Ni Belle Ulatan
Kapag natutuhan mo nang languyin
ang nakalulunod na sakit,
makikipaglaro ka na lamang sa lalim,
hatakin ka man nang paulit-ulit.
Kapag natutuhan mo nang makipagsayaw sa mga alon,
hindi mo na kasisindakan ang panibagong daluyong
bagkus ay malugod ka pang sasalubong
na para bang isang regalo ang bawat hamon.
Minsan,
sa sarili rin lamang natin matatamo ang pagsagip
at ang totoong bangungot ay wala sa pag-idlip.
Biyaya ang mapagtanto mo sa `yong isip,
mas bangungot pa ang reyalidad kaysa panaginip.
Ang buhay ay karagatan— at kung ika’y nasa pusod,
tandaang mong wala sa pampang ang laya sa pagkalunod,
kundi nasa kakayahan mong daigin ang ‘yong takot
at gawing panibagong lakas ang ‘yong pagod—
nang hindi ka tuluyang lamunin ng laot.