ni Wilson E. Fernandez
TAONG 2017 nang una akong maimbitahan ng aktor na si Lance Raymundo upang litratuhan ang kanyang pagtatanghal bilang si Hesus sa senakulong Martir Sa Golgota. Noong una’y nag-aalangan ako kung paano ko malilitratuhan ang naturang pagtatanghal gayong nang mga panahong iyon ay hindi ko pa nasusubukan ang pagkuha ng larawan para sa isang pagtatanghal. Subalit itinuring ko na lamang iyon na isang hamon bilang isang photographer na bihasa lamang sa pagkuha ng mga portraits na gumagamit lang ng natural light. Bago sa akin nang mga panahong iyon ang theatre photography. Pero wala namang masama kung susubukin ko. Nag-aalinlangan man ay may munting pananabik akong malitratuhan ang senakulong iyon.
Noong gabing iyon ng mismong pagtatanghal ay inayos ko ang settings ng aking kamera. Settings na siyang tutugma para sa ambience ng entablado. Kinabahan ako sa unang eksena ng sinakulo sapagkat hindi ko makuha ang tamang settings sa aking kamera. Hanggang sa makuha ko ang tamang timpla. Sunod-sunod na pagpitik upang magkaroon ng maraming larawan at doon ay makapipili ng pinakamagandang shot ng isang eksena. Tuloy-tuloy lamang ako sa pagkuha ng larawan sa bawat eksena ng senakulo. May mga pagkakataon din na sinisilip ko sa screen preview ng aking kamera ang mga nakuhanang larawan. Hindi ko inaasahan ang mga nakita kong mga larawan na para sa akin ay naging matagumpay ang resulta. Lalo akong ginanahan sa pag-shoot! Nananabik sa bawat eksena na para sa akin ay nagmistulang isang painting tuwing sumisilip ako sa view finder ng aking kamera. Malaking bahagi ang emosyon ng mga aktor, stage blocking at ilaw ng entablado upang makalikha ng isang larawang may taglay na kuwento at hiwaga.
Matapos ang musical play ay agad akong nag-post sa Facebook. Maraming shares at likes ang natanggap ng mga larawang ipinost ko. Nakatataba ng puso ang pagpapahalaga ng mga aktor ng naturang sinakulo. Mula sa pag-aalinlangan at takot na baka hindi ko maitawid ang pag-shoot sa isang sitwasyon na hindi ko nakasanayang gawin ay napalitan ito ng kumpiyansa. Na kaya ko pala! Oo medyo mangangapa sa umpisa pero gaganahan na kapag nakuha na ang timpla.Dahil sa napakahusay na pagganap ng lahat ng aktor, stage lighting at pagkakadirehe ng direktor na si G. Lou Veloso ay nakalikha ako ng mga larawan mula sa aking kamera na maituturing kong isa sa mga paborito kong grupo ng mga larawan sa aking portfolio. Ang sinakulo ring iyon ay isang photography experience na hindi ko malilimutan kailanman. ◆