Averil Paras: Tumawid sa Makulay na Mundo ni Averil Paras 

Ni Johannes L. Chua

Tuklasin ang makulay at malikhaing mundo ni Averil Paras (averilparas @FB / @IG), pintor at visual artist na kilala sa kanyang mga likha na hitik sa buhay, pantasya, at imahinasyon.

Si Averil, 34, ay nagtapos ng kursong Bachelor of Fine Arts major in Advertising sa FEATI University. Ipinanganak siya at lumaki sa bayan ng Sta. Cruz, isang probinsya sa Marinduque.


Gaya ng karamihang pintor na naging tanyag sa industriyang ito, namulat si Averil sa sining noong siya’y bata pa lamang. “Nag-umpisa ako matutong magdrawing noong high school ako. Madalas ako sumali sa mga art contest gaya ng mga poster-making at cartooning.”
Hindi naging hadlang sa kanya ang mga pagsubok ng buhay. Sa ipinamalas niyang talento, sinuportahan din siya ng kanyang pamilya at nagsumikap siya na magkaroon pa ng maraming kaalaman ukol sa pagpinta. Naging inspirasyon niya ang mga Pilipinong pintor gaya nina Botong at Manansala. Sa mga dayuhang pintor, idolo niya sina Picasso, Dali, Rembrandt, at Caravaggio.

“Bata pa lamang ako, masugid na ang interes ko sa Cubism, Surrealism, at Realism,” ani Averil.

Bilang pintor, masasabi ni Averil na nais niyang lumikha ng mga magagandang obra na nakapagbibigay ng inspirasyon sa mga audience. “Gusto ko ring magbigay ng ambag sa sining sa Pilipinas.”

‘Gusto kong ibahagi ang malikhaing kultura at sining ng mga Pilipino sa buong mundo. Nais ko ring makapagturo ng art para maibahagi sa kabataan ang mga natutunan ko.’ 



Ang mga tema ng kanyang mga likha ay kadalasang hango sa mga paborito niyang nobela, kuwento, pelikula, o pantasya. “Gusto ko lang ‘yung masaya at positibo iyong mga konsepto ng gawa ko, ‘yung tipong pwede ka nitong itakas mula sa realidad at makapag-isip nang malaya.”

Para kay Averil, maipagmamalaki niya ang lahat ng kanyang mga ipininta, subalit ang kasalukuyang paborito niya sa kanyang gawa ay ang “The Whale” na naging bahagi ng kanyang solo show na pinamagatang “Mes Reves” (My Dreams) sa Galerie Joaquin. “Hango ang The Whale sa ‘Moby Dick,’ isa sa mga paborito kong nobela.”



Kahit marami nang nilikha si Averil, marami pa siyang gustong gawin sa kanyang karera sa buhay. “Sa kasalukuyan, marami pa akong plano. Gusto ko pang gumawa ng maraming show sa Pilipinas at pati sa ibang bansa.”

Nais din niya na makapag-artist residency sa ibang bansa upang matuto pa at lumago ang kanyang kaalaman sa pagpinta. “Kasabay nito, gusto ko ring ibahagi ang malikhaing kultura at sining ng mga Pilipino sa buong mundo. Nais ko ring makapagturo ng art para maibahagi rin ang mga natutunan ko.”



Katangi-tangi ang ambisyon ni Averil dahil bukod sa pagmamahal sa sariling sining ay nais niyang maging guro para sa mga susunod na henerasyon ng pintor kahit na siya’y isang Milenyal.

“Sa mga kabataan na gustong maging pintor na gaya ko, una sa lahat ay dapat masaya ka at gusto mo ‘yung ginagawa mo,” ani Averil. “Tulad ng lagi kong sinasabi — magkaiba ‘yung marunong ka magpinta at iba rin ‘yung mamumuhay ka bilang isang artist. Kailangan ng disiplina, dedikasyon, at lalo na ang tiwala sa Panginoon. Pinta lang nang pinta at huwag titigil sa pagpapaunlad ng kaalaman.”
Sa mga likha – at salita – ni Averil, tunay na magiging makulay ang kinabukasan ng sining. Wala na tayong mahihiling pa para kay Averil kundi ang matupad ang kanyang mga pangarap para sa sarili at para sa bayan.