“Sa Lilim ng Liwanag ng Buwan,” ni Binsong Salibio Ocaleña
Share
Kasabay ko ang Buwan sa Pagpupuyat
Kasabay ko ang Buwan sa pagpupuyat, sa pakikipag-usap sa mga kalaro ng Araw sa parehong pagkakataon, sa paghahanap ng maipanlalaman sa pitaka sa umaga; sa pakikinig sa musikang pumapalit sa mga hilik, sa pag-awit at pagsayaw nang tahimik; sa pagpigil sa emosyong dulot ng panonood sa parihabang mundo, sa ‘di pagpigil sa emosyong dulot ng totoong mundo.
Kasabay ko ang Buwang managinip nang gising, pagplanuhan ang araw na tutulugan din naman; bumuo ng mga kuwentong walang katuturan, magbiro nang walang tagatawang inaasahan; umasa kahit ‘di pinaniniwalaan, mangarap kahit walang mga tala sa kalangitan.
Kasabay ko rin ang Buwang magpahinga, habang ang mundo’y kumikilos na.
mga paruparo sa gabi
sa katahimikan ng gabi dahan-dahang nagkumpul-kumpulan ang mga paruparo sa sangang-daan sa aking katawan may kung ano sa liwanag ng bilog na bilog na buwan ang tila tumatawag sa kanila upang sundan ito’t lisanin ang kinaroroonan sa ngayon
alipin ako ng tawag ng buwan muling gagalugarin ang masukal ngunit pamilyar na gubat upang ituro sa mga paruparo ang tamang landas palabas sa unti-unting umiinit at naninigas kong mga kalamnan
oras na matagpuan ang hinahanap dali-daling pakakawalan ang mga paruparo
saka sasabog sa kalangitan ang makukulay nilang mga pakpak
panandaliang magniningning ang langit
pagkatapos ay muling babalik sa kadiliman sa pagtatago ng buwan sa ilalim ng kumot ng mga ulap
kukurap-kurap ang mga talang sasabayang matulog ang mundo sa paglisan ng mga paruparo
Sabado ng Gabi
Huminto sa pag-abot sa isa’t isa ang mga kamay ng orasang nagmamatyag sa akin mula sa madilim na sulok ng aking silid. Tanging ang paghilik ng gabi at malalim na paghinga ng aking mga katabi ang maririnig. Sumisilip mula sa uwang ng bintana ang buwang nakikiusisa.
Yakap ko ang anino ng aking hinaharap na walang tiyak na hugis. Yakap ako ng batang nagtataka sa kung anong kinahantungan niya.
Nakalabas ang aming mga paa sa ilalim ng manipis na kumot, hinahanap ang lamig ng ihip ng bentilador.
Tuwing Araw ng Linggo Nagsisimula ang Buhay Ko
Tuwing araw ng Linggo nagsisimula ang buhay ko — isusulat ang mga plano para sa susunod na mga araw sa kuwadernong nagpapatuloy sa mga turista ng isipan. Muling susungkit ng mga talang ilalagay sa garapon, sa pag-asang mas magniningning na ngayon, sa ‘di na mabilang na pagkakataon. Magtatagal sa pagligo, sasabuning maigi ang kasingit-singitan ng katawan, uubos ng balde-baldeng tubig mabanlawan lamang ang balat upang mabura ang bakas ng nagdaang linggo. Saka bubulong sa hangin, sa kalawakan, na nawa’y ang bagong simulang ito ay wala nang katapusan.
Si Binsong Salibio Ocaleña ay isang empleyadong nagtatrabaho kung gabi. Naging bahagi siya ng ilang antolohiya ng maiikling kuwento at mga tula noong 2020, sa kalagitnaan ng pandemya. Ngayon ay sinusubukan niyang sumulat muli.