Ni Aldrin Pentero
Nakaharap kang muli
sa pagtalikod. Tinitingala
ang taas na kailangan
sa paglayo. Sa iyong pag-akyat
ay iniiwan ang isang pangako
ng pagtanggap.
Pinipili mong tumuntong
Sa makikitid na alinlangan
At kumapit sa iba’t ibang
Dahilan. Pinipilit labanan
Ang grabedad na sinusuyo kang
Magpatihulog sa pagtitiwala.
Anong isisigaw ko
Sa hindi mo pagsuko sa pagsuko?
Walang nakasulat na babala
sa pader na hinaharap.
Narito sa ibaba ang banta.
Inaabangan ang bawat hakbang
Mo ng pagtanggi.
Nililipad ng tingin
Ang pasubaling lumalawak
Sa pagitan natin.
Inuusal ang isang sumpa’t
Panalangin:
“Mahulog ka!
Mahulog ka sa akin.”
Si Aldrin Pentero ay nagsilbing pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), ang pinakamatandang samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Naging fellow din siya ng IYAS at Iligan National Writers Workshop.