Muli Nating Buhayin At Isabuhay Ang Mga Karunungang-bayan

ni Richard Faller

TAGLAY ang taal na dunong, nakapaglagak na ang ating mga ninuno ng nag-uumapaw na kamalig ng katutubong panitikan bago pa man ibinunsod ng mga Espanyol ang kanilang literatura. Nakaimbak sa kamalig na ito ang iba’t ibang mga kaalamang bumunton sa mga kaban ng yaman ng ating lahi. Nangunguna rito ang mga karunungang-bayan na nagpasalin-salin sa mga dila ng sumunod pang mga henerasyon kaya nagawang maipagpatuloy magpahanggang-ngayon. 

Ngayong Abril na Buwan ng Panitikan, sa mga karunungang-bayan masesentro ang pagdiriwang dahil sa temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang-bayan.” Tila naisasaisantabi, naipagwawalang-bahala o nababalewala na ang mga karunungang-bayan kaya dapat na pahalagahan ang selebrasyong ito upang ang mga ito ay maipanumbalik at muling maihasik.

Kaban ng Yaman

MAITUTURING ang ating mga karunungang-bayan na mga gintong butil ng karunungan na bumunton sa mga kaban ng yaman dahil nagsisilbing panuntunan ang mga ito ng kagandahang-asal, mabuting pagpapahalaga at pag-uugali na pundasyon ng mapayapa at makatarungang lipunan. Batbat ng malalalim at matatalinghagang mga pananalita, tunay na maipagmamalaki ang mga ito at dapat ingatan dahil salamin ito ng dunong at kagitingan ng ating lahi. 

Bulong

ANG bulong ay ang matandang katawagan sa orasyon. Sinasambit ito kapag may nadaraanang nuno sa punso lalo na sa mga pook-rural. Nabuo ang bulong bilang pagbibigay-pitagan sa kakaibang mga nilalang na sinasabing nangangalaga sa kalikasan. Ito rin ay upang maiadya nila ang sarili sa kapahamakan o anumang parusang maaaring igawad nito.

Tabi-tabi po, baka po kayo ay mabunggo.

Tabi-tabi po, nuno, kami lang po’y makikiraan.

Tabi-tabi po, alisin mo po ang sakit ng pamilya ko.

Huwag magalit, kaibigan, aming pinuputol lamang ang sa ami’y napag-uutusan.

Bugtong

PABORITONG libangan ng mga Pinoy ang bugtungan. Ito ay pahulaan na binubuo ng isa o dalawang taludtod na may sukat at tugma. Gumagamit ng talinghaga o metapora sa paglalarawan ng bagay na pahuhulaan. Nagbibigay-kasiyahan ito sa pagitan ng mga pag-uusap at kuwentuhan. Tinatawag itong akunon sa mga Bagobo, atukon sa mga Manobo, burburtia sa mga Ilocano, boniqueo sa Pangasinanse, at tugmahanon naman sa mga Bisaya.

1. May binti, walang hita, may tuktok, walang mukha.

    sagot: kabute

2. May ulo’y walang buhok, may tiyan, walang pusod.

    sagot: palaka

3. Nagbibigay na, sinasakal pa.

    sagot: bote

4. Lumuluha walang mata, lumalakad walang paa.

    sagot: bolpen o pluma

5. Langit ngato, langit baba, danum agtingnga. (Iloko)

    Salin: Langit sa itaas, langit sa ibaba, tubig sa gitna

    sagot: niyog

6. Buntud man guntaanheyan ne emun, ed-ahaah nu ne egkirankiram da, 

    Ne emun egkewan nu ne egkekawe mo. (Manobo)

    Salin: Isang bundok na di halos makita ngunit abot ito ng mga kamay.

    sagot: ilong

7. Yakataligpang yang mangod, wayang magulang. (Mandaya)

    Salin: Ang bata ay nakalilipad, nagbubuntung-hininga na lang ang matanda

    sagot: busog at pana

Palaisipan

BIBIYAK sa ulo at magpapawindang sa isip ang pahulaan sa palaisipan. Kadalasang nakalilito, sa una ay maipagpapalagay na walang sagot sa suliranin. Ngunit kung pag-iisipan nang mabuti, magpapatalas ito sa mental at lohikal na pag-aanalisa. 

1. May isang prinsesang sa tore ay nakatira, balita sa kaharian, pambihirang ganda. Bawal tumingala upang siya’y makita. Ano ang gagawin ng binatang sumisinta?

Sagot: Iinom ng tubig upang kunwa’y mapapatingala at makikita ang prinsesa.

Sawikain o Idyoma

ANG sawikain ay mga salitang patayutay o idyomatiko na naglalarawan ng isang mensahe o kaganapan. Ginagamit ito upang maging maganda ang paraan ng pagpapahayag o hindi makasakit ng damdamin. 

1. alilang-kanin – utusang walang suweldo, pagkain lang

2. anak-pawis — dukha

3. makati ang dila — madaldal

4. maitim ang gilagid — masama ang ugali

5. isang kahig, isang tuka — nabubuhay sa hirap

6. ibaon sa hukay – kalimutan

Salawikain

ANG salawikain naman ay patalinghagang pahayag na nagpaparangal sa kagandahang-asal at kumokondena sa masasamang pag-uugali. Nagsisilbing payo ang mga ito ng matatanda upang akayin ang mga kabataan sa tamang landas. Tinatawag din itong bilisadon sa Aklanon; pananahan sa Ivatan; kasebian sa Kapampangan; pagsasao sa Iloko; unoni sa Ibanag; aramiga sa Bicol; panultihon sa Sebwano; hurubaton sa Ilonggo; patitgo-on sa Waray; basahan sa Bukidnon; panonggelengan sa Manobo; pananaroon sa Maranao; at masaalaa sa Tausug. 

1. Kung hindi ukol, hindi bubukol.

2. Aanhin ang bahay na bato kung ang nakatira ay kuwago, buti pa ang kubo na ang nakatira ay tao.

3. Ang tao nga wala-sing pilak, daw pispis nga wala sing pakpak. (Hiligaynon)

Salin: Ang taong walang salapi ay parang ibong walang pakpak.

4. Kailandong pa ng syumbang kabilae pa nang similat. (Mandaya)

Salin: Walang maitatago sa ilalim ng sikat ng araw.

5. Ano’y man tu karabaw, Na upat tu kubong di paka hidjas. (Manobo)

Salin: Kung ang kalabaw na apat ang paa ay nagkakamali pa, paano na ang tao.

6. Amuk m’uyot go de ke fegadatan Go fegadata moy lowoh me. (Tiruray)

Salin: Kung gusto mong igalang ka ng iba, igalang mo muna ang iyong sarili.

Kawikaan

ANG kawikaan ay gumagamit ng makasagisag na kahulugan na naglalayong magbigay ng patnubay sa buhay. Kauri ito ng salawikain, lamang ito ay nagtataglay ng ginintuang aral. 

1. Ang taong matiyaga, anuman ay nagagawa.

2. Ang kasipagan ay kapatid ng kariwasaan.

Kasabihan

ANG kasabihan ay nagsasaad ng katotohanan tungkol sa pang-araw-araw na buhay at nagbibigay din ng payo. Ang kaibahan lang ay tahasan at payak ang pagpapakahulugan nito. Kadalasan ding pumupuna ito sa masamang gawi.

1. Walang lihim na hindi nabubunyag, walang totoo na hindi nahahayag.

2. Ang batang hindi matapat ay masahol pa sa isang ahas sa gubat.

3. Ang kayamanang galing sa kasamaan dulot ay kapahamakan.

Muling Pagtuklas

HINDI dapat maging dahilan ang pag-usad ng teknolohiya upang ibaon na lamang natin sa limot ang mga karunungang-bayan. Nahihimlay lamang ang kaban ng karunungang-bayan sa malalim na balon ng karunungan. Hindi mahirap ang muling pagtuklas dito. Kailangan lamang ay tungkalin at maiahon ito. Gamitin nating instrumento ang lubid ng pagsasanay at pagsasabuhay sa mga ito – upang magsilbing tulay tungo sa kapatiran at mapayapang buhay ng mga mamamayang Pilipino. ◆