Ni Jose Esperanza Cruz

(Nalathala: LIWAYWAY, Hulio 7, 1923)

I
Oh, ibon! Oh, ibon! Kay ganda ng iyong piling kapalaran,
Kay layalaya mo sa himpapawid mong pinamamahayan:
Madaling-araw pa’y lilipadlipad kang tila nagduduyan
Sa bibinibining pagaspas ng lalong mayuming amihan:
Para sa palad mo ay wala nang gabi kundi pawang araw
Taglay mo sa buhay ang pugad na ginto ng kaligayahan.

II
Iyong nililibot ang himpapawirin sa boong maghapon,
Sinasaliksik mo pati kabundukan, mga baya’t nayon;
Sa palagay ko ba, ang lihim ng mundo’y sa iyo natipon
Pagka’t iyang iyong isiping dakila’y mapa ng panahon…
Anong malay namin kung pati ng langit ay boong hinahong
Napag-ukulan din ng pag-iisip mong sagana sa layon?

III
Pagdadapit-hapon, magbabalik ka nang aawit-awit din,
Sa mga bagwis mo’y mapaghahalatang sa malayo galing;
Uuwi ka na nga sa ulilang pugad pagtatakipsilim
Na ang iyong dala’y ang natutuhan mong mga bagong lihim
niyang kalikasang sa dunong ng tao’y bahaging madilim
Na ngayo’t kailan man ay di mangyayaring papagliwanagin.

IV
Sa kinagabihan, matutulog ka nang maaga sa bahay
Upang sa umaga’y ikaw ang maunang bumati sa Araw;
At pag-uumaga’y mamamayani kang aming mamamasdang
Tila palamuting alaga ng Dios sa may kalawakan;
Ikaw’y unaunang tatanggap ng bagong biyaya sa buhay
Na isinasabog ng palad na ginto ng Katalagahan.

V
Kung umaawit kang sa sanga ng kahoy ay palipatlipat,
Ibig kong hilinging magpalit na tayo ng buhay at palad;
Kaiga-igayang pagmasdan ang iyong lipad na anayad
At kawiliwiling pakinggan ang iyong huning nangungusap
Na kung isipin ko’y iyong dinadalit ang daratning “bukas”
Kung hindi ng tao ay ng sandaigdig na lipos ng hirap.

VI
Kung naiisip kong iyong inaawit ang mga katagang
“Anong ligaya ko’t kay tamis ng aking buhay na malaya”,
Ako’y kagaya mong nakararamdam din ng malaking tuwa;
Manong naisin mong akong lupang taong nagbuhay sa “wala”
Ay iyong ibuni’t kung ibon na’y kahit gawin mong alila
sa kaharian mong isang mundong palad ang tuntungang lupa.