Marc Salamat: Ang makulay na sining ni Marc Salamat

Ni Perry C. Mangilaya at Candido Villaver

Tulad ng ibang mga artist, naging makulay rin ang paglalakbay ng pintor na si Marc Salamat, 35 taong gulang sa larangan ng pagpipinta. Si Marc, na ipinanganak at lumaki sa Brgy. San Pablo, Hagonoy, Bulacan ay nag-aral ng kursong Fine Arts major Advertising sa Bulacan State University.

Bago nagpasyang maging full time artist nang taong 2016, nagtrabaho muna si Marc bilang isang Senior Graphic Artist sa isang outsourcing company noong 2010-2015.

Ayon pa kay Marc, namulat lamang ang kanyang kamalayan sa sining noong siya’y nasa koliheyo na. “Ang una kong kurso ay Computer Science, tapos sa school namin mayroong malapit na mall, pumupunta kami lagi ng mga kaklase ko doon at lagi kong nakikita ang isang Art Shop at ang artist na nandoon, hangang-hanga ako sa mga gawa niya kaya nagpasya ako na mag-iba ng kurso at kumuha ako ng kursong Fine Arts major in Advertising.”

“Tuloy-tuloy lang ako sa paggawa ng art dahil para sa akin ay ito ang aking life mission, at sa pamamagitan nito sana ay makapag-spread ako ng positivity sa kabila ng dinaranas ng ating mundo.”

Upang lalong mapaunlad ang kanyang kakayahan sa pagpipinta, humuhugot si Marc ng inspirasyon sa kamalayan ng tao, kalikasan, pagkakaisa, pagmamahalan, kasiyahan, pag-asa, peace of mind, sa kanyang sariling karanasan at maging sa mga iniidolo niyang mga tanyag na pintor at kapwa artist.

“May mga idol ako na mga pintor, kagaya ni Juan Luna, Amorsolo, Ernst Fuchs, Caravaggio, at Alex Grey. Noong nagsisimula ako, ang aking mga napagtatanungan tungkol sa art ay si Nilo Badajos, Fil Delacruz at Welbart at iba pang mga kapwa artists,” aniya pa.


Hindi rin tumitigil si Marc sa pagtuklas upang lalong mapalawak ang mundo niya sa larang ng pagpipinta. Nais niyang ipagpatuloy ang kanyang nasimulan bilang isang pintor at mag-explore ng iba’t ibang medium gayundin ang makapag-exhibit sa labas ng bansa at makapaglabas ng bagong mga idea na makakapagbigay ng inspirasyon sa iba.

Inilalarawan naman ni Marc na ang kanyang mga paintings ay tungkol sa love, kindness, happiness, hope, oneness, nature, spirituality at maging ng personal experience. Pero gaya rin ng ibang pintor, may pinakapaborito ring obra si Marc, bagama’t ayon sa kanya, lahat ng kanyang mga obra ay kanyang maipagmamalaki.

“Lahat ng aking mga paintings ay maipagmamalaki ko dahil sila ay extension ng aking pagkatao ngunit may isang painting akong ginawa na masasabi kong paborito dahil sa tagal ko itong pinagtuunan at para sa akin ay nagpapakita ito ng kahulugan ng buhay, ito ay ang “Samadhi”. Umabot ng apat na taon ang pagproseso ko nito mula sa pagko-conceptualize hanggang sa matapos ko ang painting.”

Hindi madali ang pagpasok sa larangan ng pagpipinta. Maraming pagdadaanan. Mga pagsubok na kahaharapin. At ang payo ni Marc sa mga nagsisimula sa larang ito, kaakibat dapat dito ang sipag at tiyaga. “Ang maipapayo ko sa mga kabataan ay ipagpatuloy lang nila ang kanilang passion, yakapin ito dahil meron at meron din ‘yang pupuntahan basta magsipag at matiyaga. Habang nagsisimula pa lang ay gamitin natin ang mga available na resources o materials sa paglikha ng art at patuloy lang sa pag-develop nito. Sa simula ay may mga pagkakamali tayong magagawa ngunit dito tayo matututo kaya dapat ay habaan ang pasensiya. Huwag ikumpara ang sarili sa iba bagkus ay mag-focus sa ikaka-improve ng sarili at ng art mo at gawing inspirasyon ang success ng iba,” aniya pa.

Sa kasalukuyan, may paparating na Solo Exhibit sa Galerie Anna si Marc na magbubukas sa Setyembre 10, 2022. “Tuloy-tuloy lang ako sa paggawa ng art dahil para sa akin ay ito ang aking life mission, at sa pamamagitan nito sana ay makapag-spread ako ng positivity sa kabila ng dinaranas ng ating mundo,” dagdag pa niya.

Bilang isang nagmamalasakit na pintor, may kahilingan din si Marc para sa larangan ng sining-biswal sa ating bansa. “Ang hiling ko sa larangan ng visual arts sa Pilipinas ay nawa’y magpatuloy o yumabong pa lalo ang sining at kultura sa atin at masuportahan ng ating sining nating mga Pilipino. Sana rin ay makilala ang sining ng Pilipino sa buong mundo,” aniya.

Sa mga panahong nababalot tayo ng pangamba at ligalig, isa na marahil ang likhang-sining ang makakatulong para kahit paano, maibsan ang ating mga agam-agam. May taglay na mahika ang mga kulay ng pinta para pukawin tayo, pamanghain at pahangain. At isa na rito ang mga obra ni Marc.

Sa mga interesado sa likhang-sining ni Marc, maaaring makipag-ugnayan sa marcsalamat30@gmail.com, https://www.instagram.com/marcsalamat/, https://web.facebook.com/marcsalamatartist/