ni Johannes T. Chua
Ang pagiging isang artist gaya ng pintor na si Joseph B. Hilario, 31, ay hindi ordinaryong manlilikha kung ibabase sa kanyang gawa. Hindi siya biniyayaan ng sagana sa buhay noong siya’y bata pa lamang, subalit kung titignan ang kanyang gawa, punong-puno ang mga ito ng buhay, saya, at gintong ani.
Lumaki sa bayan ng Naujan sa Oriental Mindoro at kasalukuyang residente ng siyudad ng Taguig, si Hilario ay namulat sa mundo ng sining noong siya’y 14 taong gulang. “Nagsmila akong magpinta noong 15 years old ako. Isang araw, may nakita ako sa school namin na nagpipinta sa pader, first time lang nangyari iyon. Doon ako unang namangha, kaya simula noon ay sinubukan ko na rin magdrawing at magpinta.”
Kuwento pa ni Hilario na dahil sa kanyang masidhing uhaw para magpinta, dumating pa sa punto na kailangan niyang kumuha ng mga tira-tirang pintura sa sementeryo. “Nakikisaka lang kasi kami noong panahong iyon kaya wala akong pambili ng mga gamit pampinta.”
Kahit na maraming pagsubok sa buhay, hindi naging hadlang ang mga ito sa pagpupursigi ni Hilario, bagkus ito pa ang nagbigay sa kanya ng lakas ng loob upang tuklasin ang pagtatrabaho sa Maynila para ipagpatuloy ang pagpipinta.
“Noong naguumpisa palang ako sa pagpipinta, ang mga iniidolo ko ay sina Juan Luna, Fernando Amorsolo, Felix Hidalgo — ang mga gawa kasi nila ang nakikita ko sa mga kalendaryo dahil wala pa kasing internet noon sa lugar namin.” Sa kalaunan at noong siya’y nasa Maynila na, lumawak ang kanyang perspektibo sa buhay at nagkaroon siya ng kalinangan sa sining.
“Nadagdagan ang mga iniidolo ko na mga artist noong nakarating ako dito sa Maynila gaya nina Malang, Tam Austria, at mga iba pa.”
Sa panahong ito rin nabubuo ang istilo ni Hilario. Ayon sa kanya, ang mga obra niya ay modern-traditional at kadalasa’y “harvest” o ani ang kanyang paksa. “Ang aking mga magulang ay mga magsasaka at nanggaling ako bilang magsasaka; bukod dito, ang gawa ko ay pagpupugay sa kanilang sipag at tiyaga sa bukod — sa tibay ng mga Pilipino.”
Sa pagsisikap din ni Hilario bilang isang artist, napapansin na rin ang kanyang mga gawa at napapabilang na sa mga exhibit at gallery. Bukod sa pagpapalaganap ng kanyang gawa sa online lalo na sa panahon ng pandemya, ang nais ni Hilario ay magsilbing inspirasyon sa mga kabataan, lalo na sa mga gaya niya na nakaranas ng mga pagsubok sa buhay.
“Ang nais ko ipayo sa mga kabataan ay anuman ang pangarap ninyo, ang pinakamahalaga ay humingi kayo ng tulong sa Diyos — walang imposible sa kanya! Kailangan din ng sipag at tiyaga; huwag na huwag hihinto sa pag-abot ng pangarap, dahil lahat naman ay naguumpisa sa unang hakbang,” payo ni Hilario. “Huwag kayong aayaw, dahil ang umaayaw ay hindi nagwawagi.”
Sa edad na 31, marami pang mararating — at aanihin — si Hilario sa larangan ng sining. Dasal niya na sana’y magkaroon ng makabuluhang programa mula sa gobyerno o pribadong sektor na tutulong sa mga kabataang artist lalo na sa mga probinsya. ◆
Maaaring lumapit kay Joseph Hilario sa pamamagitan ng kanyang Facebook account (Joseph B Hilario), Facebook page (JhilArtist), at Instagram (j.hilario_05).