Ni Amadeo M. Mendoza
Sa isang kakarag-karag na dyip sa Laon Laan
Ako’y sumakay. Naupo ako sa bandang dulo
At nakita ang isang batang anak-araw, tulog.
Nakasandal ang ulo niya sa may pintuan, tila
Namigay ng mga sobre, nanghihingi ng tulong
Sa mga pasaherong nagkukuwentuhan,
Pinampapaypay lang ang sobre na kaniyang ipinamahagi.
‘Di pa siya nahahanginan.
Dumukot ako, panyo pala. Sa bag pala
Na binabangka ng pagod na balikat ang baong salapi.
Subalit tumunog ang aking cellphone. Baka
‘Kako emergency. Sinagot ko. Nagbibilin
Ng pansit ang aking ina, habang nagising
Na pala ang bata, at pagdampot ng mga sobre
Na walang laman, lumundag
At kumaripas ng takbo,
Muntik pang masagasaan.
‘Di pa siya lubos na naaarawan.
Bumaba ako sa SM San Lazaro. Maraming tao,
Magpapasko. Bumibili sila, kumakain.
Tingin dito, tingin doon, nababalutan
Ng peke na hangin, peke na damuhan,
Peke na araw. Nasobre’t nakahon na kami sa materyal.
Paglabas ay laking gulat ko nang bigla-biglang
Bumuhos ang napakalakas na ulan.
Ni hindi man siya naambunan.