Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng Sentenaryo ng LIWAYWAY sa taong 2022, nagbabalik-tanaw ang LIWAYWAY sa mga natatangi at klasikong kuwento na isinulat ng mga batikan at haligi na sa larangan ng panulat bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag, hindi lamang sa LIWAYWAY, kundi maging sa panitikan sa bansa.
ni Alcomtiser P. Tumangan
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Abril 3, 1961)
PINIPILIT ni Naptali na mapatulin ang patikud-tikod niyang paghakbang. Nguni’t ang may pinsalang kanang paa niya’y parang hindi makasang-ayon sa kanyang pagmamadali. Tumataas na ang araw at ang tumitinding init niyon ay nararamdaman na niyang sumisigid sa kanyang balat. Ginigitian na siya ng pawis.
—Baka kaya hindi ko na abutin ang dalawang lalaking kumuha sa aking batang asno…— nasasabi ni Naptali sa pagpipilit niyang mapabilis ang kanyang lakad sa mabatong landas na kanyang tinatapat na patungo sa Betfage, na sa ibaba ng bundok ng Olibo. —Kung bakit ibinigay-bigay ni Elizabeth ang aking asno…maano ba kung lalaking taga-Nazareth ang nagpapakuha?
Lalong binibilisan ni Naptali ang kanyang paglakad. Nguni’t nakadarama lamang siya ng pagkayamot sa sarili dahil sa hindi niya mapasunod ang kanyang pilay na kanang paa sa pagtutumulin niya sa paglakad.
Nang hapong nakaraan ay pagod na pagod si Naptali na dumating ng bahay buhat sa paggawa sa kanyang maliit na bukirin. Pasan-pasan niya ang isang bungkos na ginikan. Ang una niyang napansin ay wala sa kinatatalian ang kanyang batang asno, na nang umagang bago siya lumusong sa bukid ay talagang itinali niya, sapagka’t ang balak niya’y katulungin na iyon sa kanyang paggawa sa bukid.
—Elizabeth! — sigaw niya sa kapatid na dalagang nakababata sa kanya.
—Tinatawag mo ba ako, kapatid ko? — tumatakbo si Elizabeth na lumabas ng bahay at sumalubong sa kanya. —Dumating ka na pala!
—Ang batang asno, nasaan…itinali ko sa damuhan kanginang bago ‘ko lumusong sa ating bukid? Nakawala ba?
Matagal bago nakasagot si Elizabeth. Nakatitig ito sa kanyang muka na parang may inaarok sa kanyang kalooban.
—May dalawang lalaking dumating dito kangina, — wika ni Elizabeth na may pag-aatubili. —Ang sabi’y kailangan daw ng Panginoon ang asno…
—Panginoon…sinong Panginoon? — pakunot-noong usisa ni Naptali.
—Iyong Lalaking taga-Nazareth, kapatid ko. —Malumanay ang tinig ni Elizabeth. —Iyong lumalaganap sa buong Israel dahil sa Kanyang mga aral at panggagamot.
—At ibinigay mo, sapagka’t sinabi lamang na ipinakukuha ng Lalaking iyon? — May galit na umalunignig sa tinig ni Naptali.
—Ewan ko nga ba kung bakit ko naibigay, kapatid ko, — turing ni Elizabeth na napailing, at nalarawan sa mukha niyon ang anyong waring nahihiwagaan. —H-hindi ako nakatutol nang sabihin ng dalawang lalaking kailangan ng Panginoon…p-para bang pati buhay ko, kung kakailanganin, ay ibinibigay ko rin. Ewan ko ba…ewan ko. —At napabuntunghininga si Elizabeth. —Para bang sa pagpapakuha Niya sa batang asno’y may bagay na magandang mangyayari sa atin…
—A-anong bagay na maganda? — Nasa diin ng kanyang pagsasalita ang pagkayamot.
Umiling uli si Elizabeth. Nasa mukha nito ang waring kahiwagaang hindi madalumat.
—Ang naiisip ko nang mga sandaling iyo’y ikaw, kapatid ko. — Marahan at parang nagbubuhat sa malalim ang tinig ni Elizabeth. —’Ka ko, kung ibibigay ko ang batang asno…pihong susundan mo ‘yon upang kunin. Makikita mo’ng Panginoon…baka maniwala ka sa Kanya, pagamot ka sa Kanya at ikaw ay gumaling…
—Hindi ako pagagamot sa Kanya! — halos pasigaw na turing ni Naptali. —Hindi ako naniniwala…hindi Niya ako mapagagaling. Ang ating matatandang manggagamot ay walang nagawa sa mga paa ko.
—Nguni’t ang taga-Nazareth ay nakapagpalakad sa mga pilay — sambot ni Elizabeth. — Nagawa niyang makakita ang mga bulag, malinis ang mga may ketong…nakagagawa siya ng mga himala!
—Ikaw na lamang ang manampalataya sa kanya!
—Dapat akong manampalataya, kapatid ko, — pakli ni Elizabeth. —Nakita ko noong magpakain Siya mula sa ilang pirasong tinapay at isda sa libu-libong tao. Nakita ko rin ang marami Niyang pinagaling sa sari-saring karamdaman. Sinasabi Niya sa kanila: pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Kung nanampalataya ka lamang sa Kanya, kapatid ko, ay…
—Sukat na, Elizabeth…sukat na, — sawata ni Naptali. —Kukunin ko ang aking batang asno. Susundan ko. Saan ba sila nagtungo?
—Sa Betfage…papasok daw ang Panginoon sa Herusalem bukas, — tugon ni Elizabeth.
Naramdaman niyang may pagkasiphayong tinanggap ang kanyang kapatid. Nguni’t tinitigasan niya ang kanyang loob. Ayaw na niyang masiphayong muli. Ang pag-asa niyang gumaling ay nailagak na niya sa matatandang manggagamot na nakilala niya, nguni’t sa pag-asa niyang iyan ay wala siyang tinanggap kundi pagkabigo. At sa kanya’y masakit ang mga pagkabigo niyang iyon.
Maliit pa si Naptali nang mapinsala ang kanyang kanang paa. Ang natatandaan niya’y inabot siya ng isang matinding lagnat. Nahiga siya nang matagal. At nang maibsan siya ng lagnat ay wala nang lakas ang kanyang kanang paa. Wala nang pakiramdam iyon at hindi niya maigalaw.
Noong buhay pa ang mga magulang nila ni Elizabeth ay ipinagamot siya sa mga bihasang doktor, nguni’t nabigo ang mga iyon. Nabigo rin ang pamamanata nila sa templo. Pati ang pamahid na binanal na langis na ibinibigay ng mga saserdoteng matatanda ay nawala ng saysay. Hindi na siya gagaling. Iyan ang naging paniwala niya. Kahit ang sinasabing mapaghimalang Lalaking taga-Nazareth ay walang magagawa sa kanya.
Naging mahirap ang kanilang buhay. Nang mamatay ang kanyang mga magulang ay sa kanya naiwan ang kanilang kaputol na bukirin. Nguni’t dahil sa kapinsalaan ng kanyang paa’y hindi siya makagawang mabuti at hindi niya mapasagana ang ani. Ang babaing asno na katulong niya sa paggawa’t matanda na. Natuwa siya at nagpasalamat nang magkaanak iyon, subali’t ngayong malaki-laki na iyon at magagamit na niya sa bukid, ay saka kinuha na lamang at sukat ng kung sinong dalawang lalaki, sapagkat kailangan ng Panginoon.
—Bakit pa’ng aking asno, — sabi ni Naptali na parang nagngingitngit. —Alagang-alaga ko ‘yon. Ni hindi ko pa ‘yon nasasakyan ni napasasakyan kahit kanino
KAHIT patikud-tikod ay nakarating si Naptali sa kapatagang nasa ibaba ng bundok ng Olibo. Gayon na lamang ang pagtataka niya nang makita ang maraming tao—parang humugos ang mga iyon na kung saan-saan nagmumula, mga babae at lalaki, matatanda, mga bata. Parang isang mahabang prusisyon iyon. Ang mga tao’y may taglay na mga palaspas, mga palapa ng olibo at mga sangang binakli sa mga punungkahoy at buong kagalakang iniwawasiwas ang mga iyon. Sa makikitid na daang patungo sa Herusalem ay nakalatag din ang mga dahon at mga bulaklak na ligaw na kung saan-saan pinupol.
—Anong nangyayari? Anong pagdiriwang mayro’n? — tanong ni Naptali sa isang lalaking kasama ng nagkakatuwang karamihan.
—Ang Panginoon…papasok sa Herusalem!
—Ang Lalaking taga-Nazareth?
—Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng diyos ng ating mga magulang, — masayang-masayang turing ng lalaki. —Nagaganap ngayon ang hula. Siya ang paparitong sabay ng isang batang asno at papasok sa bayan ng Diyos, ang Herusalem!
—Ang aking asno ang kinasasakyan! — bulalas ni Naptali.
Hindi naunawaan ng lalaki ang sinabi ni Naptali. Tinalikuran na siya niyon. Tinanaw ni Naptali ang mahabang karamihan na marahang umuusad sa makipot na daan. Nakita niya ang Lalaking nakasakay sa kanyang asno. Sinusubaybayan ng lalo pang maraming tao, na sa tingin niya’y nangagsasayawan, nag-aawitan. Lalo pang tinulinan ang kanyang paglakad. “Ang aking asno! Ang aking asno!
Habang nalalapit siya’y naririnig niyang maliwanag ang pag-aawitan—matitinis na tinig ng mga bata: Hosanna! Mapalad ang Haring pumaparito sa pangalan ng Panginoon: kapayapaan sa langit at kaluwalhatian sa kataas-taasan.
Nang abutan ni Naptali ang Lalaking nakasakay sa kanyang asno’y nang pumapasok na Iyon sa Herusalem ay napahinto, sapagka’t hinarang ng ilang pariseo.
—Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad at ng mga nag-aawitan, — narinig ni Naptali sa wika ng pariseo.
—Sinasabi ko sa inyo, — sagot ng Lalaking nakasakay sa asno, sa malamig nguni’t makapangyarihang tinig, —kapag hindi nagsiimik ang mga iyan, ang mga bato’y sisigaw!
Hindi nakahuma ang mga pariseo. Nagpatuloy sa pagpasok sa Herusalem ang Lalaking nakasakay sa asno. Napasunod na rin si Naptali. Walang gumambalang sino man sa Lalaking iyon hanggang sa makarating sa paanan ng templo. Bumaba ang Lalaki mula sa asno. Parang isang makapangyarihang pumanhik sa mga baitang ng templo sa gitna ng pag-aawitan at pagbubunyi ng mga tao.
—Aking asno ito! — wika ni Naptali at ginagap niya ang tali ng asno.
Nang balikan ng tingin ni Naptali ang Lalaking taga-Nazareth ay nanggilalas siya, sapagka’t nakita niyang itinataboy niyon ang mga nagsisipagbili at ipinagbubuwal ang mga dulang ng mga mamamalit ng salapi.
—Nasusulat nga, ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan; datapwa’t ginagawa ninyong yungib ng mga tulisan! — Punung-puno ng kapangyarihan ang tinig ng Lalaki.
Walang nakasalansang na kahit sino.
Umalingawngaw ang bulung-bulungan ng mga tao. Lalo na silang nanggilalas sa kanilang nasaksihang iyon. Wala pang nakagagawa ng gayon na nag-ukol ng pagmamalasakit sa kanilang templo. At sa bulung-bulungang iyan na kung anu-anong palagay tungkol sa Lalaking iyon, ay parang nawala si Naptali. Siya nga kaya ang Mesiyas, ang Tagapagligtas na darating, na pinakahihintay ng kanilang mga magulang? Si Naptali ay may nadaramang kung anong hiwaga. Parang may kung anong bagay na hindi niya maipaliwanag sa kanyang sarili.
Naglakad-lakad siyang kasama ng karamihan. Akay-akay niya ang asno. Ibig niyang marinig ang maraming sinasabi ng mga tao tungkol sa Lalaking taga-Nazareth. Ngunit walang anu-ano, biglang nahawi ang mga tao. —Ang Panginoon…ang Panginoon!
At natagpuan na lamang ni Naptali na nakaharap siya sa Lalaking taga-Nazareth.
—Ikaw si Naptali ang may-ari ng asnong aking sinasakyan? — wika ng Lalaki at ang titig Nito ay parang nanunuot sa puso ni Naptali.
—Kilala mo ako, Panginoon? — parang hindi makapaniwalang naitanong niya.
—Nakita kita nang umagang itali mo ang iyong asno sa damuhan bago ka lumusong sa iyong bukid, — tugon ng Lalaking taga-Nazareth.
—Saan Ka naroroon, Panginoon, at hindi ko nakita?
—Ako’y nasa tabi mo, nguni’t ayaw kang maniwala, — wika ng Lalaking taga-Nazareth. —Kumakatok Ako sa templo ng iyong pagkatao, nguni’t ayaw mo akong papasukin.
—Ngayo’y naniniwala na ako, Panginoon, — sagot ni Naptali. —Sinasabi ni Elizabeth, ng aking kapatid, na mapagagaling mo ang aking pilay na paa!
—Mangyari ang naaayon sa iyong pananampalataya, Naptali— anang Lalaki.
At naramdaman ni Naptali ang pagkakaroon ng lakas ng kanyang kanang paa. Nanggilalas siya. Lumukso siya, parang pagsubok sa lakas ng kanyang mga paa.
—Magaling na ako, — bulalas niya.
At ang karamihang nakasaksi sa hiwaga’y muling nag-awitan: Hosanna. Mapalad ang Haring pumaparito sa pangalan ng Panginoon. At naramdaman ni Naptali na siya man ay nagbubunyi at umaawit. Ngunit higit sa awit na ipinahahayag ng kanyang mga labi, sa ubod ng kanyang sarili’y parang nauulinigan niya ang lalong mataos na awit ng kanyang kaluluwa. Kapayapaan sa langit at kaluwalhatian sa kataas-taasan! At nalalaman ni Naptali, hindi niya maitatanggi na ang Haring pumaparito sa pangalan ng Panginoon ay mapanagumpay ring nakapasok sa templo ng kanyang pagkatao. ◆