Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng Sentenaryo ng LIWAYWAY sa taong 2022, nagbabalik-tanaw ang LIWAYWAY sa mga natatangi at klasikong kuwento na isinulat ng mga batikan at haligi na sa larangan ng panulat bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag, hindi lamang sa LIWAYWAY, kundi maging sa panitikan sa bansa.

ni Marino L. Lizaso at Guhit ni Tony Velasquez
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Marso 26, 1951)

MALALAKAS ang sunud-sunod na katok sa pinto ang gumambala sa pagbibilang ni Aram ng mga putol na pilak. Kinabahan si Aram. Nagdudumali niyang isinilid sa kahang bakal ang maraming putol ng pilak at saka niya binuksan ang pintuan. Sa kanyang paningin ay natampad ang galak na galak na mukha ng isang lalaki.

—Rufus!…kailan ka dumating? Hindi ba kasama ka ng iyong asawa sa Heriko? —nagtatakang salubong ni Aram sa lalaki.

—Hindi, Aram, si Sara lamang naparoon, — sagot ng panauhing biglang naparam ang kagalakan sa mukha.

—Ano ang gagawin ni Sara sa Heriko, Rufus?

Nangunot ang noo ni Rufus. —Si Naum, Aram. Upang hanapin si Naum na ang balita namin ay nagpapalimos sa mga lansangan ng Heriko, —sagot ni Rufus na halatang ibig pangiliran ng luha ang mga mata.

Matamang minasdan ni Aram ang kausap. —Ano? — Nagtataka ang tinig ni Aram. —Diyata’t si Naum, ang kapatid mong bulag, ay nagpapalimos?

Waring may ipinararating ang kislap ng mga mata ni Aram.

—Wala akong kasalanan, Aram. Nagtampo sa akin si Naum sa isang napakaliit na bagay. Umalis siya nang walang paalam. Batid mong mahal ko ang kaisa-isa kong kapatid na bulag pa naman. Hindi mo ako sinisisi, Aram.

Ngumiti si Aram at tinapik sa balikat ang kaibigan. —E, bakit ka napalakad ng hatinggabi, Rufus? Mayroon ka bang sadya sa akin?

Napawi ang kalungkutang sandaling tumabing sa mukha ni Rufus. Nagningning ang kanyang mga mata.

—Hindi mo pa ba nababalitaan, Aram? — Nakangiti na si Rufus. —Hinuli na ang baliw na nagpapanggap na hari ng mga hudyo. Nabalitaan kong kasama ka sa mga ipinagtabuyan niyon sa templo kamakatlo.

—Hinuli?

—Oo, hinuli kagabi sa halamanan ng Hetsemane.

—Saan siya dinala, Rufus?

—Dinala siya sa palasyong mataas na pari. Tayo na, Aram.

—Hintayin mo ako, Rufus, ngayon lamang ako makagaganti sa kanya.

Punuan ang tao ang palasyo ng mataas na pari nang dumating ang magkaibigan. Sa pintuan sa ibaba ay nasalubong nila ang dalawang lalaking papalabas na ang mga halakhak ay masasayang nagdiriwang.

—Ano ang nangyayari, mga kaibigan? — tanong ni Rufus sa dalawa.

Nagtawa nang malakas ang isa. —May isang lalaki riyan sa loob na ang anyo ay tila taga-Galilea. Itinanong nitong aking kasama kung siya’y alagad ng baliw. — Muling nagtawa nang malakas ang nagsasalita. —Kaya kami nagkakatawanan ay nakasabay ng tilaok ng manok ang nangangatal na sagot ng lalaking tumatanggi sa aming paratang.

—Saan naroon ngayon ang baliw, mga kaibigan?

—Nasa malaking bulwagan sa itaas.

Nakipagsiksikan ang magkakaibigan sa mga taong nagsisikip sa hagdanan. Bahagya na lamang silang nakarating sa bungad ng pintuan ng nagsisikip ding bulwagan.

Ang mga tinig lamang na nagmumula sa loob ng naririnig ng dalawa.

—Ngayon ka manghula! Sino ang lumura sa mukha mo?

Pak!…Pak!… —Hulaan mo kung sino ang sumampal sa iyo!

Nag-umugong ang mga tinig sa loob.

—Sisimulan na ang paglilitis, — wika ng isang malapit sa pintuan. 

Ang tinig lamang ng mataas na pari ang naririnig nina Rufus.

—Ikaw ba ang Kristo? Sabihin mo sa amin!

—Kung gayo’y ikaw ba ang Anak ng Diyos?

—Ano pa ang kailangan natin sa mga pagpapatotoo ng mga saksi? Narinig na natin sa kanyang sariling bibig.

Muling nag-umugong ang kaingayan sa loob.

—Hayan na, ipapanaog na. Dadalhin na sa gobernadora ng Hudea.

—Sumama tayo, Aram, — wika ni Rufus.

—Oo, ngayon lamang ako makagaganti sa baliw na iyan. Hindi ko malilimutan ang pagkakapalabas niya sa aking sa templo.

Nagtawa si Rufus. —Kung nakapasok lamang tayo sa loob ay kanina pa sana kita naipaghiganti, Aram.

—Hayan na, Rufus. Nakagapos pala ang mga bisig ng baliw.

—Hayan ang pagkakataon mo, Aram.

Ngunit mabagal si Aram. Hindi siya tumitinag sa kanyang pagkakatayo. Nilingon siya ni Rufus at nang makita nitong hindi kumikilos ang kaibigan ay siya ang mabilis na lumapit sa bilanggong nakatali ang mga bisig. Mabilis ang mga kamay ni Rufus.

Pak!…Pak!…

At ang dalawang sampal ay naigawad ni Rufus sa iilang iglap.

Nagsigawan at nagtawanan ang hindi magkamayaw na mga tao.

***

NAPUNO ng nagkakaingay na pulutong ang maluwang na bakuran ng palasyo ng gobernadora. Ipinanhik ng mga kawal sa balkon ang nakagapos na bilanggo. Nakahanay ang mg talibang kawal ng gobernadora na kinatawan ng emperador.

Parang pinitpit ang hindi magkamayaw na mga hudyo nang lumabas sa balkonahe ang gobernadora. Sandali niyang inilibot ang kanyang paningin sa buong paligid. Mabalasik ang kanyang mga matang kinababadhaan ng isang pagkasuklam sa mga taong namamalas.

Ang magkaibigan ay saglit na sinagian ng pag-aatubili nang tamaan ng mapanuring mga mata ng gobernadora.

—Nakasusuklam ang mukha ng gobernadora na iyan, — paanas na wika ni Rufus sa katabing kaibigan.

—Huwag kang maingay, Rufus. Maraming taliba sa paligid, — nangangambang sagot ni Aram.

Pagkaupo ng gobernadora ay sinulyapan ang nakagapos na bilanggo.

—Ano ang kasalanan ng taong ito? — tanong na narinig ng magkaibigan.

At ang bilanggo ay sinimulan nang paratangan ng mataas na pari, ng matatanda at ng madla.

—Siya’y lumabag sa aming mga batas! Pinagbawalan niya ang mga tao na magbayad ng buwis kay Cesar! Nagpanggap siyang hari ng mga hudyo!

Muling tinanaw ng gobernadora ang bilanggo. —Ikaw ba ang hari ng mga hudyo?

—Patayin iyan…patayin!…. — sigaw ng madlang nakapaligid.

Tumindig ang kinatawan ng imperyo. Pumasok siya na kasunod ang mga kawal na dala ang bilanggo.

Nang magbalik ang gobernadora ay lalong malalaki ang guhit ng pagkasuklam na nakabadha sa kanyang noo.

—Wala akong makitang anumang pagkakasala ang taong ito!

—Ipako siya sa krus…patayin…patayin!… — ang malakas na hiyawan ng pulutong ng mga hudyo.

—Wala siyang kasalanan, bakit siya papatayin?

—Mayroon kaming batas, at sa aming batas ay kailangan siyang mamatay sapagkat nagpanggap siyang anak ng Diyos, — sagot ng mga hudyo.

Halos mamalat si Rufus sa kasisigaw. Nag-aalab ang galit ni Rufus.

Kinilabutan ang gobernadora sa kanyang narinig. Sinagilaan siya ng takot. Muli siyang nagbalik sa pretorio.

Nang muling iharap ng kinatawan ng emperador ang bilanggo sa mga hudyo ay may putong nang koronang tinik at sanib ang latay na nagdurugo sa likod at buong katawan. Ang mga tinik ng korona’y nakatimo sa noo at ulo. Tumutulo ang dugo sa mukha ng bilanggo.

—Narito ang lalaki. Masdan ninyo siya, — wika ng gobernadora.

—Patayin…ipako sa krus!… —muling sigawan.

—Pawawalan ko ang taong ito at ibibigay ko sa inyo si Barrabas upang siya ninyong patayin…

—Pawalan si Barrabas at iyan ang patayin!

Namamaos na ang tinig ni Rufus. Ngunit hindi pa rin siya naglulubay nang kasisigaw.

—Pawalan si Barrabas! — sigaw ni Rufus na sinundan ng natitipong madla.

—Masdan ninyo ang inyong hari! — wika ng gobernadora pagkaupo sa Gabbatha.

—Ipako iyan sa krus!… patayin iyan!…

—Ngunit ako lamang magpapako sa krus sa inyong hari? — tanong ng gobernador ng imperyo.

—Wala kaming ibang hari kundi si Cesar, — tugon ng mataas na pari.

Napailing ang gobernadora. Nagpakuha siya ng tubig. Naghugas siya ng kanyang mga kamay sa harap ng madla at saka nagpahayag. —Kayo ang bahala! — wika niya. —Wala akong kasalanan sa dugo ng taong walang pagkakasala.

—Suma amin at sa aming mga anak ang pataw ng kanyang dugo kung siya ay walang pagkakasala, — tugon ng mga hudyo.

At pinawalan ng gobernadora si Barrabas. Ibinigay niya ang bilanggo sa madlng nauuhaw sa dugo ng taong ang pagkakilala niya’y walang pagkakasala.

***

INILABAS sa palasyo ang bilanggo matapos na mahatulang ipako sa krus. Lalong nag-umugong ang hiyawan ng pag-alipusta sa itinuturing nilang baliw. Binabato. Hinahampas. Niluluran sa mukha at sinisikaran. 

—Hayan na, Aram, — wika ni Rufus, —ipinapapasan na sa baliw ng mabigat na krus na pagpapakuan sa kanya.

—Mabuti nga sa kanya. Iyan ang bagay sa mga baliw na katulad niya.

—Maging mabigat sana ang krus na iyan, Aram.

—Mabigat nga iyan, Rufus. Hayan at hindi makalakad ang baliw.

—O, ang aking kagalakan, Aram!

—Naparapa, Rufus, hayan at naparapa!

Lalong nag-umugong ang hiyawan.

—Sulong!…magbangon ka…hampasin kung di babangon!…

—Rufus!…ano ang ibig sabihin ng mga babaing iyon? Bakit tila pinahihintulutan ng mga kawal?

Tinanaw ni Rufus ang mga babaing luhaan ang mga mata’t sa kabila ng kanilang kahinaa’y halos ibig matuwangan ang bilanggo sa mabigat na krus. Pinapahiran nila ang dugong humihilam sa mata ng bilanggo.

—Hoy!…mga hangal na babae, magsilayo kayo riyan, — hiyaw ni Rufus.

Ngunit ang mga babai’y hindi natigatig. Tanging sila ang magkakaroon ng tigas ng pusong sumalunga sa gitna ng mga paglait at pag-alipustang yaon. Ang luhang nanatak sa kanilang mga mata’y nakakahalo ng dugong tumutulo sa landas ng pagpapakasakit.

—Hayan, Rufus, naparapa na naman! — wika ni Aram.

Tinanaw ni Rufus ang katawang naliligo sa pawis at dugo. —Mga kawal, — malakas niyang sigaw, — hagupitin ninyo!… hagupitin ninyo at nang tumindig! Nagpapahinga lamang iyan…hagupitin ninyo!

—Rufus!…Rufus!…

Ang tinig na puno ng hinanakit ay mula sa isang babaing kasama ng isang lalaki sa gitna ng tila agos ng madlang sumusunod sa bilanggo. Ang lalaki’y nagpumilit na makahulagpos sa nagsisikip na mga tao at tuluy-tuloy na lumapit sa nakadapang bilanggo at pinahiran ang mukhang balot ng nagputik na dugo at alikabok. Ang lumuluhang babai’y lumapit kay Rufus at niyakap ito.

—Rufus, asawa ko, ano ang mapapait na pananalitang naririnig kong tumakas sa iyong mga labi? Hindi ko akalain, Rufus!

—Sara!…pati yata ikaw ay nalinlang na rin?

Ang bilanggong pinahihirapan ay muling nakabangon at inut-inot na namang lumalakad na pasan din ang mabigat na krus. Ang mga kawal ay nagpapalayo na ng mga tao sa paligid ng nagdurusa. Ang lalaking nagpahid sa marusing na mukha ng bilanggo ay umiwas na sa mga mababalasik na kawal. Muling nagpatuloy sa pagkilos ang tila agos na mga tao.

—Naum, — tawag ni Sara sa lalaki, —narito si Rufus.

Lumapit si Naum at niyakap si Rufus. —Rufus, kapatid ko, ibinigay sa akin ng Anak ng Diyos ang aking mga paningin ngunit mabuti pa’y nanatili ako sa dating kadiliman kaysa makita ko ang mga nasasaksihan ko ngayon.

Minasdan ni Rufus ang mga mata ng kapatid na mula sa kamusmusan ay nawalan na ng ilaw. Masaya si Rufus. Galak na galak si Rufus.

—Nakakikita ka na, Naum. Maliwanag na ang iyong mga mata, Naum. Sinong Anak ng Diyos ang nagbigay sa iyo ng paningin, Naum?

—Ang kanina lamang ay inaalipusta mo, nilalait mo at ipinahahagupit mo sa mga kawal. Hindi ko nakikilala ang iyong tunay na anyo, Rufus, ngunit ang tinig mo’y hindi bago sa aking pandinig.

Napatigagal si Rufus. Hindi nakapangusap si Rufus.

—Rufus, — marahang wika ni Sara, — nakita mo sana ang mga nasaksihan ko sa Heriko samantalang hinahanap ko si Naum. Nakita mo sana nang ang Guro ay nagbibigay ng paningin sa mga bulag at nagpapabukas ng mga labing nakatikom.

—O, kapatid ko, — wika ni Naum, — kung nakita mo sana nang ako’y nagpapalimos sa isang lansangan sa labas ng Heriko. Naramdaman ko noong nagkakaingay ang madla kaya ako’y tumawag sa anak ni David at ako’y humingi ng awa. Pinalapit ako sa Kanya at itinanong kung ano ang ibig kong gawin niya sa akin. Isinagot ko sa Panginoon na nais kong tanggapin ang aking mga paningin. At pagkasabi Niyang tatanggapin ko ang aking paningin at ng aking pananampalataya ang nagligtas sa akin, ay nagliwanag na ang buo kong paligid at hanggang sa mga sandaling ito ay nakikita kita, kapatid ko.

Tinanaw ni Rufus ang pulutong na kasunod ng pinarurusahan. Ang kanyang mga mata’y pinangingiliran ng luha ng pagsisisi.

—Sinampal ko siya…nilait at inalipusta ko siya…inibig ko pang makalaya ang manghihimagsik, ang pumatay ng kapuwa, ang magnanakaw na si Barrabas kaysa kanya…

Parang isang sanggol na nananangis si Rufus. Ang pulutong na kanyang natatanaw ay unti-unting nanlalabo sa kanyang paninging nahihilam sa luha.

—Tumangis ka, — wika ni Sara, — magsisi ka, Rufus, humingi ka ng tawad…manalig ka sa Kanya. Maawain siya at malambot ang Kanyang puso lalo na sa katulad mong nakakita matapos bulagin ng kamalian. Narinig ko ang sinabi Niya kay Sakeo sa Heriko, Rufus. Sinabi Niyang naparito ang Anak ng tao upang iligtas at hanapin ang nawala.

—O! Anak ng Diyos, — humihikbing wika ni Rufus, —nagkasala ako sa Iyo. Tatanggapin ko, tinatanggap ko ang parusa…

Sa malayo’y nakikita nilang umaakyat na sa gulod ng kamatayan ang naghihiyawang mga tao. Si Sara at si Naum ay kapuwa nakaluhod at dumadalangin. Marahang lumuhod sa alabok si Rufus at dumalangin na rin. At sa bawat katagang marahang namulas sa kanyang mga labi’y nararamdaman niyang mula sa kanyang ubod ay lumalaganap sa bawat himaymay ng kanyang mga laman ang init ng pagbabagong buhay. ◆