“Sa Lilim ng Liwanag ng Buwan,” ni Binsong Salibio Ocaleña

Kasabay ko ang Buwan sa Pagpupuyat

Kasabay ko ang Buwan sa pagpupuyat,
sa pakikipag-usap sa mga kalaro ng Araw sa parehong pagkakataon,
sa paghahanap ng maipanlalaman sa pitaka sa umaga;
sa pakikinig sa musikang pumapalit sa mga hilik,
sa pag-awit at pagsayaw nang tahimik;
sa pagpigil sa emosyong dulot ng panonood sa parihabang mundo,
sa ‘di pagpigil sa emosyong dulot ng totoong mundo.

Kasabay ko ang Buwang managinip nang gising,
pagplanuhan ang araw na tutulugan din naman;
bumuo ng mga kuwentong walang katuturan,
magbiro nang walang tagatawang inaasahan;
umasa kahit ‘di pinaniniwalaan,
mangarap kahit walang mga tala sa kalangitan.

Kasabay ko rin ang Buwang magpahinga,
habang ang mundo’y kumikilos na.

mga paruparo sa gabi

sa katahimikan ng gabi
dahan-dahang nagkumpul-kumpulan
ang mga paruparo sa sangang-daan
sa aking katawan
may kung ano sa liwanag
ng bilog na bilog na buwan
ang tila tumatawag sa kanila
upang sundan ito’t lisanin ang
kinaroroonan sa ngayon

alipin ako ng tawag ng buwan
muling gagalugarin ang masukal
ngunit pamilyar na gubat
upang ituro sa mga paruparo
ang tamang landas palabas
sa unti-unting umiinit at naninigas
kong mga kalamnan

oras na matagpuan ang hinahanap
dali-daling pakakawalan
ang mga paruparo

saka sasabog sa kalangitan
ang makukulay nilang mga pakpak

panandaliang magniningning ang langit

pagkatapos ay muling babalik sa kadiliman
sa pagtatago ng buwan
sa ilalim ng kumot ng mga ulap

kukurap-kurap ang mga talang
sasabayang matulog ang mundo
sa paglisan ng mga paruparo

Sabado ng Gabi

Huminto sa pag-abot sa isa’t isa
ang mga kamay ng orasang
nagmamatyag sa akin mula sa
madilim na sulok ng aking silid.
Tanging ang paghilik ng gabi
at malalim na paghinga ng
aking mga katabi ang maririnig.
Sumisilip mula sa uwang ng
bintana ang buwang nakikiusisa.

Yakap ko ang anino ng aking
hinaharap na walang tiyak
na hugis. Yakap ako ng batang
nagtataka sa kung anong
kinahantungan niya.

Nakalabas ang aming mga paa
sa ilalim ng manipis na kumot,
hinahanap ang lamig ng ihip
ng bentilador.

Tuwing Araw ng Linggo Nagsisimula ang Buhay Ko

Tuwing araw ng Linggo nagsisimula ang buhay ko —
isusulat ang mga plano
para sa susunod na mga araw
sa kuwadernong nagpapatuloy
sa mga turista ng isipan.
Muling susungkit ng mga talang
ilalagay sa garapon, sa pag-asang
mas magniningning na ngayon,
sa ‘di na mabilang na pagkakataon.
Magtatagal sa pagligo, sasabuning maigi
ang kasingit-singitan ng katawan,
uubos ng balde-baldeng tubig
mabanlawan lamang ang balat
upang mabura ang bakas ng nagdaang linggo.
Saka bubulong sa hangin, sa kalawakan,
na nawa’y ang bagong simulang ito
ay wala nang katapusan.

Si Binsong Salibio Ocaleña ay isang empleyadong nagtatrabaho kung gabi. Naging bahagi siya ng ilang antolohiya ng maiikling kuwento at mga tula noong 2020, sa kalagitnaan ng pandemya. Ngayon ay sinusubukan niyang sumulat muli.