Ni Joselle Gonzaga
Noong nasaksihan ko kung paano mo sinindihan ng lighter ang sigarilyo,
hiniling ko na sana sa ganoong paraan mo rin ako buhayin—
hindi lamang sa pamamagitan ng lamlam ng apoy sa ilalim ng sinag ng araw,
kundi ng pagnanais na simulan kung anumang maiaalok
ng nakasilid sa makipot na karton sa napakahabang panahon.
Sa ganitong paraan, ay mararamdaman ko ang
intensyonal mong pagpili sa rami ng naghihintay kung
sino ang maituturo rito sa munting espasyo.
Ito ang klase ng pagdukot na tanging sasamahan ko.
Noong nakita ko kung paano mo hinipak ang sigarilyo
at ibinuga ang nagkukumawalang usok nito,
hiniling ko na sana ganoon mo rin ako kung sakupin—
mapagpalaya, at mapang-angkin.
Sa ganitong paraan, ay mararamdaman ko kung
paano mahalin nang hindi kailangang sakalin.
Ngunit kung kalooban mo lang din ang aking babaybayin, walang alinlangan akong
pupuwesto sa pagitan ng iyong mga labi na walang ibang papel kundi ipitin at hithitin,
maski na ikaw ang umubos sa akin.