Malikhaing Imahe-nasyon: Sandaang Taon ng Sining sa Liwayway

Ni Raymund Magno Garlítos

(UNANG BAHAGI)

Sa sandaang taon ng Liwayway, hindi maitatatwang naging lunsaran ang magasin ng karera ng napakaraming mga bata at bagitong manunulat. Hindi maililista sa iisang upuan ang mga pangalan ng mga kuwentista, nobelista, makata, komentarista at peryodista na nagsulat para sa nasabing publikasyon, at ilan sa kanila ang naging bahagi ng kanon ng panitikan sa Pilipinas.
Ganoon pa man, hindi rin matatawaran ang napakaraming pangalan ng mga alagad ng sining biswal na nagpahiram ng kanilang mga dibuho – bilang pabalat o cover, bilang ilustrasyon sa serye ng komiks o mga kalakip na ilustrasyon para sa mga kuwento at nobela upang maging kompleto ang kanilang karanasan sa Liwayway.


Sa simula pa lamang ay malinaw ang bisyon ni Ramon Roces upang maging isang babasahin na magiging “visual feast” nang kaniya itong likhain mula sa nabigong unang tangka sa paglalathala, ang Photo News, na naglayong maging babasahin na hiwalay sa peryodismo na naging sandigan ng TVT (Tribune-La Vanguardia-Taliba) ng kaniyang amang si Alejandro Roces Sr.

Sa aming pananaliksik, natuklasan namin ang bigat ng paghahagilap ng datos sa mga pangalan sa likod ng bawat iginuhit na larawan. Mas naging komplikado rin ang kawalan ng mga kopya ng mga isyu dahil hindi naging aktibo ang pag-aarkibo (archiving) at ng pinsala ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig at sa pagpapalit ng mga may-ari ng Liwayway
Sinikap naming bumuo ng isang maiksing listahan ng mga kilalang pintor at ilustrador na ang mga akda ay nagsilbing pabalat, kalakip na sining sa mga panloob na pahina, o di kaya ay naging bahagi ng seryeng komiks. Ilan sa pangalang ito ay naging Pambansang Alagad ng Sining o di kaya ay na-associate sa mga ikonikong mga karakter sa kulturang popular na kanilang ginawa.

1. Tony Velasquez (Antonio Santos Velasquez, 1910-1997) Estudyante noon si Velasquez nang makilala ni Don Ramon Roces sa kaniyang pagbili sa Banaag Press kung saan part-time na ilustrador si Velasquez. Sa pakiusap ng manunulat at lumikha ng Kenkoy na si Romualdo Ramos, iginuhit niya ang nasabing serye na unang lumitaw sa mga pahina ng Liwayway noong 1929. Nang pumanaw si Ramos noong 1932, ipinagpatuloy ni Velasquez nang ilang dekada bilang Mga Kabalbalan ni Kenkoy at mas nakilala bilang autor at ilustrador nito. Nalikha rin ni Velasquez si Ponyang Halobaybay para sa Liwayway. Naituring din siyang “Ama ng Tagalog Komiks” ng ilang historyador at nang magretiro ay naitatag niya ang GASI (Graphic Arts Service Inc.) na naglathala ng maraming mga komiks noong 1960s hanggang 1990s.

2. Vicente Alvarez Dizon (1905-1947) Mula sa lahing Kapampangan, maagang namulat sa sining si Dizon at nakakuha ng Diploma sa Sining mula sa Unibersidad ng Pilipinas upang maging pintor. Ilan sa mga akda ni Dizon ay lumitaw sa pabalat ng Liwayway, at naging ilustrador siya ng Mga Kuwento ni Lola Basyang na nilikha ng editor ng magasin na si Severino Reyes. Nag-aral din siya sa Yale University bilang iskolar kung saan nakakuha siya ng Batsilyer sa Pinong Sining. Gayunman, nakilala si Dizon sa pagwagi niya sa patimpalak pansining ng IBM na nilahukan ng 79 na pinto mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nakamit niya ang Unang Gantimpala para sa kaniyang “After the Day’s Toll” na tumalo sa gawa ni Salvador Dali ng Espanya at Maurice Utrillo ng Pransiya. Hindi man naging sing-pamoso nina Amorsolo, di matatawaran ang henyo ni Dizon na kinilala sa labas ng Pilipinas.

 3.  Francisco Vicente Coching (1919-1998) Anak ng nobelista sa Liwayway na si Gregorio Coching, naengganyo si Francisco na sundan ang yapak ng ama upang maging manunulat. Nang kakitaan siya ni Tony Velasquez ng talento sa pagdo-drowing (sariling sikap ang kaniyang pag-aaral sa Pinong Sining) ay tinuruan ang batang Coching.
 
Nilikha niya ang Hagibis, Espada at Agilang Itim para sa Liwayway. Lumikha rin siya ng ilang pabalat para sa magasin nang muli itong binukasan noong 1947 matapos ang digmaan. Noong 2014, ginawaran siya ng Pambansang Alagad ng Sining para sa kaniyang korpus de obra.

 4.  Vicente Silva Manansala (1910-1981) Kilala bilang isa sa Labintatlong Modernista sa larang ng sining sa pagpipinta, si Manansala ay nag-aral ng Pinong Sining sa Unibersidad ng Pilipinas at nabigyan ng iskolarship ng UNESCO para magpatuloy mag-aral sa sikat na École des Beaux-Arts sa Paris. Naglathala siya ng kaniyang mga obra sa pabalat ng Liwayway mula 1947 hanggang 1948 bago nangibang-bansa para sa iskolarship sa Paris at Quebec. Ginawaran si Manansala ng Pambansang Alagad ng Sining noong 1981.


 5.  Larry Alcala (Lauro Zarate Alcala, 1926-2002) Idineklarang Dekano ng mga Kartunistang Pilipino noong 2002 ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY), si Alcala ay nakilala para sa kaniyang mga serye ng komiks na Kalabog en Bosyo at Slice of Life. Ang kaniyang unang serye na Islaw Palitaw ay unang nalathala sa Liwayway noong 1946. Siya rin ang tagapagtatag na pangulo ng Samahang Kartunista ng Pilipinas noong 1979 at naging propesor sa UP Kolehiyo ng Pinong Sining.
 
Naparangalan siyang Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal noong 2018. Ipinangalan sa kaniyang alaala ang PBBY Illustrators’ Prize na pinakamataas na karangalan sa larangan ng ilustrasyon ng librong pambata.
 

ITUTULOY