Awtentikong Kagamitang Pampagtuturo


Kolum ni Pat V. Villafuerte

Sa pagbabago ng taon, sinisimulan na ng mga guro ang paghahanda ng mga bagong kagamitang pampagtuturo na magagamit nila sa klasrum. Lubos ang kanilang paniniwala na sa proseso ng pagtuturo ay may malaking kaugnayan ito bilang isang pundasyon sa pagtatamo ng
kaalaman ng mga mag-aaral.

Bilang awtentikong gamit sa pagtuturo, patuloy na humahanap ang mga guro ng kaparaanan upang maiugnay ang aralin sa pang-araw-araw na gawaing pangklase ng mga mag-aaral. Masasabing awtentiko ang pagtuturo kung ang alinmang bagay sa paligid ay inihahanda hindi lamang para sa pagtuturo kundi bilang gawain ng mga mag-aaral sa lipunan. Kaugnay nito, nagagamit ito sa pagtuturo bilang tugon sa karagdagang kaalaman at paghubog ng kasanayan ng mga mag-aaral. Nagaganap ang pagkatuto ng mga mag-aaral kung nagagamit nila ang impormasyong nakalap sa loob ng silid-aralan katuwang ang pakikisalamuha nila sa lipunang kanilang ginagalawan. Ito ay patuloy at paulit-ulit na ginagawa at pinipili ng mga guro bilang estratehiya na inilalapat sa lebel ng karunungan at kasanayan ng mga mag-aaral sa tulong ng Most Essential Learning Competencies na inihanda ng Kagawaran ng Edukasyon. Bilang isang proseso, ito’y patuloy na nababago at binabago bilang tugon sa resulta ng ebalwasyon sa karunungan ng bawat mag-aaral na kanilang nakuha sa naturang proseso ng awtentikong kagamitan.

Ano ang Awtentikong Kagamitan sa Pagtuturo?

Si Fullan (1982) ang nagbigaykahulugan sa awtentikong kagamitang pampagtuturo bilang pinakasentrong dimensiyon sa pagtuturo at pagkatuto.

Ayon kina Nunan and Miller (1995), authentic materials as those which were not created or edited expressly for language learners and teachers. Samakatuwid, ang mga kagamitan na nakikita natin sa pangaraw-araw na inihahanda hindi para sa pagtuturo ay matatawag na awtentiko.

Sa pagpapakahulugan naman ni Peacock (1997), Materials that have been produced to fulfill some social purpose in the language community are called authentic.

Ang ibig sabihin, matatawag na awtentiko ang materyales na ginawa na tutugon sa layuning panlipunan sa pag-aaral ng wikang ginagamit sa komunidad dahil sa paggamit ng mga ito ay nagkakaroon ng eksposyur ang mga bata sa pag-aaral ng wika.

Pinatunayan naman sa pag-aaral ni Rogers (1998) na ang awtentikong kagamitan ay angkop at makalidad sa itinakdang tunguhin (goal) at layunin (purpose) sa pagtuturo dahil bilang mag-aaral kailangan nila ng interes, natural at makabuluhang pakikipagtalastasan.

Sa pag-aaral naman ni Harmer (1991), ang awtentiko bilang kagamitan ay inihanda para sa lektyurer dahil makatotohanang idinesenyo hindi para sa mag-aaral ng wika kundi sa tagapagsalitang gumagamit ng wika.

Sa pagtalakay ni Jordan (1997) na pinatotohanan ni Morley (2001) na ang awtentikong kagamitan sa pagtuturo o ang nakasulat na awtentikong teksto ay hindi para sa pagtuturo ng wika. Ito ay makabuluhan at nagbibigay ng positibong pagganyak sa mag-aaral sa matalinong pagkatuto. Nagagawa rin nitong ihayag ang tunay na nilalaman, estruktura at porma ng wika.

Awtentikong maituturing ang ganap na pagtamasa ng bawat magaaral na gampanan ang tungkulin nila bilang isang tao sa lipunan – bumasa, sumulat, magsalita at makinig.

Balangkas 1: Disenyo ukol sa paggamit ng awtentikong kagamitan bilang isang proseso

Paano inihahanda ang Awtentikong Kagamitan?

Ayon kay Badayos (2006), Sa paghahanda ng Kagamitang Pampagtuturo (KP), mahalagang isaalang-alang ang pagiging awtentiko ng (a) TEKSTO at (b) GAWAIN (task).

Idinagdag pa ni Badayos na ang tekstong awtentiko ay tumutukoy sa pagiging awtentiko ng input data na gagawing lunsaran sa pagdebelop ng kagamitang panturo. Ang mga input data na itinuturing na awtentiko ay ang sumusunod (a) pahayagan, (b) magasin (c) brochure (d) babala at paalala (e) balitang panradyo (f) dayalog at (g) Resipe.

Sa kabilang banda, ang gawaing awtentiko ay tumutukoy sa kung ano ang tahasang gagawin ng mga mag-aaral kaugnay ng input data. Sumailalim ba ang mga mag-aaral sa mga gawaing magsasanay sa kanila na gamitin ang angkop na paraan ng pakikipagtalastasan sa daigdig na kanilang ginagalawan? Nagamit ba sa gawaing ito ang input data sa pagtuturo at pagkatuto sa pakikipagkomunikasyon sa daigdig ng mga mag-aaral? At ano ang ginawa sa input data?

Bakit Kailangang Gumamit ng Awtentikong Kagamitang Pampagtuturo?

Nagbigay si Milton (2002) ng ilang kadahilanan kung bakit kailangang gumamit ng awtentikong kagamitan sa pagtuturo ito ay ang mga sumusunod:

(a) Dahil ito ang pinagmumulan ng wika.
(b) Umaalalay ito sa popular na pagkatuto.
(c) Pampasigla ito sa pagbuo ng produkto.
(d) Naitatala kung hanggang saan ang pagkatuto.

Sa paggamit ng Awtentikong Kagamitang Pampagtuturo ay nangangailangan ito ng ebalwasyon upang masukat ang kahusayan ng kagamitang napili at kaangkupan nito sa paksa at gagamit nito sa loob ng paaralan.

Sa paghahanda ng awtentikong kagamitan, maaaring isaalang-alang ang sumusunod na balangkas, bilang gabay sa awtentikong pagtuturo.

Pinatunayan pa rin ni Milton (2002) na sa paghahanda ng kagamitang pampagtuturo, kinakailangan din ang aplikasyon o integrasyon, sumunod ang pagfollow- up dito at ebalwasyon naman ang susi sa epektibong tugon sa nasanay at natasang (assess) kasanayan sa mga mag aaral gamit ang wika at awtentikong kagamitan.

Ayon pa nga kay Nunan, gumagamit ang guro ng awtentikong kagamitan upang magkaroon ng pagganyak ang mga mag-aaral. Sa paraang mahihikayat sila na tuklasin ang gamit o layunin ng mga bagay na nakikita nila sa pang-araw-araw na gawain sa kanilang komunidad na kinabibilangan.

Idinagdag pa niya, na bilang guro sa paggamit ng kagamitan maaari itong matalakay sa ganitong kaparaanan:

Ang mga gurong nagtuturo ng Filipino sa ilalim ng K-12 Kurikulum ay lalong makikinabang kung paguukulan ng pansin at tutuparin ang kaparaanang iminungkahi ng kolumnistang ito. Magkakaroon sila ng mga batayang kagamitan sa pagtuturo na gagamitin sa kanilang pagtuturo na lubusang makatutugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral tungo sa makalidad at makabuluhang edukasyon. Makatutulong ang balangkas na ito upang mabawasan ang oras, panahon at pag-iisip na ilalaan nila sa pagbuo o paghahanda ng mga kakailanganing gawain at pagsasanay sa kanilang mga magaaral.

Sa panig ng mga mag-aaral, magaganyak silang matutuhan ang mga bagong aralin sa tulong ng inihaing balangkas sa pagbuo at paggamit ng kagamitang pampagtuturo dahil sadyang idinisenyo para sa kanila ang balangkas para sa kanilang kawilihan, kasanayan at kahusayan sa pagkatuto ng iba’t ibang aralin.