Sila…Ang Mga OFW

Naisip ni Archie na isa lamang ang air base na iyon sa Gitnang Silangan na nagbabantay sa mga kalabang sa paligid at maging sa buong Africa!

ni Efren R. Abueg

(IKA-3 NA LABAS)

PARANG hindi makapaniwala si Archie sa narinig sa kaniyang Tiya Ising. Mabilis ang dampot nito sa bungkos ng mga susi sa ibabaw ng mesa na inakala niyang ang malaking susi lamang ang ibibigay sa kaniya.

“Panahon na siguro para malaman mo ang totoo. Matagal nang wala ang Tiyo Mondo mo at hindi naman habang panahon kong itatago sa iyo ang totoo!”

Ano nga ba ang totoo? Na matagal na rin sa ibang bansa ang kaniyang ama na umano’y isang OFW? Ngunit lagi sa kaisipan niya ang nasa loob ng silid na iyong may pintong mahogany.

Humigpit ang hawak ni Archie sa bungkos ng tatlong susi. Inisip niya ngayon ang katuwaang makatuklas ng mga lihim. Matagal na sa ibang bansa ang kaniyang ama at sa dama niya, ayaw nitong umuwi at kumprontahin siya. Nakabuod na ang konklusyon sa kaniyang isip: may mga sikreto ang kaniyang ama at ayaw nitong umuwi dahil mapipilitan itong sumagot sa marami niyang itatanong!

“Kung ano man ang ipasiya mo pagkaraang mabuksan mo ang silid na ‘yan, huwag ka nang magtanong sa akin tungkol sa mga sinabi sa akin ng Tiyo Mondo mo. Ikaw…ikaw lamang ang makatutuklas ng sikreto ng iyong ama!”

At pagkaraan niyon, tumindig na ang kaniyang Tiya Ising, nagtungo sa kusina at iniwan siya sa pagdilidili.

Hindi na nag-aaksaya ng panahon si Archie. Nasa likod ng isipan niya ang mga sikreto sa silid na iyon. Nakasiksik sa isip niya ang sikreto ng kaniyang ama, ng Tiyo Mondo niya at ng kaniyang Tiya Ising at doon pa siya ipinanganak?

Tumindig si Archie nang hawak ang bungkos ang tatlong susi. Nagtungo agad siya sa silid na iyon. Isinaksak sa pinto ang pinakamalaking susi. Walang amoy na sumalubong sa kaniya! Binubuksan iyon at pinahahanginan iyon ng kaniyang Tiya Ising kung wala siya at pinahahanginan. 

Nakatalikod ang mapusyaw na kulay-kapeng bookshelf sa may pintuan. Sadyang iniharang? Para hindi agad matuklasan ang mga laman niyon?

Lumigid si Archie sa bookshelf. Mga librong nakaparada roon ang bumungad sa kaniya. Gumala ang tingin niya sa isa pang bookshelf na iilan lamang libro ang laman.  May tatlong kahon sa ibaba. Bukas ang isa na nakaawang pa. Tuluyang binuksan iyon ni Archie. Ilang papeles ang naroon tungkol sa bahay na iyon! At sa paghahalungkat pa niya, mga papeles naman ng kaniyang Tiyo Mondo sa trabaho nito sa Pilipinas at sa Kuwait ang nakita niya.

Ngayon, isinaksak ni Archie ang pangalawang maliit na susi sa isang nakasaradong kahon. Sa bungad pa lamang, nakita niya agad ang pangalan ng kaniyang ama sailang mga papeles tungkol sa mga datos ng ilang organisasyong binubuo nito. Maraming pangalan na waring sa mga estudyante sa ilang unibersidad. Nagbubuo wari noon ang kaniyang ama ng mga organisasyon. Kung ano ang mga nangyari sa mga pangalang iyon at mga organisasyon, alam niyang matagal na “kalkalan” at pagbabasa ang kailangan. Sinubok niya sa isang kahon ang pangatlong susi: halo-halong mga memento mula sa Tsina, Cuba at iba pang mga rebolusyonaryong estado na hinulaan niyang sinadya ng kaniyang ama bilang “trabaho” nito. Saka ilang papeles na kinasusulatan ng malalaking pangalang lumikas sa Europa pagkaraan ng pag-aalsa ng milyong mga tao sa EDSA.

Nawili si Archie sa maraming bolyum ng mga libro tungkol sa mga pagbabago sa ibang mga bansa—na waring napuntahan ng kaniyang ama. Nakatingala siya sa mga librong iyon nang mamalayan niyang pumasok ang kaniyang Tiya Ising!

“Nililinisan ko lang ng alikabok ang paligid, Archie, lalo na nang wala na ang Tiyo Mondo mo. Hindi naman ako interesado sa mga libro. Ilang recipe book lamang naman ang nabasa ko!”

Napa-ah lamang si Archie, saka hinarap ang kaniyang Tiya Ising.

“Walang account dito tungkol sa Laguna?”

“Huli na ‘yon. Sa pagkakaintindi ko sa Tiyo Mondo mo, nagtatago na noon ang iyong ama o nakapag-abroad na!”

Naisip ni Archie na hindi na niya nakilala ang kaniyang ina.

“Hindi na sila nagkita ng aking ina?” tanong niya.

“Iyon siguro ang ipinagsisisi ng iyong ama!” sabi nito, saka tumingin sa binabasa niyang pahina ng isang libro.

“Ang Tiyo Mondo mo ang bumiyahe sa Laguna at kumontak sa mga kamag-anak ng iyong ina sa probinsiya na ayaw namang pumontra!”

“Paano ako?”

“Binawi ka ng Tiyo Mondo mo sa ilang workers ng DSWD. Nagsabmit ng mga papeles ang Tiyo mo, pero natagalan bago ka niya mabawi!”

“Ka-kayo ang nag-alaga sa akin?”

“‘Yun munang lolo at lola mo bago namatay. Malaki ka na nang yumao sila. Lumipat lamang ako sa bahay na ito nang mamatay sa Kuwait ang Tiyo Mondo mo!”

“At sinabi niya sa inyo na huwag isiwalat sa akin ang sikreto ng kuwartong ito?”

Tumango ang kaniyang Tiya Ising. “Pero nang mamatay ang Tiyo Mondo mo at mapalipat ako rito, matagal kong inisip kung hanggang kailan ko maisisikreto sa iyo ang lahat!”

At dumating ang takdang panahong iyon—sa pagkamatay ni Demy at ang kaniyang anak!

“Kailangang magkausap kami ng tatay ko…”

“Kung babalik siya sa Pilipinas…”

“Hindi siya babalik dito, Tiyang. Ako ang pupunta sa kaniya!”

Tumingin sa mukha niya ang Tiya Ising niya. Parang binasa ang nakabadha sa kaniyang mga mata.

“Parating ang Covid-19 at mag-iisa ako rito?”

“Sa pag-alis ko, makakasama na kayo?”

“Magha-hire ka ng katulong,” sabi ng Tiya Ising niya.

Napatingin si Archie sa munting puwang ng bintanang salamin ng nasabing kuwarto. May pumapasok na kaunting hangin sa nakaawang na salaming iyon. Nararamdaman iyon ni Archie. Tulad ng inaasahang mararamdaman niya kapag nakausap na niya ang kaniyang ama!

“Iyon ang unang gagawin ko, Tiya Ising!”

Maedad na rin ang kaniyang Tiya Ising. Hindi niya maiiwan itong mag-isa. Naglaho na namang parang hangin ang kagustuhan nitong makasama si Demy at ang kanilang anak.

“Gusto ko siyang mapaliguan!” Nagunita niya ang mga sinabi ng kaniyang Tiya Ising!

Wala nang paliliguan ito. Kasama na iyon ni Demy na nakalagak sa kubol sa malaking libingan sa bayan!

Nakatingin sa kaniya habang nangingilid ang luha ng itinuturing niya ngayong kaniyang magulang!

HINDI tinawagan ni Archie ang kaniyang ama sa trabaho nito sa restawrang iyon sa Dubai. Ibig niyang magulat na lamang ito sa pagdating niya roon.

“Paano ka makapag-a-abroad kung napakaraming protocol na ipinatutupad ngayon ang gobyerno dahil sa lumalaganap na Covid-19?” usisa ng Tiya Ising niya isang hapunan pagkaraang halos isang araw siyang nagpakaabala sa mga contact niya sa ahensiya ng gobyerno para makaalis siya patungong Dubai sa Gitnang Silangan.

“May ipinagawa akong mga papeles sa isang kaibigan ko na may contact sa Dubai. Hindi lang isang kakilala niya ang maasahan ko sa pagdating sa Dubai kundi may sertipikasyon na isang malaking trabaho ang naghihintay sa akin sa isang restawran sa Dubai!”

“Umpisa pa naman ng pandemic ngayon!” nawika ng Tiya Ising niya. “Approved na ang working visa mo?”

“No problem, Auntie. Nagpa-swab ako at negative naman!”

“Hindi ako nakipag-communicate sa Tatay mo, gaya ng usapan natin. Ibig ko lamang tibayan mo ang kalooban mo sa kapangahasang gagawin mo sa iyong ama!”

“Kailangang gawin ko ito, Tiya Ising. Kapag nalaman ni Tatay na darating ako, maaari niya akong kagalitan o kung saan pa siya pumunta para iwasan ako. May magagawa ba ako kung wala na siya sa restawrang iyon sa Dubai?”

“Kaya nga kahit nag-umpisa nang lumaganap ang Covid-19 dito sa atin, hindi ako tumawag sa iyong ama. Naisip kong panahon na para magkausap kayong dalawa.”

“Salamat, Tiyang! Ipangangako ko lamang na mag-iingat ako na mahawa sa pandemic na ito. Ibig kong makita at makausap si Tatay!”

Sa ikatlong araw bago umalis si Archie patungong Dubai, dumalaw siya sa kubol na iyon. Nag-iwan siya ng dasal sa yumao niyang mag-ina at sa kaniyang magulang na nalibing sa kubol na iyon nang hindi nakita ng kaniyang ama.

“Ina, makararating na ako sa Tatay. Mapag-uusapan ka namin. Bubuhayin kita sa pamamagitan ng mga salita ko sa kaniya.”

Noon, tatlong araw nang nakakuha siya ng katulong na dalaga para sa kaniyang Tiya Ising. Patpatin ang dalagang iyon at ipinangako ng kaniyang ina-inahan na “patatabain” niya ang dalagang makakasama nito sa lumang tahanang iyon. Kaya sa ikalimang araw ng paglipad niya patungo sa Dubai, United Arab Emirates, kampante siya. Isinaulo pa ni Archie ang mga gagawin bago siya tuluyang lumipad.

Umaga nang bumaba ang eroplanong United Emirates sa Dubai International Airport. Pinag-aralan niya sa handbook na nakuha niya sa Ninoy Aquino International Airport ang pagpunta sa Dubai. Malayo pa sa siyudad, natanaw na niya ang naghuhumindig na gusaling Burja Khalifa, ang pinakamataas na gusali sa mundo hanggang 2009 nang malampasan ito ng Shanghai Tower sa Tsina. Naisip niya ang sarili sa huling lebel ng gusali na kakatanawan ng kalakhan ng siyudad ng Dubai at ng kalawakan ng disyerto sa hindi kalayuan. 

Pagkababa sa eroplano, kumain muna si Archie sa isang maliit na restawran sa labas ng paliparan. Pagkaraan, saka pa lamang siya kumuha ng isang nag-aabang na pribadong sasakyan. Mula roon, naglakbay siya nang may isang oras at halos 20 minuto para marating niya ang palibot ng Al Dafra Air Base. Pagkabayad, ginaygay niya ang mga restawran sa lugar na iyon hanggang sa makita niya ang façade ng kainan na halatang may motif na Pilipino. Isang restawran iyon na namumukod sa maraming restawran na nakita niya sa Dubai International Airport.

“Siguro, nabubuhay ang restawrang ito sa Al Dafra Air Base na isa sa mga pinakamalaking pasilidad ng mga Amerikano sa Gitnang Silangan!” nasabi niya sa sarili.

Naisip ni Archie na isa lamang ang air base na iyon sa Gitnang Silangan na nagbabantay sa mga kalabang sa paligid at maging sa buong Africa! Kukumpirmahin niya ang lahat ng mga sagot sa kaniyang mga itinatanong sa kakilala niyang tumulong via zoom para maisaayos ng isang recruitment agency sa Pilipinas ang kaniyang biyahe.

“Pupuntahan natin ang iyong sadya bukas ng umaga. May biyahe pa ito kung saang panig nitong Dubai!”

At kinabukasan, kumatok sila sa isang bahay na nakahilera ang mga kuwarto hindi kalayuan sa isang restawrang Pilipino na isang sakay lamang mula sa bahay ng nakakilala niya via zoom.

Isang maedad, ngunit matipunong lalaki ang nagbukas ng pinto. Nakasando lamang ang lalaki. Napanganga ito sa pagkagulat pagkakita kay Archie.

“Si…si Archie ka?” Parang saglit na namalikmata ang lalaki.

Napatda rin si Archie, nakatingin lamang sa ama na hindi halos makakilos sa pagkakatanga sa harap niya. Ni hindi nito inabot ang maletang bitbit niya.

“Si Archimedes ho!”

“Oo, si Archie ka nga. Walang sinabi ang Tiya Ising mo na darating ka!”

Pinapasok silang dalawa ng nakatatandang kasama niyang si Mr. Noly de Luna. Iniupo sila sa isang mesa sa loob ng makitid na silid-kainan at tanggapan. Saka saglit na pumasok sa isa pang kuwarto ang kaniyang ama at nang lumabas, may suot na itong isang polosert.

“Siguro, puwede na akong bumalik sa bahay,” sabi naman ni Mr. Castro.

Ngumiti ang ama ni Archie, hawak-hawak sa braso ang kakilala nito hanggang sa pinto ng maliit na silid na iyon. Saka nang nagbalik, nilapitan si Archie, niyakap nang buong higpit at alam niyang umiiyak ito.

“Ang Tiya Ising mo, kumusta?” anito kay Archie nang bitiwan siya ng yakap.

“Mabuti ho. Hindi na siya nagpasabi ng pagdating ko dahil ibig niyang sorpresahin ko kayo!”

Magkaharap sila habang nakaupo magkabila sa mesang kainan na nagsisilbing tanggapan ng kaniyang ama.

“Nansosorpresa pa ba ang gayong katanda na?” tinutukoy nito ang umalis na si Mr. de Luna.

“Oho naman! Kayo man daw, mukhang matanda na rin… sa cellphone!”

Natingnan ng ama ni Archie ang sarili, saka sinukat wari ang kaniyang kabuuan.

“Kaya ho, sabi niya sa akin, umuwi na rin kayo!”

“Marami pa akong gagawin dito sa ibang bansa.”

“Nagtatrabaho pa kayo?”

Hindi nakasagot ang ama ni Archie. Napatingin sa saradong pinto na nilagusan ng tumulong sa kaniyang giyahan siya sa Dubai.

“Oo, kailangan kong mabuhay dito. Hindi pa tapos ang aming laban!”

Laban? Iyon ba ang naiisip niyang tinutukoy nitong laban? ◆

(ITUTULOY)