Kolum ni Pat V. Villafuerte
Nang magsimula ang Covid-19 bilang pandemya ay ipinasara ng Kagawaran ng Edukasyon ang mga publiko at pribadong paaralan sa antas elementarya at sekondarya kaya natigil ang pagpapatupad ng pisikal na pagkaklase. Dahil dito, sa kautusan ng Kagawaran ng Edukasyon ay ipinatupad ang online na pagkaklase upang maipagpatuloy ang ipinaiiral na K-12 kurikulum sa batayang edukasyon ng mga mag-aaral.
Dahil sa pandemya ay iba’t ibang mga suliranin ang kinaharap ng mga Pilipino kabilang na ang paglaganap ng suliraning pansosyo-ekonomio na nakaapekto sa isyung pang-akademiko at kalagayang pangkalusugan ng mga mag-aaral. Isa sa mga ito ang hindi pagkakapantay-pantay sa edukasyon batay sa pag-aaral na isinagawa nina Rothstein (2004), Putnam (2015), Reardon (2011), at García at Weiss (2017). Bilang resulta, maraming mga bata ang nagnais makapagpatuloy ng pag-aaral sa kabila ng kinakaharap na suliraning pang-akademiko. Dahil dito, samu’t saring mga payo, paalala at tagubilin ang isinagawa ng mga guro at magulang sa kanilang mga anak upang makumbinsi silang maipagpatuloy ang pag-aaral sa tulong ng online na pagkaklase.
Nagkaroon ng maraming kaparaanan ang Kagawaran ng Edukasyon upang tuluyang maipagpatuloy ang pag-aaral ng bawat kabataang Pilipino sa pamamaraang distance learning.
Sa tulong na rin ng iba’t ibang libreng webinar para sa mga guro ng mga piling edukador sa bansa ay nagkaroon ng kalinawan ang mga modality na nararapat gamitin upang maisagawa ang pagtuturo sa gitna ng pandemya. Nakilala ng bawat guro ang asynchronous at synchronous mode sa pagtuturo.
Sa mga nakaraang isyu ng kolum na ito ay nailahad ang pagpapakahulugan ng synchronous sa asynchronous na pamamaraan ng pagtuturo.
Ayon kay Mabilin (2020), ang synchronous ay isang pamamaraang pampagtuturo na maihahambing sa face to face o harapang pagtuturo sa di aktuwal na paghaharap ng guro at mag-aaral sapagkat gumagamit ang pamamaraang ito ng iba’t ibang platform. Upang maisakatuparan ito, binigyang diin na sa synchronous ay may takdang oras at panahon ang pagkatuto.
Samantalang ang asynchronous naman ay isang pamamaraan ng pampagtuturo na ang pagkatuto ng mga mag-aaral ay nakabatay sa kanilang kahandaan at sa mga panahong nakalulugod sa kanila at ang pagkaturo ay hindi magaganap sa iisang platform lamang.
Sa panahon at kalagayang ating kinakaharap, ibang-iba na ang pamamaraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Sa kasalukuyan, karaniwan na sa mga mag-aaral na tatlumpung ulit na kinagigiliwan ang magbasa ng mga impormasyon sa mga larawan kaysa sa pagbabasa sa teksto, kung kaya’t bilang bilang guro nararapat na magsaliksik, mag-isip, lumikha at tumuklas ng mga estratehiya na tiyak na kagigiliwan ng mga mag-aaral sa panahon ng bagong normal.
Ang Kahulugan ng Infographics sa Pagtuturo
Ayon sa isang artikulo ni Gary Asuncion (2022), ang kaiga-igayang kapaligiran sa loob ng silid-aralan (Virtual man o Face to face) ay naghahatid ng mataas na antas ng pakikiisa ng mga mag-aaral sa mga gawain pagkatuto. Ito’y tumutulong sa pagtatatag ng mga positibong pagpapahalaga at nagbubunga ng matagumpay at epektibong pagtuturo sa pagkatuto sa pamamagitan ng mabuti at may sistemang pamamahala ng guro.
Mataas ang porsiyento ng pagkatuto ng mag-aaral kung gagamitan ng estratehiya na naglalayong patatagin ang makrong kasanayan sa panonood (visual) at pag-unawa. (Mayo, 2008).
Dalawa sa mga layuning dapat maisaalang-alang sa paggamit ng iba’t ibang estratehiya gamit ang kurikulum ng K-1 lalo’t dumaraan sa larangan ng pagtuturo ng guro at pagkatuto ng mga mag-aaral sa panahong tinatawag na new normal o panahon ng bagong kadawyan:
Una, nakikilala at nasusuri ang mga estratehiyang angkop na gamitin batay sa ipinaiiral na Most Essential Learning Competencies (MELCs) ng Kagawaran ng Edukasyon.
Pangalawa, nakapagsasagawa ng interaktibong gawain gamit ang teknolohiya sa pagtuturo sa bagong normal o bagong kadawyan.
Malaking tulong sa panahon ng bagong normal ang pagkakaroon ng baryasyon sa mga gawain sa pagtuturo at pagkatuto sa mga aralin sapagkat ito ay may malaking kaugnayan sa kabisaan ng pagtuturo. May malaking papel ang iba’t ibang baryasyong ito sa lubusang pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sinabi ni Villanueva (2018) na ngayong 21st century, nararapat na ang isang guro ay may katangiang inobatibo upang makalilikha ng isang makabago at inobatibong mag-aaral. Kaya naman, nararapat sa isang gurong inobatibo na handang paunlarin ang kaniyang sarili na siyang magiging kasangkapan na makapanghikayat na mag-isip, makibahagi at maging makapangyarihan ang isang mag-aaral sa larangan ng kahusayan sa kasanayan at kaalaman.
Kawili-wili at nagiging epektibo ang pagtuturo at pagkatuto ng aralin sa wika man o maging sa ibang asignatura kung may baryasyon sa mga gawain. Dapat na may baryasyon sa paraan ng paglulunsad ng aralin, sa paglalahad ng gawain at maging sa paraan ng pagtataya at ebalwasyon (maaaring magamit bilang kagamitan sa Formative Assessment). Sa modality ng asynchronous na pagtuturo at pagkatuto nararapat na magkaroon ng baryasyon sa mga gawain gamit ang infographics.
Kahulugan ng Infographics
Ayon pa kay Asuncion (2022), ang infographics ay kombinasyon ng impormasyon at ng larawang may buhay na may maliwanag na detalye. Kalimitan itong may tsart, dayagram o paglalarawan na gumagamit ng ibang elemento upang maipakita ang impormasyon sa biswal ay nakagaganyak na paraan (Webster). Nilalayon nito na makabuo at makuha ang ideyang magkakaugnay.
Ayon sa tl.encyclopedia-titanica.com, ang infographics ay isang paliwanag na imahen na pinagsasama ang teksto, paglalarawan at disenyo, na ang layunin ay upang i-synthesize ang impormasyon ng isang tiyak na pagiging kumplikado at kahalagahan, sa isang direkta at mabilis na paraan.
Sa paliwanag ni Nerveza (2020), ang infographics bilang isang grapikong representasyon ng mga impormasyon, datos o kaalaman na sadyang ginawa para higit na maunawaan ang isang paksa.