Dalawang Tula ni Hyacintha B. Lupig

PANGARAP

Para kang tula na uupuan
pagbubuhusan ng oras, ng panahon,
at hindi susukuan
kapag may mga balakid na dumating.
Kaliwa’t kanan daragitin
ang mga salita
ng mga buwitreng kawalan.
Nasa dulo na ng dila ay biglang mapaparam.
Susubukin ang talas ng isip
at ang pasensyang iindap-indap,
liliripin ang bawat saknong at linya
lilinayin ang tugmang aakma
para lamang matuldukan ang nasimulan.

Para kang pag-ibig
hindi basta pinakakawalan
makailang libong paroo’t parito sa isipan
binibigyan ng bagong kahulugan ang buhay
binabagong bihis ang matamlay
at malabong hinaharap
Walang kasiguraduhan na ika’y mapapasaakin.
Ngunit paniguradong mapupuno ang dibdib ng mga dagundong
at hahabulin ang bawat paghinga
habang inaantay ang matamis na oo
o ang mapait na paghindi.
Subalit maghihintay ako.
Ganoon kita pinakamimithi.
Ganoon kita pinakatatangi.

Yin Yang

Hayaang simutin ng mga buwitre
ang mga butil ng ‘yong pagpapagal.
Sa lilim ng lumalawak mong pamunglo
sila’y mananatiling walang kabusugan
at ikaw naman
ay hihiranging mabuti
gaya ng pagtangi nila sa mga hangal.

Magiging kasing halimuyak ng pangalan mo ang mga rosas.
Iaalay sa altar, ilalagay sa mamahaling plorera, doon sa pedestal
Pagmumukhaing ubod ng ganda,
pagkamahal-mahal
Ngunit sa paglipas ng araw
kapag ang talulot ay nagkulay kayumanggi
ihahanay ka na lamang sa ligaw na damo sa kaparangan
o ibibilang sa mga amarilyo.

At pagkadaka’y maninikluhod,
magbubuno ang puso at isip.
Magngingitngit
Mababalisa
Mabubulabog
Liligaligin
ng mali at ng tama
ng mga pagpipilian
Ititikom na lamang ba ang bibig sa isang sulok
habang nililimas ang pagod at antok?
o makikidigma sa kung ano ang wasto’t nararapat?

Si Hyacintha B. Lupig ay guro sa elementarya at kasalukuyang nagtuturo sa isang Katolikong paaralan sa Maynila. Hilig niya ang sumulat ng tula sa Filipino o Ingles at pukawin ang diwa ng kanyang mga mumunting mag-aaral sa pamamagitan ng mahika ng panitikan.