Kolum ni Pat V. Villafuerte

Ang video lessons ay akma sa pagtuturo ng wika at panitikang Filipino. Ang panonood ng video ay isang epektibong paraan upang pukawin ang atensiyon ng mga mag-aaral. Sa pamamaraang ito, nasasaksikan ng mga mag-aaral ang aktuwal na pangyayari sa isang kuwento o paksa.

Ayon kina Payoyo at Ocumen, sumasabay ang pag-aaral na ito sa malalaking pagsubok na nararanasan ng mundo lalo na sa sistema ng edukasyon. Marahil maraming nahihirapan sa kasalukuyang senaryo ng pagtuturo at pagkatuto dahil limitado ang pagpapaliwanag na nagagawa ng guro at hindi naman makapagtanong ang mga mag-aaral kung mayroon silang hindi maunawaan na aralin. Kaya naman, mas magiging kawili-wili ang pag-aaral ng Filipino sa pagsipat sa interes ng mga mag-aaral ng ika-21 siglo. Nabuo ang konsepto ng interaktibong video lessons bilang instrumento sa pagtuturo sapagkat mas natututo ang mga mag-aaral sa pakikinig at panonood.

Ang pagbuo ng interaktibong video lessons ay maaaring magamit bilang pangunahing katuwang ng guro sa pagtuturo. Maaaring maging halimbawa upang maihanay ang tradisyonal na estratehiya sa kasalukuyang panahon.


Kung kaya malaki ang ambag ng pag-aaral na ito sa mga mag-aaral na nahihirapan sa modyular na pag-aaral, sa mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak sa loob ng bahay, sa mga guro na naghahanap ng instrumento o istratehiya kung paano nila maihahatid na mas mauunawaan ng mga mag-aaral ang aralin, at sa mga administrador na nag-iisip kung paano matutulungan ang mga guro at mag-aaral sa panahon ng pandemya. Maaari nilang gawing gabay ang Action Plan para sa pagsasanay ng mga guro sa pagbuo ng video lessons na magsilbing instrumento at gabay sa pagpapaunlad ng kasanayan ng mga guro na awput ng pag-aaral na ito.

Binibigyang buhay ng panonood ang mga imahe o imagery na nabubuo sa kaisipan ng mga mag-aaral. Higit na matatandaan ng mga mag-aaral ang isang paksa kung mayroon silang nakikitang pagbabasehan ng kanilang mga tanong at kasagutan. Ang panonood bilang isa sa mga makrong kasanayan (pag-unawa sa napakinggan, pag-unawa sa binasa, paglinang ng talisalitaan, panonood, pagsasalita, pagsulat, wika at gramatika at estratehiya sa pag-aaral) ay ginagamitan ng mas maraming uri ng pandama-mata, tainga at pag-iisip hindi tulad ng ibang makrong kasanayan na ginagamitan lamang ng dalawa tulad ng pag-unawa sa binasa, pag-unawa sa napakinggan at iba pa.

Idinagdag pa nina Payoyo at Ocumen na ang videos na nakapagbibigay impormasyon sa internet ay kinagigiliwan sa kasalukuyang panahon. Maraming personalidad ang gumagamit nito upang makapagbigay ng impormasyon. Maliban sa pagiging epektibo nito sa pagbibigay impormasyon ay madali itong gamitin (Allen & Smith, 2012). Gamit lamang ang mga gadgets tulad ng cellphone at laptop ay mapapanood na ang isang video at makatutulong sa iba’t ibang paraan. Naipapakita ng mga ito ang mga tunay na lokasyon, pangyayari at personalidad. Ang video ang sagot sa hamon ng modernisasyon. Mga video na may karagdagang tulong gamit ang mga buhay na karakter, totoong pangyayari, himig, boses at mga gawaing hindi nalalayo sa kasalukuyan (Lloyd & Robertson, 2012). Hindi nalalayo mula sa katotohanan ang paggamit ng video sa pang-araw-araw sapagkat ito ay isang halimbawa ng pagiging makabago sa pamamaraan ng pagtuturo at pagkatuto. Maipapakita ng mga videos ang mga mahahalagang impormasyon sa makatotohanang pamamaraan.

May mga pananaliksik na nagsasaad na epektibo sa pagtuturo ang paggamit ng mga videos. Ayon kay Guo, et al. (2014), ang video lessons ay nagpapakita ng mga aktwal na pangyayari at nagbibigay ng interaksiyon na lumilinang ng angking kakayahan ng mga mag-aaral. Sa pagbabago ng kurikulum ay kasabay rin ng pagbabago ng mga kagamitang panturo na ginagamit ng guro sa pagtuturo. Ang dating tisa at pisara ay naging telebisyon at powerpoint presentation na. Nangangahulugan lamang na ang paggamit ng mga makabagong kagamitang pampagtuturo ay lubos na makatutulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral.

Ang pagbuo ng interaktibong video lessons ay maaaring magamit bilang pangunahing katuwang ng guro sa pagtuturo. Maaaring maging halimbawa upang maihanay ang tradisyonal na estratehiya sa kasalukuyang panahon. Sa tulong nito, ang mga mag-aaral ng ika-21 siglo ay magkakaroon ng higit na unawa sa mga paksa na hindi masusuportahan gamit ang tisa, pisara at aklat (Tejedor, 2011).



Hindi na kailangan ang naglalakihang bag na lalagyan ng mga kagamitang panturo. Maaaring ito ay nasa flashdrive na lamang o sa isang CD na maaaring manipulahin mismo ng mga mag-aaral kung wala ang guro sa loob ng silid-aralan. Wala nang alikabok na galing sa pulbos ng tisa at ang nakasasakit na pagsusulat sa pisara na madalas pang inuulat na pinagmumulan ng mga sakit (Targamadze & Petrauskiene, 2010).

Sa pananaliksik nina Bravo, et.al. (2015) na sa tulong ng mga video bilang intrumento sa pagtuturo ay mas nawiwili ang mga mag-aaral sa pag-aaral. Nangangahulugan lamang ito na ang paggamit ng video ay makatutulong sa mas madaling pagkatuto ng mga mag-aaral dahil na sa pananood at napakikinggan nila ito.

Batay sa ebalwasyon na isinagawa nina Chen & Wu (2015), ang video lessons ay nagtataglay ng mga tiyak na mga gawain na buo at ganap sa kanyang sarili at inayos nang masistematiko at komprehensibo. Dahil sa sapat at buo ang video lessons, ang mag-aaral ay umuunlad at gumagawa ayon sa pansariling bilis, paraan, antas ng pagkatuto, at panahon. Sa pamamagitan din ng ganitong kagamitang pampagtuturo, ayon kay Rackaway (2012) nagiging malaya ang mag-aaral sa paggawa kahit wala ang patnubay ng isang guro na minsang nagiging solusyon din sa suliranin ng guro sa loob ng silid-aralan.

Ang paggamit ng maikling video ay makatutulong sa mga mag-aaral bilang isang motibasyon at mas magpursige sa pag-aaral lalo na sa mga aralin na hirap nilang unawain na hindi masyadong mauwaan sa tulong ng modyul. Sa ginawang pag-aaral nina Hsin & Cigas (2013) ang mga mag-aaral na gumamit ng mga educational video lessons sa pag-aaral ay tumaas ang kanilang mga naging grado. Binanggit din sa pag-aaral nina Steffes & Duverger (2012) mabuti ring ipanood sa mga mag-aaral ang mga video na nakaaaliw at lilibang sa kanila ngunit dapat ay may pahapyaw rin na pagtalakay sa aralin upang higit na maging interesado ang mga mag-aaral sa kanilang inaaral. Sa pananaliksik na ito, gagamit ng mga karakter na napapanahon sa mga mag-aaral upang maging kapana-panabik ang bawat yugto ng paghahatid ng mga aralin.