Kolum ni Vim Nadera
Taon ng Aso noon.
Ayon sa Limang Elementong Tsino, panahon iyon ng Apoy.
Naipit tayo sa naghihilahan o nagbabanggang alab ng Kuneho at lagablab ng Dragon.
Kaya tayo hati o hybrid.
Mongrel!
Mas kumiling tayo sa una.
Kasi mas masuwerte raw tayo roon kaysa huli.
Ganu’n na nga.
Sa simula.
Una, ito ang ating akala.
Napabilang tayo sa antolohiyang Poetry of Love and Understanding ng South East Asia (S.E.A.) Write Award Organizing Committee, Chumbhot-Pantip Foundation, at Poets, Essayists, Novelists (P.E.N.) International Thailand Center.
Lumabas ang Ang Aklat Likhaan ng Dula 1997-2006 na inedit namin ni Rene O. Villanueva para sa Likhaan: University of the Philippines (U.P.) Institute of Creative Writing.Nakagawa tayo ng compact disc (C.D.) ng pagbasa ng mga tula ni Alejandro G. Abadilla at para sa kaniyang sentenaryo – na tinawag nating Kaakuhan – na inilako ng C&E Publishing Inc.
Inilimbag ng U.P. Press ng ating nobelang [H]ISTORYADOR[A] na nakasungkit ng ikalawang gantimpala sa Centennial Literary Prize noong 1998.
Ginanap ang mga ito sa umaga ng gabi-gabi nating pag-aalaga ng O.M.G. o Open Mic Gig tuwing Lunes sa MagNet Gallery ni Rock Drilon na binuksan ng dalawa o tatlong oras natin sa loob ng Poets’ Alcove.
Naging bahagi tayo ng M.T.V. o Mike-Teo-Vim na nagtataguyod ng Balagtasan dahil sa National Commission for Culture and the Arts.
Naganap o naging ganap ito nang isama kami sa pelikulang Maid In Singapore ni Clodualdo Del Mundo Jr. na napanood kami sa Balagtasan sa Singapore.
Naipagtatanggol natin sa mga taga-National Library ang panitikan.com o ang portal sa literaturang Filipino na inampon ng National Committee on Literary Arts para sa Pambansang Buwan ng Sining.
Inumpisahan kasi natin ang Pagpupugay sa mga Pambansang Alagad ng Sining.
Naisingit din natin ang Pistang Panitik sa Manila International Book Fair na tumagal ng limang taon.
At, sa wakas, pagkalipas ng isang dekada, naging aklat na ang ating tesis.
Dating The Use of Poetry as a Therapy in Mutual Support Groups of Cancer Survivors in Metro Manila ang titulo nito pero ipinakilala ito ng University of Santo Tomas Publishing House bilang Poetreat.
Kung baga, ang mga ito ang itinuturing nating tapik sa balikat na may nakaatang na kusampalo.
Ito nga po ay walang iba kundi ang gamiting gamot ang sining.
At lahat ng ito ay natupad noong 2006.
Saksi kasi ito pumanaw ang aming pangatlong anak na si Awit.
Halos maulol kami sa aming pagtumba.
Masahol pa sa hayop na tila tinubo sa ulo.
Kapit-kamay kami ng maybahay nating si Ellay na gumapang at iginapang sa hirap ang mag-anak namin.
Upang buuin ang tahanan.
Tuta pa lamang noon sina Psalma, Wika, at Sulat.
Bagamat ramdam pa rin ang sakit, iginiit namin ang pagtindig.
Kaya, pagkaraan ng isang taon ng pagdadalamhati, isinilang ang bunso naming anak-anakan — ang Foundation A.W.I.T. — o Advancing Wellness, Instruction, and Talents.
Nagkataong nataon din ito selebrasyon ng aming ikasampung anibersaryo bilang mag-asawa noong 2007.
Naitawid namin ito sa gabay ng aming ama-amahang sina Gemino Abad, Virgilio Almario, Manuel Baldemor, Sergio Cao, Isagani Cruz, Roland De La Rosa, Bienvenido Lumbera, Rogelio Mangahas, Efren Reyes, at Bernardino Vicente at/o sa patnubay ng aming ina-inahang sina Paz Abad Santos, Ma. Victoria Abesamis, Venus Arain, Jane Baltazar, Amelia Lapeña Bonifacio, Ophelia Alcantara Dimalanta, Cristina Pantoja Hidalgo, Ophelia Mendoza, Ligaya Pacquing-Juat, at Emerlinda Roman.
Dahil sa kanila, kaanak, at kaibigan namin – aming napagtagumpayang dugtungan ang sinimulan naming pagdamay o pakikiramay.
Salamat sa mahika ng musika, panitikan, sayaw, teatro, sining biswal o media, at sari-saring porma’t plataporma.
Kapag sinabing “sila” ay nangangahulungan ito na pasyenteng may kanser o A.I.D.S., batang lansangan, at iba pang sangkot ng mga sakunang likas o likha ng tao gaya ng gera!
Lalong-lalo na ang mga lolang kung tawagin “comfort women.”
Isang buwan matapos pahintulutan ni Pangulong Vladimir Putin na bumisita ang puwersang Ruso sa Ukraine na hindi iniwan ng tokayo niyang si Pangulong Volodymyr Zelensky – naanyayahan naman tayong dumalaw sa Commission on Human Rights.
Habang nanonood ng paluntunang kinatatampukan nina Francis Gealogo ng Tanggol Kasaysayan at Sharon Cabusao ng Lila Pilipina – saglit na sumagi sa isip natin ang ating di-mabilang mag-aaral mula sa U.P. at Philippine High School for the Arts na nakuhang isatitik, wika nga, ang di-masambit-sambit na salaysay hinggil sa walang- kasimpait na karanasan sa karahasan.
Sa ilalim ng araw na kasing-santing ng init ng usapa’t usapin sa Diokno Park, di natin maiwasang magbaliktanaw.
Kapagdaka, nanariwa bigla ang sugat ng mga gunita mula sa Diliman hanggang sa Makiling.
Umabot nga ito sa rurok ng ika-25 anibersaryo ng laban ng mga lola noong 2012.
Disyembre ng 2019 nang huli naming nakadaupang-palad ang mga lola nang isama natin ang mga estudyante sa P.I. 100 — sa pangunguna ni Taks Barbin ng Kontra-Gapi — na tumutog at nagturo sa kanila kung paano sumayaw o gumalaw na bago tuluyang magsalo-salo para sa paparating na Pasko.
Nagawa natin silang maging bata uli.
Kahit sandali.
Hindi natin akalaing may darating palang pandemya.
Humigit-kumulang tatlong taon na.
Mababalitaan na lamang natin na 12 na lamang sila.
Ganu’n pa rin ang boses ni Lola Estelita Dy na nanawagan noong 23 Marso 2022.
Bagamat mas paos at pagod, siya pa rin ang dating tinig na nanginginig sa paninikluhod para masunod ang mga sumusunod: (1) patawad na opisyal at pampubliko mula sa gobyernong Hapon; (2) kompensasyon para sa bawat lola; at (3) pagpapasok ng kanilang kuwento sa mga librong pangkasaysayan at kurikulum.
Ang tatlong bagay na ito, sa kasamaang-palad, ang kanila nang ipinaglalaban noon pang 1994.
Sa ating paglipad-lipad, at paglipas ng oras, hindi natin namalayang walang nakadalo sa mga kandidato sa pagkapangulo.
Kanilang mga puso sana ang layong katukin upang himukin silang manindigan para sa mga lola.
Walang ano-ano, makakatanggap tayo ng tawag mula sa isang kagurong dating direktor ng U.P. Sentro ng Wikang Filipino.
Diumano, humihingi ng saklolo ang isa pang kapuwa-manunulat na nagmamalasakit sa pamilya ng mga nabiktima ng tokhang.
Asong Apoy ang 2006 na bantay sa ating pagdiriwang ng ating pagiging mortal.
Ngayon, muling sinusurot ng budhi ang sarili: “Bilang mandirigmang duguan, anong karapatan ng isang doberman na maging Superman?”