Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng Sentenaryo ng LIWAYWAY sa taong 2022, nagbabalik-tanaw ang LIWAYWAY sa mga natatangi at klasikong kuwento na isinulat ng mga batikan at haligi na sa larangan ng panulat bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag, hindi lamang sa LIWAYWAY, kundi maging sa panitikan sa bansa.
Tula ni Dr. Victor S. Fernandez (Unang nalathala: LIWAYWAY, Marso 31, 1969)
Higit kang panganib kung ikaw ay hantad Pagka’t ang tiwala’y madaling malingat; Kung nakakubli ka ay may pagmamatyag Na tumataliba, o kabang malakas.
Ang tinik na tago’y napag-iingatan Sa kupad ng limi’t pas’yang dahan-dahan; Nguni, ang mahirap na lalong iwasan At saksak ng isang tanging kaibigan.
‘Et tu Brutus?’ Bakit hindi mamamangha: Ang tiwalang angki’y nawasak na bigla? Mahirap ilagan sa likod ang taga Ng pagkakanulong may dalawang mukha.
Ang halik ay hindi pagbating malugod, Mahanga’y kanlungan ng lunggating buktot; Sa isang halik mo’y may napakong Diyos Nguni, mayroon ding sangmundong natubos!