Tula Ni Ronald Araña Atilano
Nagkataong nasa tuktok kami
Nang tumigil ang ikot ng ferris wheel.
Umuuga-uga ang aming kinauupuan.
Sa ibaba, tanging ang parisukat na karnabal
Ang nalalabi sa uniberso ng dilim.
Iwinawasiwas ng pugitang bakal
Ang mga walang-ulong pasahero. Paulit-ulit
Na dumadausdos sa padulasan
Ang nalululang mag-anak ng mga kalansay.
Nagpapalipat-lipat ng kiosko
Ang namamasyal na mga langgam
Habang nakapila ang mga nag-aantay ng riple.
Umaalingawngaw na tila mga kampana
Ang tinig ng nagpaparoleta,
Pinaiikot ang gulong ng mga numero
Habang unti-unting nilalagom ng itim
Ang mundo ng mga nagdidiliryo.
Maya-maya, umugong muli ang motor
At muli kaming lumapag sa lupa.
Isang oras pa kaming nagpalibot-libot
Pagkatapos pumila sa babaeng gagamba
At sa taong-gubat na kumakain ng buhay na manok
_________________________________________________
Si Ronald Araña Atilano ay isinilang sa Metro Manila at lumaki sa Dasmariñas, Cavite. Naging kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) at dumalo sa UP National Writers’ Workshop sa Baguio noong 2004 at sa Ateneo Writers’ Workshop sa Quezon City noong 2006. Kasalukuyan siyang naninirahan sa Newcastle, Australia.