Kolum ni Pat V. Villafuerte
Tunay na may malaking kontribusyong nagagawa ang pagbasa sa pagkatuto ng mag-aaral. Sa pamamagitan nito, natutuklasan ng isang mag-aaral ang natatanging yaman at kultura ng isang lahi, gayundin ang kahusayan at kasiningan ng mga piniling salita na ginamit sa pagbuo ng piling akda. Ang kaalaman sa pagbasa ang nagtutulak sa bawat isa na pahalagahan, ingatan at ipagmalaki ang mga karunungan, kasanayan, paniniwala at moral na nakapaloob sa bawat akdang binabasa.
Malaki ang pananagutan ng guro sa isang matagumpay na pagtuturo at pagkatuto ng kaniyang mga mag-aaral sa tulong ng pagbasa. Ang buong katauhan, saloobin, panlahat na kaalaman at estilo sa pagtuturo ay nakapagbibigay ng interes sa mga mag-aaral upang ganap na matuto. Dahil dito, sinisikap ng bawat guro na maging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang ginagawang pagtuturo ng pagbasa nang sa gayon ay matatamo ang lubusang pagkatuto ng mga mag-aaral. Isinaalang-alang ng mga guro ang paggamit ng makabagong pagdulog sa pagtuturo lalo na sa pagtuturo ng pagbasa.
Sa panahon ngayon na ang mga guro ay gumagamit na ng makabagong teknolohiya, at isa rito ay ang pagpapanood ng mga aralin sa pamamagitan ng mga bidyo na nakukuha sa internet at ang iba ay ang paggawa ng PowerPoint presentation, subalit marami pa ring guro ang gumagamit ng tradisyunal na pamamaraan tulad ng pagpapasulat at pagpababasa sa harapan ng klase. Makabago o tradisyonal man ang pamamaraang ginagamit ng guro, patuloy niyang pinagsusumikapang makagamit ng pagdulog na aangkop sa pangangailangan ng kaniyang mga mag-aaral.
Ang pagdulog na tinatawag ding dulog o lapit ay approach sa Ingles. Ito ay set ng mga pagpapakahulugan hinggil sa kalikasan ng wika, pagtuturo at pagkatuto samantalang ang estratehiya o strategy sa Ingles ay ang panlahat na pagpaplano para sa isang sistematikong paglalahad ng wika at batay sa isang pagdulog.
Tungkulin ng guro na mabigyan ng maliwanag at mahusay na kaalaman ang kaniyang mga mag-aaral. Inilahad ni Aloraini (2012) sa kaniyang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng multimedia sa academic achievement ng mga mag-aaral sa King Saud University bilang angkop na pagdulog sa pagtuturo. Natuklasan niya sa kaniyang pag-aaral na ang paggamit ng multimedia sa pag-aaral ay mabisang paraan ng pagtatamo ng mahusay na pagkatuto kaysa ang tradisyunal na paraan ng pagtuturo. Kung kaya’t sa tulong ng mga kagamitang napapanahon at naaayon sa pangangailangan ng mga mag-aaral sa pagkatuto ay maaaring maging matagumpay ang paglilipat at pagbibigay ng karunungan sa mga mag-aaral.
Ang pagbasa ay ang pagbibigay ng interpretasyon sa mga nakalimbag na simbolo ng kaisipan. Hindi lamang kasanayang pangwika ang pagbasa kung hindi isang mahalagang gawain din. Kung nais matuto ng isang indibidwal o mag-aaral, ituturing niya ang pagbasa bilang isang behikulo sa pagtuklas at pagtamo ng iba’t ibang kaalaman. Bukod dito, ang pagbabasa ay hindi lamang basta gawain, ito ay napakahalaga sa bawat indibidwal kung kaya’t dapat paunlarin.
Ayon kay Jean Piaget sa kanyang teoryang Constructivism Learning Theory (Kneller, 1998), hindi siya sumasang-ayon sa paraang tradisyunal. Nakita niya bilang isang mag-aaral na kailangang malinang ang kanilang kognitibong aspekto at ibigay ang ebidensiyang ito mula sa alternatibong pagtuturo gamit ang siyensiya at iba’t ibang panteknolohiyang kagamitan. Naniniwala siya na mas magiging makatotohanan ang pagkatuto ng mga mag-aaral kung gagamit ang guro ng mga makabagong teknolohiya sa kanyang pagtuturo.
Naniniwala si Jean Piaget sa kanyang teoryang Constructivism Learning Theory. Na hindi siya sumasang-ayon sa paggamit ng mga tradisyunal na kagamitan sa pagtuturo. Saad pa niya na kailangang gumamit ng mga alternatibong pagtuturo, kung kaya’t nabuo ang paradigma ng pag-aaral upang tuklasin ang mga pamamaraang ginagamit ng mga respondente sa kanilang pagtuturo.
Ano-ano ang dalawang pagdulog na lubhang gamitin sa pagtuturo ng pagbasa?
1. Ang Pagdulog Semantic Webbing
Ibinigay nina Freedman at Reynolds (1980) ang kahulugan ng semantic webbing bilang isang pagdulog ng pagbubuo at pagsasanib ng impormasyon na sumasaklaw sa mga teorya at konseptuwal na pag-iisip. Bilang pagdulog, ito ay isang epektibong paraan para matulungan ang mga guro na maorganisa at maipagsanib ang iba’t ibang materyales at konsepto para sa pagtuturo sa pamamagitan ng konstruksiyon ng palarawang biswal ng kaugnayan ng mga kategoryang gamit sa pagbasa.
Ang mga hakbang sa pagsasagawa ng Pagdulog Semantic Webbing ay ang mga sumusunod:
1. Magtakda ng layunin na makahihikayat sa mga mag-aaral na gumamit ng tiyak na estratehiya sa pagbasa at pag-iisip o reading-thinking strategy (RTS).
2. Bumuo ng mga tanong batay sa reading-thinking strategy (RTS) at reading units (RU).
3. Hingan ang mga mag-aaral ng tamang sagot sa mga binuong tanong.
4. Bumuo ng web strands sa tulong ng mga mag-aaral.
5. Patnubayan ang mga mag-aaral sa pagbuo ng web strands.
6. Iaplay ang web para sa higit pang pagbabasa ng akda.
2. Ang Pagdulog Story Grammar
Ang story grammar ay isang pagdulog na nagpapalinaw sa mga elemento ng maikling kuwento at nakatutulong upang matukoy ang ugnayan ng mga ito. Madaling matutuhan at mabilis na napahahalagahan ng mga batang mag-aaral ang binabasa nilang maikling kuwento kung malinaw sa kanila ang panloob na representasyon ng bawat elementong nakapaloob sa maikling kuwento gaya ng panimula, gitna at katapusan ng akda.
Sa paggamit ng pagdulog story grammar, mahalagang mapagtuunan ng pansin ng mga batang mag-aaral ang mga sumusunod na elemento ng maikling kuwento kabilang ang mga sumusunod: (1) pamagat, (2) tagpuan, (3) tauhan, (4) paksa, (5) tema, at (6) banghay.