Ni Jhio Jan A. Navarro
Ginto ang tuyong talahib
Na kumukumot sa kahubdan
Ng lupang minsang hinagkan
Ng riles.
Umiindayog ang mga dahon
Sa ihip ng amihan
Kumikislap habang
Sinisikatan ng mga pilapil
Ng liwanag mula
Sa papalubog na araw.
Nagpapaalam ang tatlong simboryo
Sa di kalayuan. May hiwatig
Ang kalawang, kawalan
Ng usok, at mga siwang:
Sa pagitan ng pagdating at paglisan
Ang pagkadula, ang pagtalang.
Muli ang mga ginintuang
damong ligaw na unti-unting
naglalaho sa abot-tanaw.
Kung sana’y tuos ng tiyak
Na pagbalik at pag-uwi
Ang gintong talahib
Walang alinlangang
Lumabnot, umumit.