Nais Kang Mahalin

ni Armando T. Javier

(IKA-5 NA LABAS)

DATING gawi sa matao, masaya at puno ng kaplastikang videoke club na iyon sa kahabaan ng Jupiter St. sa Bel-Air, Makati. Sa pintuan pa lamang ng club ay nangakatayo na sila: naggagandahan at nagbabataang babae na sa suot na evening dress ay animo nasa isang party.

De-karpet ang maluwang na bulwagan, animo’y isang marangyang sala. Hiwa-hiwalay ang malalambot, komportableng sopa; kani-kanya rin ng mesita. Kabi-kabila ang mamahalin at naglalakihang imported na paso ng mga halamang ornamental. May isang mababang bar ng alak, salit-salit na nakatindig na speakers, malamlam na ilaw na nagbibigay-daan sa talagang pinagdarayo roon–ang malaking screen, 65 inches, ng TV na pinaglalabasan ng videoke. Sa halip na menu, ang hawak ng mga kostumer ay listahan ng mga available na kanta. Parang amateur contest na kukunin ang piyesang aawitin, saka ia-announce ang pangalan ng parukyano sa mikropono. Na susundan din ng palakpakan bilang pagbibigay-galang. Ang videoke club ay watering hole ng mga taong gustong kumanta, at nagbabayad para iparinig sa iba ang boses nila. At siyempre pa, dahil din sa naggagandahang GRO na ang sukatan ng ganda ay ang laki ng tip.

At pagdating sa tip, number one si Princess.

Na hindi siya pumasok ng ilang araw, inaasahan niyang matanong at masabon ng manager. Mali. Nang mag-report siya nang gabing iyon, abot-taingang ngiti ang salubong nito sa kanya.

“Princess, akala ko’y nag-quit ka na? ‘Andaming naghahanap sa ‘yo.”

Binanggit ang mga pangalan. Ang iba’y kinayayamutan niya. Ang iba naman ay kinatutuwaan.

Kung natutuwa ang manager, mayroon din namang naiinis.

“Ayan na naman si Yabang!”

“Bumalik pa! Akala ko ba’y gagarahe na ‘yan?!”

Sosyal lang ang katawagan sa kanila. GRO. Guest relation officer. Pero gaano man kasosyal ang pinagtatrabahuhan niya, hindi pa rin nawawala ang magagaspang ang ugali, ang mga inggitera at intrigera.

Doon din niya nakilala, noong hindi pa ginagawang videoke club, si Chicoy. Isang ambisyosong lead guitarist ng The Fountainheads. Isang banda ng mga kabataang college drop-outs na ang pangarap ay tanghaling premier band ng Asya.

Masaya sila sa simula dahil pareho silang bata at pareho ring wild. Pareho rin silang adbenturoso. Na ngayo’y pinagsisisihan niya. Marami ngang alaalang binubuhay sa kanya ang club na iyon. Naisip niya, kapag nabigyan siya ng pagkakataon, agad niyang iiwan ang nakakabagot nang trabaho niya roon.

Napakislot siya nang tapikin ng manager sa balikat; hudyat na magtatrabaho na siya.

Japanese businessman ang napatoka sa kanya; may kasamang kababayang taga-Japanese Embassy raw. Ang businessman, si Takahashi, ay matagal na nilang kostumer. Ang Hapones na sabi’y taga-Japanese Embassy ay ipinakilalang si Matsuo.

“Day,” sabi sa kanya ng katabing babae ni Matsuo, “pasalamat ka’t dumating ka, kundi’y aakitin ko na ‘yang Japok na ‘yan.” Na ang tinutukoy ay si Takahashi.

“Loka. Tisay ang type nito!” sabi niya. Ayaw ipahalata sa dalawang guests na sila ang pinag-uusapan nila.

Tisay nga siya.

Ipinagbukas niya ng Johnny Walker ang dalawang Hapones, hinaluan ng mineral water ang baso at iniabot iyon kay Takahashi.

“I’m glad to see you again,” sabi sa kanya. Na sa pagngiti ay lalo lamang nagpasingkit sa mga mata.

Malakas ang usapan nila dahil nakabibingi ang malakas ding videoke; masakit din sa tainga ang sintunadong pagkanta ng ibang kostumer.

Painum-inom siya ng scotch at napangiti sa pagkaalalang kamakailan lamang, napasabak siya ng inuman kina Gus. Natatawa siya kung naiisip na inakala ng mga barangay tanod doon na mapatutumba siya. Kung alam lang nila ang kanyang trabaho.

Naalala niya ang lugar at ang inumang iyon ay naalala rin niya si Gus. Na maaaring sa mga sandaling iyon ay nagpapakalunod na naman sa alak.

ININTRIGA pa siya ng tatlong barkada niya nang dalawin siya sa kanyang bahay.

“Bigla kang nag-disappearing act, a?”

“Baka nanghala!”

Tawanan.

“Tigilan ako, ha? Kung alam n’yo lang kung ano’ng nangyari sa ‘kin…”

“Ano nga ba?”

“Muntik na ‘kong ma-rape!”

Nagkatinginan ang tatlo. Nagkindatan.

“Type!”

Nagsalubong ang mga kilay niya.

“Ang sasama n’yo talaga! Muntik na nga akong madisgrasya?”

“Baka sila pa’ng madisgrasya!”

Hinampas niya ng throw pillow ang tatlo. Tilian.

Ikinuwento niya ang pagkasagip sa kanya ni Gus.

“Exciting!” sabi ni Gay. “Ba’t ba hindi tayo nakasunod sa kanya?”

“Nainggit ka na naman? Palibhasa’y walang pumapansin sa ‘yo?”

“Nagsalita ang may dyowa!”

“Wala na ba tayong pag-uusapan kundi mga lalaki?”

“Mas may maganda pa bang topic kundi mhin?”

“Tumigil nga kayo!”

Pinagtinginan na naman siya.

“O, bakit?”

“Napapansin lang namin na no’n pa lang nagka-camping tayo e ang sungit-sungit mo na? Ba’t ba?”

“Hulaan ko,” si Lou. “Nalulungkot ‘yan kasi loveless.”

“Ow…?”

“Tumigil na kayo, ha?”

“’Hirap naman sa ‘yo, napakabalat-sibuyas mo,” si Gay. “Magkakaibigan naman tayo pero kung tratuhin mo kami, parang ibang tao. For sure, iniisip mo na naman ang baby mo? E ano kung unwed mother ka?”

Natahimik siya. Nagkatinginan na naman ang tatlo; nagsesenyasan sa tingin.

“Tama na nga ‘yan,” si Pey. “Kaya nga tayo dumalaw ke Princess ay para makipagbati. Inuumpisahan n’yo na naman?”

“Amen!” korus nina Gay at Lou.

Wala nga siyang maipaglilihim sa mga kaibigan lalo’t tungkol sa pagbubuntis niya. Natigil ang pagda-drugs niya at ang pagpupuyat. Naobliga rin siyang tumigil sa trabaho. (Buti na lang at muli siyang tinanggap nang makapanganak siya. Sa madyik ng aerobics at work-out, sumauli ang pigura niya.)

Ginastos niya ang naipon niya nang aktibo pa siya sa club at hindi pa nagbubuntis. Gayundin ang karagdagang kinikita ni Chicoy, na kataka-takang laging may pera gayong maliit lang naman ang kita sa pagtugtog.

Malimit na silang mag-away noon. Pinalala iyon nang siya’y mabuntis. Sinumbatan niya si Chicoy.

“Sabi nang ayoko ng sabit! Para namang hindi mo alam ang work ko!”

“’Hirap sa ‘yo, ipinandi-display mo lang ang katawan mo sa club!”

“Seloso! Hindi ka kasi nag-iingat!”

“Ikaw ang dapat na mag-ingat, ikaw ang babae. Mas alam mo kung kelan ka fertile at kung kelan hindi.”

“Me pagkakaiba ba sa ‘yo kung fertile ako o hindi?”

“Nar’yan na ‘yan. Ano’ng gagawin mo d’yan, ipakakayod mo?”

Noon din niya naisip na imposible na nga ang pagsasama nila. Na isang mabilisan ding affair. Common attraction, kumbaga.

Nabigla rin ang mga kaibigan niya nang malamang iniwan niya sa kanyang ina ang kanyang anak. Ngunit walang kumondena sa kanya; tahimik lang na tinanggap ang kaestupidahan niya.

“Besh, ano ‘tong nabalitaan namin na nakauwi na’ng dyowa mong OCW?”

Doon, nagsiklab siya. Yamot na tumindig.

“P’wede ba? Pakiusap lang, do’nt say bad words!”

Naiwang nakanganga ang tatlong kaibigan niyang nakasalampak sa karpet sa kanyang sala.

SA kanyang pag-uwi, sa mga unang oras nang madaling-araw, nananariwa sa isip niya ang huling gabi niya sa bahay ni Gus.

Ulit-ulit na umuukilkil sa kanya ang pagpapaubaya niya rito. Nababaguhan siya, nahihiwagaan sa kanyang sarili. Bakit? Hindi pagtanaw lang ng utang na loob, natiyak niya. May mas malalim na dahilan. At iyon ang hindi pa niya maihanap ng kasagutan.

Umaalingawngaw pa rin sa kanyang pandinig ang pangalang sinasambit-sambit ni Gus nang mga sandaling naglulunoy sila.

Eunice.

Sino si Eunice?

Parang isang panaginip ang naganap sa kanila ni Gus. Isang magandang panaginip na naalaala pa niya kahit siya ay naalimpungatan na at may huwisyo na. Isang matamis na panaginip na nagpapakiliti sa kanyang imahinasyon at nagpapakilig sa kanyang katauhan.

Nakatingin sa kanyang mukha si Gus. Aywan niya kung ano ang mayroon sa kanyang mukha ngunit ang tingin sa kanya nito, ang bukas ng mga matang iyon ay waring nakamalas ng isang himala. Mulala ang mga mata, may maluwalhating ngiti sa sulok ng labi. Parang isang mandirigmang nakakaramdam ng napipintong tagumpay sa labanan.

Kulapol-pintor ang taboy ng liwanag na nagmumula sa nakasinding poste sa labas ng bahay. Wari’y lente ng isang kamerista na naglalaro sa kanilang kahubaran. Tila isang eksibit ng mga larawang nude ang katawan ni Gus: prominente at maalsa ang mga masel, malalapad ang balikat at dibdib, brusko ang bukas ng mukha na may hindi naahitang tubo ng bigote’t balbas. May kinang ang naglalambiting pawis sa pawisang noo, mukha’t baba.

Napapikit siya nang angkinin siya nito. Ang katawan niya’y waring sinapian ng lagnat; isang papel sa dagat ng apoy at ngayon ay nagliliyab, nangungunyapit, nagpapadalo. At si Gus ang timbulan. Yumakap siya, nagpadalo’t nangunyapit sa kanyang timbulan. At siya ay namahika-wari, idinuyan at inilipad ng hangin ang kanyang kaluluwa sa kung saan. May awit ng kaganapang kumawala sa kanyang kaibuturan…

Hinihingal siya, kinakabahang di-mawari tuwing maaalala iyon. At maiinis na naman sa kanyang sarili na naaalala na naman niya, nagsesentimyento na naman siya sa isang lalaking wala manding pakialam sa mundo.

Lalo na sa isang estrangherang tulad niya. ◆

(ITUTULOY)