng makikita sa halimbawang unang labas sa itaas, kaysa sa bersiyong komiks. Pero mainam ding ilustrasyon ito ng kondisyon ng pagbabasa noon na may ganitong agarang pagsasalin o adaptasyon sa ibang midyum (komiks) para sa paglalathala. Naunang ginawa ang ganitong kombinasyon ng pagseserye sa akdang Rosas sa Lipa noong 1949 na sálítang dugtúngang nobelang prosa nina Nemesio E. Caravana, Jose Domingo Karasig at Jose Esperanza Cruz na nilalagyan ng isang pahinang bersiyong komiks ang bawat labas. Hindi ibinigay ang buong pangalan ng ilustrador dito na basta tinatawag na Jet. Samantala, sa huling labas ng komiks ay may patalastas na isinasapelikula na ito ng Sampaguita Pictures. Noong Mayo 1951 nga, lumabas ang Bernardo Carpio na ginanapan ni Cesar Ramirez.

⦿  Maraming pagkakataon na parang basta tumatalon ang naratibo kung komiks na bersiyon lang ang binabasa. Kagaya ng maraming nobelang komiks sa panahong ito, halos karikatura ang paglikha ng mga tauhan, wala ang komplikasyon ng sikolohiya na karaniwang kahingian sa modernong kuwento. Totoo, may pagtatangka sa ganitong komplikasyon sa simula nang ipakita ang kabataan ni Bernardo bilang isang indio, subalit tila nabitiwan ito sa naratibo nang mapunta na sa kung saan-saang dako ang buhay ni Bernardo. 

⦿ Sa kabila ng mga kahinaang nabanggit sa itaas, maaaring papurihan ang pagtatangka ni Galauran na lumikha ng hakang salaysay sa likod ng pamilyar nang alamat ni Bernardo Carpio mula sa daigdig ng ating mga awit. Sa halip na itampok ang labanan ng mga kaharian na nasa mas matandang teksto, pinili ni Galauran na ilunan ang buhay ni Bernardo sa kasaysayang kolonyal ng bansa samantalang nilalangkapan din ng mga elementong kagila-gilalas––tulad ng ermitanyo, ng higante, na pamilyar sa mga mambabasa. ◆

(ITUTULOY)