Artsibo ng Nobelang Komiks sa Loob ng 100 Taon ng Liwayway

ni Edgar Calabia Samar

(IKA-17 NA LABAS)

NOBELANG KOMIKS BLG. 24
HARING SOLOMON AT REYNA SHEBA
Manunulat: Adriano P. L
Ilustrador: Jesus F. Ramos
Publikasyon: Liwayway
Bilang ng Labas: 41
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 2
Unang Labas: 27 Nobyembre 1950
Huling Labas: 3 Setyembre 1951

BUOD

KAHIT taglay na ni Haring Solomon ang lahat—karunungan, kayamanan, katanyagan, at maging pag-ibig ng maraming babae, sinabi ng matalino niyang ibon na hindi ganap ang tagumpay nito hanggang hindi niya napaiibig si Reyna Sheba. Samantala, naniniwala naman si Reyna Sheba ng Ehipto sa hula ng propeta na magsisimula sa kanya ang isang dakilang lahi, sa pamamagitan ni Haring Solomon na magiging ama ng kaniyang anak. Gumayak si Haring Solomon para maglakbay bilang isang trubador upang hanapin ang babaeng makapagbibigay sa kanya ng tagapagmana ng kaharian ng Israel. Sa paglalakbay, nakita niya ang isang magandang alipin buhat sa Ehipto, si Fatima, at itinakas niya ito. Gayunpaman, tulad ng mga naunang babae sa buhay niya, nabigo siyang muli kay Fatima dahil hindi siya nito nabigyan ng lalaking anak.

Binalak ni Haring Solomon na magkaroon ng maharlikang piging para kay Reyna Sheba subalit tinanggihan ito ng babae. Sa halip, pumunta sa Israel si Reyna Sheba at nagpanggap na reyna ng mga alahas mula sa Turkiya. Nais niyang magkaroon ng supling na lalaki kay Haring Solomon nang hindi nito nalalaman ang kanyang tunay na pagkatao at nang magkaroon siya ng anak na magliligtas sa kanila sa pagkaalipin ng Ehipto sa Israel.

Dahil tinanggihan niyang muli ang paanyaya ng hari ng mabalitaan ang pagdating ng isang magandang dilag sa Herusalem, muling nagpanggap bilang trubador si Haring Solomon at hinarana ang mailap na reyna ng mga alahas. Nagkaroon ng gulo at napilitang umalis ang haring nagpapanggap na trubador. Bumalik siya sa reyna ng mga alahas bilang Haring Solomon kasama ang Ministro Ardabon na bukod-tanging nakakikilala kay Reyna Sheba. Itinanggi ng babae na siya si Reyna Sheba ng Ehipto at sinabing nagmula siya sa Turkiya. 

Nagpahandang muli ang hari ng dakilang piging para sa reyna ng mga alahas. Ipinagtapat ni Haring Solomon ang kanyang pag-ibig sa babae. Ang pasya naman ng reyna ay tutumbasan niya ang pag-ibig nito kung matatalo siya nito sa ahedres at kung mahuhulaan nito ang tunay niyang pagkatao. Natalo ni Reyna Sheba si Haring Solomon sa laro dahil sa pagiging maginoo ng huli. Upang ipakita ng reyna ng mga alahas na siya ma’y maginoo rin, hinayaan niyang isa na lang ang maging paraan para makamit ng lalaki ang pag-ibig niya—ang mahulaan nito ang tunay niyang pagkatao.

Muling nagbalatkayo si Haring Solomon bilang trubador upang masilayan ang reyna ng mga alahas at nakipagkita rito sa hardin. Noon naman sumipot nag mga nakaaway niya noong nagpanggap siyang trubador at dinaluhong siya ng mga ito. Nailigtas ang trubador ng kapitan ng reyna na natutuhan namang ibigin ang lalaki.

Dumating ang nakatakdang pagdalaw ng reyna ng mga alahas sa palasyo ni Haring Solomon. Natuklasan naman ni Haring Solomon ang tunay na pagkatao ng reyna ngunit ito’y sinarili niya upang malaman ang tunay na dahil ng pagpapanggap nito bilang alahera. Subalit sa huli, dumating din ang pagkakalantad ng kanilang tunay na pagkatao sa kanilang paligsahan ng talino at pag-ibig. Namayani ang pag-ibig na gumigiyagis sa kanilang dalawa.

Sa kabilang dako’y namamanglaw naman si Fatima, ang dating paborito ni Haring Solomon, ang aliping nagmamahal din sa kanya. Tumindi pa ang panimdim niya nang pakiusapan siya ng hari na ipagkaloob niya ang silid niya kay Reyna Sheba. Samantala, nakiusap naman si Sheba kay Solomon na payagan siya nitong makabalik sa Ehipto bago idaos ang kanilang pag-iisang-dibdib. Hindi pumayag si Solomon at walang nagawa si Sheba kundi sundin ang kagustuhan ng hari na manatili siya sa kaharian nito hanggang sa kasal nila.

Samantala, namataan ni Fatima sa kanyang silid ang kobrang kanyang inaalagaan. Atas ng masidhing paninibugho, nagpasya siyang paghigantihan si Reyna Sheba. Pinakawalan niya sa silid ng nahihimbing na reyna ang kobra. Subalit nagbago ng isip si Fatima at siya’y napagibik. Sinaklolohan ni Haring Solomon si Reyna Sheba at hinarap nito ang ahas. Subalit sa halip na magsisi ang nabubulagang si Fatima ay nagbalak na naman siya ng paghihiganti. Tinangka niyang paslangin naman si Haring Solomon subalit muli’y hindi niya naisakatuparan iyon dahil sa matinding pag-ibig niya sa hari.

Minsan pang sinagip ni Haring Solomon si Reyna Sheba sa isang kapahamakan nang iligtas niya ito sa isang mabangis na leona. Samantala, dinalhan ni Myras, ang katulong ni Reyna Sheba, ng pagkain ang pilosopong si Hadad. Hiningan ni Myras ng tulong ang kanyang reyna upang makalaya si Hadad. Sa pakiusap ni Sheba’y pinalaya ni Solomon ang pilosopong kinahahabagan ni Myras.

Habang nalalapit ang kasal nila ni Haring Solomon ay lalong napapamahal kay Reyna Sheba ang hari ng mga hari. Subalit nang matiyak niyang siya’y may binhi na ni Solomon ay nagpasya siyang ituloy pa rin ang kanyang naunang balak para sa kapakanan ng Ehipto kaysa maging reyna ng Israel. Tutol man ang kanyang puso, ipinasya niyang tumakas para magbalik sa Ehipto sa tulong ni Hadad. 

Ikinalungkot nang labis ng hari ang pagtakas ni Reyna Sheba kaya ipinasya niyang sundan ito at lusubin ang Ehipto kung kinakailangan. Bago lumusob ay ipinatawag niya ang reyna sa kanyang tolda subalit tumanggi itong sumama upang magbalik sa Herusalem. Ang ngitngit ni Solomon ay ganoon na lamang kaya ipinasya niyang ituloy ang paglusob sa Ehipto. Nang pasisimulan na niya ang paglusob ay biglang dumating ang kaniyang Ministro Ardabon na dala ang malagim na balitang naliligalig ang mga mamamayan ng Herusalem dahil sa mahabang pagkabalam ng ulan. Ipinasya ni Solomon na higit na mahalaga sa kanya ang katiwasayan ng kanyang nasasakupan kaysa paghihiganti nang dahil sa nasiphayong pag-ibig. Nagbalik siya at ang kanyang hukbo sa Herusalem at napatunayan niya ang matinding panghihina ng mga mamamayan.

Taimtim na nanalangin si Haring Solomon at isang himala ang nasaksihan ng mga taong-bayan sa muling pagbuhos ng ulan. Dahil sa taimtim na sampalataya ni Solomon sa kapangyarihan ng Diyos ay nagkaroon ng masaganang ani sa buong Israel pagkatapos ng isang mahabang tagtuyot. Ipinagbunyi siya ng mga mamamayan. Subalit walang kaligayahang nararamdaman si Solomon. Sinubok siyang aliwin ni Fatima subalit patuloy ang panimdim ni Solomon dahil hindi niya malimutan si Sheba. Inatasan niya si Kapitan Tokor, ang taksil na alagad ni Sheba, na magbalik sa Ehipto upang hintayin kung ano ang magiging anak ni Sheba. Muli namang tinanggap ng reyna ang inakalang nagbabalik-loob na kapitan.

Isang araw ay isinilang ni Sheba sa maliwanag ang isang malusog na sanggol na lalaki. Inatasan ni Solomon si Fatima para nakawin ang anak nila ni Sheba sa tulong ni Kapitan Tokor. Samantala’y ipinasya ni Solomon na sundan sa Ehipto ang dalawa niyang galamay dahil sa pagkainip niya sa paghihintay. Muli siyang nagbalatkayo bilang trubador.

Samantala’y nagtaksil na naman ang taksil na si Tokor nang ibinunyag niya kay Reyna Sheba ang gagawing pagnakaw ni Fatima sa anak nila ni Solomon. Tinupad ng hindi naghihinalang si Fatima ang utos sa kaniya ng hari subalit natutop siya at ipinadakip ni Reyna Sheba. Tinulungan ni Solomon na makatakas si Fatima, dala-dala ang kanilang anak ni Sheba, bago niya hinarap ang taksil na si Tokor. Napatay ni Solomon ang taksil na si Kapitan Tokor at hinabol niya si Fatima. Nasugatan nang malubha si Fatima ng mga tumugaygay sa kanya na pinamunuan ni Hadad. Subalit bago nalagutan ng hininga ay nailagay ni Fatima ang sanggol sa isang sesta na ipinaanod niya sa Ilog Nilo. Sa bisig ni Solomon nalagutan ng hininga ang kanyang tapat na alipin.

Nagbalik naman si Hadad sa palasyo upang ipabatid kay Reyna Sheba na hindi niya natagpuan si Fatima at ang nawawalang sanggol. Inutusan ni Sheba si Hadad na halughugin ang buong Ehipto samantalang pabalik si Solomon sa Herusalem na dala-dala ang bangkay ni Fatima.

Sa pampang ng Ilog Nilo natagpuan ng mag-asawang Ciris at Naomi ang anak nina Solomon at Sheba. Natupad din ang pangarap nilang magkaroon ng supling. Nagpatuloy sila sa paglalakbay patungong Herusalem dala-dala ang bata. Samantala ay nagbabalak si Reyna Sheba na hanapin ang bata sa Herusalem. Sa kabilang dako naman ay naghihilom na ang sugat na natamo ni Solomon sa kanyang pakikipaghamok kay Kapitan Tokor, at ngayo’y naghihintay siya ng ulat tungkol sa kanyang nawawalang anak.

Nagpanggap si Sheba na isang karaniwang mamamayan at hinalughog niya ang Herusalem sa paghahanap sa kanyang anak. Pagkatapos ng maraming araw na paghahanap sa kanyang nawawalang anak ay natagpuan din ni Reyna Sheba ang sanggol na inaaruga ni Naomi. Tumanggi si Naoming ibalik sa kanya ang bata kaya pinag-agawan nila ang musmos hanggang sa dalhin silang dalawa ng isang sundalo sa harap ni Haring Solomon. Nagpaliwanag ang dalawang “ina” kay Haring Solomon na nagpasyang ipahati ang bata. Nang tutuparin na ng berdugo ang utos ng hari, namagitan si Sheba at bumaba si Solomon sa trono, humahangang hinarap ang tunay na ina. Nakilala ni Solomon si Sheba at nagplano sila ng pag-iisang-dibdib na siyang wakas ng walang-kamatayang pag-iibigan nina Haring Solomon at Reyna Sheba.

ILANG PANSIN

⦿    May isang anyo ng karahasan sa mga babae rito na para bang nakasalalay lang ang halaga nila sa kakayahan nilang makapagbigay ng anak na lalaki. Sinabihan ni Haring Solomon ang aliping si Fatima na sayang lang ang panahong ginugol niya rito matapos magsilang ng anak na babae. Nang makilala naman niya si Reyna Sheba, sinabi niya ritong pangit ang lahat ng mga babae sa harem niya, kabilang si Fatima, kung ihahambing sa reyna. Subalit ang positibo sa nobela ay na ipinakikita ito bilang isang negatibong katangian, sa halip na isang bagay na karaniwan. (Nagulo lamang na muli ang politika ng kasarian sa nobela nang biglang urong-sulong sa paghihiganti si Fatima kay Reyna Sheba dahil sa pagmamahal dito ni Haring Solomon.)

⦿  Maraming iba pang puna sa sistema’t kalakaran na maaaring sabihing nauuna sa panahon niya, tulad ng matalas na kritika sa pang-aalipin. Halimbawa, sa isang labas (ika-4) ay sinabi kay Haring Solomon ng isang pilosopong “nanggugulo” umano sa taong-bayan, si Hadad, na “ang tumangging sumama sa pilit na paggawa… ay hindi kasalanan. Ang kasalanan ay ang pagpapagawa ng malalaking templo samantalang naghihikahos ang taong-bayan.”

⦿ Mahalaga ang papel ng loro bilang matalinong ibon na palaging may anotasyon sa mga nangyayari sa palasyo, lalo na sa mga gawi’t sinasabi ng hari. Para bang nagiging tinig ng katotohanan ang ibong ito na siyang tagapagpaalala sa mga mambabasa ng totoong nangyayari. Nagbibigay rin ito ng palaisipan sa hari sa mga sandaling kailangan nitong gumawa ng pasya, tulad ng pagtukoy sa reyna ng mga alahas bilang si Reyna Sheba. Ito ang bumibigkas ng mga kaisipang tulad ng: “Ang babae’y isang balon ng hiwaga.” Naging full-color din ang nobela pagdating ng ika-37 labas. ◆

(ITUTULOY)