Ang Outcomes-Based Education

Kolum ni Pat V. Villafuerte

Nakasaad sa CHED Memo Blg. 46. Serye 2012 ang paglulunsad ng pamantayan sa Outcomes-Based Education (OBE) para sa mga institusyong nasa mas mataas na edukasyon. Gaya ng inilunsad naman ng Kagawaran ng Edukasyon ang Enhanced Basic Education Curriculum na lalong kilala sa K to 12 Curriculum ang mga pamantayan sa (1) nilalaman, (2) pagganap at (3) Most Essential Learning Competencies (MELCs) na matutunghayan sa Patnubay sa Kurikulum (Curriculum Guide) ng DepEd.

Bago pa man napagpasyahan ng CHED na maisakatuparan ang Outcomes-Based Education at bago pa man nailunsad ng Kagawaran ng Edukasyon ang Kurikulum ng K to 12 ay naipagamit na ng The Technical Education Skills Development Authority ang mga pamantayan sa kompetensi sa mga regulasyon ng pagsasanay (Training Regulations).

Sa kabuuan, ang Outcomes-Based Education ay nakapokus sa kahihinatnan. Nakapaloob dito ang iba’t ibang lebel-institusyonal, programa, kurso, pagtuturo at pagkatuto.

Ano ang Outcomes-Based Education?

Ang Outcomes-Based Education ay nangangahulugang malinaw na pagtutuon ng pansin at pag-oorganisa ng lahat ng sistemang edukasyonal sa lahat ng pangangailangan ng mga mag-aaral upang magampanan nila nang buong husay ang napasimulang gawain sa katapusan ng kanilang naranasan sa pagkatuto. Nangangahulugan din ito ng malinaw na larawan kung ano ang mahalaga para sa mga mag-aaral upang makagawa at makapag-organisa ng kurikulum, pagtuturo at pagtataya upang makatiyak na may naganap na pagkatuto ang mga mag-aaral.

Samakatuwid, ang Outcomes-Based Education ay nakapokus sa resulta o kahihinatnan ng edukasyon. Ito ay pagdulog (approach) na nakasentro sa mga mag-aaral batay sa resulta ng pagtuturo. Isang pagdulog ng pagpaplano, pagbibigay at pagtataya ng pagtuturo. Ito ay pagtuturong may pagpaplano na nakapokus sa kinahinatnan ng pagtuturo, paggamit ng metodolohiya patungo sa inaasahang outcomes at proseso ng pagtataya na nagsasaad ng pagsasakatuparan ng inaasahang outcomes.

Iba-iba ang pagpapakahulugan sa outcomes ng mga kilalang edukador.

1. Ito ay malinaw na resulta ng pagkatuto ng mga mag-aaral na kailangang maipakita kung ano ang kanilang magagawa, kung ano ang kanilang nalalaman at kung ano ang kanilang natututuhan (Butler, 2004).
2. Ito ay ganap na aksiyon, produkto at perpormans na may repleksiyon sa kahusayan ng mga mag-aaral sa paggamit ng nilalaman, impormasyon, ideya at mga gamit.

Ang sabi nga ng ilang edukador, “The outcome is what you can actually do with what you have learned about principles of teaching. Your demonstration teaching or microteaching where you apply the principles of teaching that you learned will be the purpose.”

Ayon pa kay Spady, may dalawang uri ng outcomes, ang exit outcomes at ang enabling outcomes. Ang exit outcomes ay ang malaking outcomes samantalang ang enabling outcomes ay ang maliit na outcomes. Ang pagsasakatuparan ng maliit na outcomes ay pagsasakatuparan ng malaking outcomes na sa malaunan ay tinawag na terminal outcomes.

Layunin ng Outcomes-Based Education na matiyak kung ang lahat ng mga mag-aaral ay naging matagumpay sa pagkakaroon ng kaalaman, kasanayan at kalidad kabilang ang halagang pantao at gawi na kailangan pagkatapos nilang magampanan ang mga pangangailangan sa sistemang edukasyonal.

Iba-iba ang uri ng mga mag-aaral. May agresibo, hyperactive, inquisitive, computer literate, attention seekers, curious, masyadong independent at iba pa. Ngunit kung ihahambing sila sa mga mag-aaral ng ika-21 dantaon, maraming guro at magulang nagpapatunay na ang mga mag-aaral sa panahong ito ay independent problem solvers and self starters, technologically literate, walang kinatatakutan, may tiwala sa sarili, naghihintay ng istimulasyon at umaasam ng mabilis na sagot sa kanilang mga itinatanong at pidbak.

Bukod sa mga ito, ang mga mag-aaral sa kasalukuyan ay ayaw maubos ang kanilang oras sa malaking kantidad ng gawing pampaaralan. Mas nagugustuhan nilang maging makabuluhan ang kanilang ginagawa sa paaralan. Ang sabi nga ni Caudron (1997): “Ang mga mag-aaral sa kasalukuyan ay ibig malaman kung bakit kailangang matutuhan nila ang isang bagay bago nila magamit ang oras kung paano ito matutuhan.”


Ang Mga Simulain sa Pagkatuto ng Outcomes-Based Education

SI Spady (1994) ay nagbigay ng apat na pangunahing simulain ng Outcomes-Based Education:

1. Paglilinaw ng pokus (Clarity of focus). Mahalagang nakapokus ang atensiyon ng mga guro sa mga gustong malaman at maunawaan ng kaniyang mga mag-aaral. Sa madaling salita, kailangang ang pokus ng guro ay matulungan ang kaniyang mga mag-aaral na madebelop ang mga kaalaman at kasanayan nila upang matamo ang inaasahang outcomes.
2. Pagdidisenyo (Disigning down). Kapag malinaw na sa guro ang outcomes, makakapagdisenyo na siya ng ituturo kabilang dito ang mga estratehiya at pagtataya na kaniyang gagamitin.
3. Mataas na pag-asam (High expectations). Mahalaga rin sa guro na makabuo ng mataas at mapaghamong mga pamantayan sa perpormans ng kaniyang mga mag-aaral. Dapat laging nasa isip ng guro na ang mataas na pamantayan ay nakaugnay sa matagumpay na pagkatuto ng kaniyang mga mag-aaral.
4. Pinalawak na oportunidad (Expanded opportunities). Dapat makagawa ng mga paraan at pamamaraan ang guro na mabigyan ng malawak na oprtunidad ang kaniyang mga mag-aaral dahil hindi lahat sa kanila ay natututuhan lahat ang mga araling kaniyang itinuturo sa magkatulad na araw at oras.

Sa kabuuan, ang Outcomes-Based Education ay nakapokus sa kahihinatnan. Nakapaloob dito ang iba’t ibang lebel-institusyonal, programa, kurso, pagtuturo at pagkatuto. Ang outcomes ay resulta ng magagawa ng mag-aaral matapos niyang mapagtagumpayan ang programa ng pagkatuto (program outcomes) o kurso (course outcomes) o proseso ng pagtuturo at pagkatuto (learning outcomes).