Ni Judith P. De Leon
Si Christian Gonzales, 33, na lumaki sa Baliuag ay nakikilala na lagpas ng Bulacan at patungo sa mundo ng pagpinta dahil sa kanyang mga malikhaing gawa. Bagamat malayo sa sining ang tinapos niyang kursong Accountancy sa Baliuag University at kasalukuyang trabaho bilang quality consultant sa isang software company, hindi nawala ang kanyang hilig sa pagpipinta na kanyang sinimulan noong siya’y bata pa.
“Sa murang edad na tatlo o apat na taong gulang, nakahiligan ko nang gumuhit sa lupa gamit ang mga putol na piraso ng kahoy. Kung minsan, kinukuha ko ang lapis at papel ng aking kapatid upang gumuhit,” ani Christian.
Malawak ang hilig ni Christian sa sining. Halimbawa, kumukuha siya ng inspirasyon mula sa musika, mga positibong pananaw, at pangarap sa buhay. Hinahangaan naman niya ang mga obra nina Pambansang Alagad ng Sining na si Jose T. Joya at premyadong pintor na si Ross Capili.
Ayon kay Christian, karamihan sa kanyang mga gawa ay matatawag na abstract. Mapapansing likas at natural sa kanyang mga likha ang pagiging makulay na sumisimbolo sa inilalarawan nitong kasiyahan at positibong pananaw sa buhay. Bukod dito, agaw-pansin din sa kanyang mga obra ang taglay nitong mga malalambot na tekstura na tila ba mga tela na sumasayaw sa saliw ng tugtog at musika.
Sa dami ng mga makukulay na pintang kaniyang nilikha, ang obra niyang pinamagatang “Overflow” ang maipagmamalaki. “Ang obrang ito ay tumutukoy sa kabuuan na pakiramdam ko noong mga panahong ipinipinta ko ito. Tanging nag-uumapaw na kasiyahan at pagpapala ang nanaig sa aking kaisipan kaya’t naging repleksyon iyon ng aking gawa.” Naibenta niya ang “Overflow” sa loob lamang ng dalawang oras mula nang ipinaskil niya ito sa social media.
Gaya ng maraming artist na may malalim na pagmamahal at pangarap para sa sining at paglikha, nais niya ring maging isang tanyag na pintor balang araw at mapabilang sa listahan ng mga Alagad ng Sining. Kaakibat ng masidhing pag-ibig sa musika at sining ang pagnanais niya na malibot din ang buong mundo at magpinta sa gitna ng mga lugar na pinapangarap marating ng kaniyang mga paa.
Matayog, puno ng pag-asa, at may buong tiwalang tinitignan ni Christian ang mga kabataan at mga lokal na manlilikha sa larangan ng sining. Ayon sa kaniya, mahalagang sangkap sa paglikha ng sining ang kaligayahan sa ginagawa at hindi pagsuko. Hiling din niya na mas tangkilikin pa ng mga kolektor ang mga likha ng mga local artist gayundin ang mga baguhan sa industriya na talaga namang kayang makipagsabayan sa galing ng mga maestro.
“Ang maipapayo ko sa mga kabataan ay maging mapagkumbaba at huwag huminto sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at technique sa pagpinta. Huwag susuko kung hindi man makabenta sa umpisa, ang mahalaga ay maligaya ka sa iyong ginagawa at naipapamalas mo ang iyong galing sa pagpinta.”
Para sa mga nais sundan si Christian at interesado sa kanyang mga likha’t mithiin para sa sining, marami pang aabangan na mga bago niyang likha at mga exhibition na nagpapamalas ang kanyang talento sa pagpinta. Dagdag pa niya, gusto rin niyang magturo ng mga kaalaman hinggil sa sining sa mga kabataan na nagnanais matutong gumuhit o magpinta.
Maaaring makipag-usap online kay Christian Gonzales sa gonzartstudio.com at sa www.instagram.com/gonzartstudio/