Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng Sentenaryo ng LIWAYWAY sa taong 2022, nagbabalik-tanaw ang LIWAYWAY sa mga natatangi at klasikong kuwento na isinulat ng mga batikan at haligi na sa larangan ng panulat bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag, hindi lamang sa LIWAYWAY, kundi maging sa panitikan sa bansa.
Tula ni Jose M. Mateo (Unang nalathala: LIWAYWAY, Abril 3, 1961)
Masdan, sa kalbaryo, Ang Dakilang Kristo’y Nagbata ng hirap nang mag-anyong tao; Tinik na koronang namamalas natin sa Mahal na Ulo’y hayap ng paglibak ng isang daigdig ng mga Pilato; Pangako sa taong isang paraiso ang lihim na dala nang Siya’y parito na masasalamin ang kahiwagaan sa banal na templo; Nariyan ang tunay na wakas ng sama, at ang pagbabago ng bulag na muning sumamba sa dupok ng mga idolos Nariyan ang lihim na landas ng buhay sa pagkapanuto ng iminumunyi ng aral ng Diyos sa lahat ng dako.
Ang mga paglibak na Kanyang tinanggap Inginiti lamang ng Anak na tapat; Ang suka, ang apdo’t madlang kapaitang kinuha’t kinatas, ay pulot sa labing sa paghihingalo ay Kanyang nilasap; Ang ulos ng sibat Binatang may galak! Lahat ng pagdusta, pait at kamandag Ay Kanyang tiniis na hindi dumaing at hindi nanumbat; Suplinang pamalong sa katawang mahal ng Kristo’y bumakas Ay tinugon Niya ng wikang matamis na may dalang habag; Katuruang sabi na di malilimot na dala’y pagliyag: “Ama’y patawarin silang hindi alam ang mali at tumpak Ang salitang ito kung pag-aarala’t kukuruing ganap, Bunga ng pag-ibig na ang tanging diwa, ang tao’y iligtas!