Kolum ni Pat V. Villafuerte
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa taong ito na may temang “Ang Wikang Pambansa at ang mga Katutubong Wika: Mga Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha” ay muling nailuklok ang mga katutubong wika sa mataas na pedestal ng pagkilala at pagdakila. Madaling maunawaan ang itinakdang kautusan ng Konstitusyon ng 1987 ukol sa wikang Filipino: Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino at ito ay kailangang payabungin at pagyamanin pa gamit ang mga katutubong wika ng bansa at ng iba pang mga wikang sinasalita sa Pilipinas. Dahil dito, upang lalo pang mapaunlad, mapayabong ang wikang Filipino tungo sa intelektuwalisasyon at magamit ito sa larangan ng edukasyon bilang kasangkapan sa pagtuklas ng karunungan, kailangan ang ibayong pagpapatupad sa implementasyon ng mga katutubong wika sa bansa. Upang ganap na maisakatuparan ito, dapat na higit pang palakasin ang programang Mother Tongue-Based Multilingual Education o ang MTBMLE.
Ang Pagkakabuo ng Wikang Filipino
Isang batayang kaganapan ang pagkakabuo ng wikang Filipino at tuwirang masasabi na kung
walang mga katutubong wika na nakapaloob dito ay walang pag-unlad na magaganap sa pambansang wika. Sa Panahon ng Komonwelt ay Tagalog ang naging batayan ng pagkakaroon ng wikang pambansang tinawag na Pilipino sa bisa ng Batas Komonwelt Blg.184 noong Disyembre 30,1937. Dito ipinahayag ng Pangulong Manuel Luis Quezon na ang wikang Pambansa ng Pilipinas ay batay sa Tagalog. Ito rin ang tugon ng Surian ng Wikang Pambansa
matapos nitong pagtibayin ang isang resolusyon na naghahayag na ang Tagalog ang siyang
halos nakatutugon sa pagpili ng katutubong wika na siyang maging batayan ng wikang pambansa na umaayon sa (1) pinakamaunlad at mayaman sa panitikan at (2) wikang
tinatanggap ng nakararaming Pilipino.
Noong Pebrero 2, 1987 ay pinagtibay ang Bagong Konstitusyon ng Pilipinas. Sa Artikulo XIV, Seksyon 6-9 ay nagsasaad na ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Pagpapatunay na hindi lamang sa Tagalog ibinatay ang pagkakaroon ng pambansang wika kundi sa iba’t ibang wikain (diyalekto) sa buong bansa kabilang ang sampung pangunahing wika sa bansa: Tagalog, Cebuano, Ilocano, Pangasinan, Bicol, Hiligaynon, Waray o SamarLeyte, Kapampangan, Maranao at Maguindanao. Isama pa rito ang ilang katutubong wika sa bansa- Ibanag, Ivatan, Kinaray-a, Zambal, Kamayo, Aklanon, Chavacano, at iba pa. Dahil dito,
hindi mapasusubalian na sadyang kailangang ang wikang katutubo sa pagbubuo ng pansariling identidad, pagpapatatag ng pagkamakabayan, pagpapasulong ng pambansang sining at kultura, at pagpapatibay ng makabayang edukasyon. Ang pagpapalakas sa mga katutubong wika sa bansa ay pagpapalakas din ng wikang Filipino sa pangkalahatang perspektiba.
Ang pagpapaunlad ng paggamit ng Filipino ay kinatigan ng Kagawaran ng Edukasyon sa bisa ng pabago-bago ng kurikulum. Sa bawat isinasagawang pagbabago sa kurikulum ay nalalapatan ng
pagsasabuhay at mabisang paggamit ng Filipino sa mga itinuturong aralin sa bawat baitang at antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Gamit ang wikang Filipino at katutubong wika ay tahasang masasabing ang edukasyong pangwika sa bansa ay nakaugnay sa iba’t ibang ugnayang disiplinari. Dahil dito, nakatitiyak ang bawat edukador, tagaplanong pangkurikulum, mananaliksik at mag-aaral ay natutugunan ang pangangailangang kamalayan ng bawat mamamayang Pilipino.
Ang Paggamit ng Katutubong Wika
Dahil sa paggamit ng katutubong wika ay napapadali ang komunikasyon at talakayang
pangklase. Higit na napapalawig ng guro ang pagpapaliwanag sa bawat aralin. Mabilis na naipapahayag ng mga mag-aaral ang kanilang sariling opinyon o damdamin sa nabasang akda kaya napapalakas ng mga mag-aaral ang kompiyansa sa kanilang sarili. Sa paggamit naman ng Wikang Filipino ay higit na napapadali ng tao ang pakikipag-ugnayan niya sa mga tao kahit magkaiba ang kanilang kulturang kinagisnan. Maging sa paniniwala at kultura ng kapuwa nila Pilipino. Dahil din sa pagpapaunlad ng paggamit nito naiiwasan ang kalituhan at ang hindi pagkakaunawaan na nagiging sanhi ng magulong lipunan.
Sa paglaganap ng pandaigdigang pandemya, naging isang malaking hamon ang maraming pagbabagong naganap sa larangan ng edukasyon. Dahil hindi naisakatuparan ang harapang pagtuturo (face-to-face teaching) ay naipatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang distance learning, kabilang ang online class at modular class. Sa Modular Distance Learning
ay naging pokus ang pag-iimprenta ng iba’t ibang modyul na pagaaralan at pasasagutan sa mga magaaral ang mga tanong at gawain. Gamit ang katutubo at kinagisnang wika ay matagumpay na nasagutan ng mga mag-aaral ang mga gawain habang nananatili sila sa loob ng tahanan.
Sa pagsunod sa K-12 kurikulum na itinakda ng Kagawaran ng Edukasyon sa mga paaralang publiko at pribado ay tahasang masasabi na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng wika sapagkat sa pagrerebisa ng kurikulum ay nakapokus ang atensiyon ng mga edukador sa kamalayang pangkontekstuwalisasyon ng wikang pambansa na dapat masimulang matuklasan at matutuhan ng mga mag-aaral. Ang wikang Filipino, bilang pangunahing instrumento at daluyan ng komunikasyon ng mga Pilipinong mag-aaral ay magsisilbing susi sa pagkakaroon at pagpapalaganap ng kontekstuwalisadong mga aralin at sa pamamagitan nito, mas madaling mauunawaan ng mga bata ang mga konseptong lilinangin sa bawat aralin.
Kaya pinagsusumikapan ng mga edukador sa bansa na makapasa ang mga mag-aaral na Pilipino sa global na pamantayan ng edukasyon dahil ito ang sukatan kung napairal sa bansa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng mga aralin sa iba’t ibang sabdyek o asignatura lalo sa Ingles, agham, at matematika. Hindi malimot-limutan ng mga edukador ang naging resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2019. Sa pitumpu’t siyam (79) na bansang lumahok sa pagtataya (assessment) ay nasa pinakahuling puwesto ang Pilipinas. Napakababa rin ng nakuhang puntos ng mga mag-aaral na kumuha ng pagsusulit sa agham at matematika.
Sa maraming pag-aaral na naisagawa ukol sa pag-aaral at paggamit ng unang wika ay napatunayang lubos na nauunawaan ng mga mag-aaral ang mga aralin sa asignatura o sabdyek kung ang midyum ng pagtuturo na ginagamit ng guro ay nasa unang wika.
Sa pag-aaral na isinagawa ni Bacalla (2021) ukol sa Pagtataya ng Mother Tongue Based – Multilingual Education (MTBMLE): Tugon sa Pagpapaunlad ng Implementasyon ng K to 12 Kurikulum ay napagtagumpayan niyang magsagawa ng pagtataya sa pagpapatupad ng 1) layunin ng MTB-MLE; 2) estado ng kagamitang panturo ng unang wika; 3) estado ng mga guro sa pagtuturo ng unang wika; 4) estado ng implementasyon sa pagtuturo sa K to 3; 5) estado ng pakikisangkot ng administrasyon; 6) estado ng pakikisangkot ng mga tao sa komunidad; at 7) mga suliraning kinaharap at mungkahing solusyon.
Ang pag-aaral na ito ay nilahukan ng 30 guro at 2 administrador sa iba’t ibang paaralang elementarya mula sa Dibisyon ng Talisay, Cebu. Isang survey questionnaire na \ sinabayan ng impormal na panayam ang instrumentong ginamit ng mananaliksik sa pangangalap ng datos.
Lumalabas sa pag-aaral na kinakaharap ng mga guro ang kakulangan ng mga kagamitan sa pagtuturo tulad ng mga aklat at iba pang sanggunian.
Batay sa mga naging konklusyon ng pag-aaral ni Bacalla (2021) ay inihahain niya ang mga sumusunod na rekomendasyon para sa ikauunlad ng implementasyon ng MTB-MLE sa Pilipinas:
- Magsagawa ng Curriculum Revisit sa MTB-MLE na kasangkot ang stakeholders.
- Magsagawa ng ebalwasyon sa pagpatupad ng Kindergarten hanggang Baitang 3.
- Maglunsad ng short-term course ang pamunuan ukol sa pagaaral ng ortograpiya at gramatika ng unang wika ang lahat ng guro ng MTB-MLE.
- Hikayatin ang mga manunulat na gumawa ng mga diksyunaryo ayon sa iba’t ibang wikang rehiyonal.
Sa kabuuan, ang mamamayang Pilipino ang magiging instrumento sa pagpapataas ng makalidad na sistema ng edukasyon at ang wikang pambansa at ang unang wikang ginagamit sa mga paaralan ang magiging mabisang wika sa pagdaloy ng pagtuturo sa lahat ng antas ng pagkatuto. Ito rin ang mga wikang magbubuklod sa mga Pilipino sa pagtatamo ng pambansang pagkakaunawaan, pagmamahalan at pagkakaisa sa anumang hamon ng buhay.