Ni Mellodine A. Antonio

Nagkukukot ang loob ni Lalaine.

Kung di ba naman isa’t kalahating timang ang nobyo, nagpatawag-tawag tapos nang nagri-ring na ang telepono, biglang ni-reject ang tawag!

Kahit sinong santo, mabubuwisit kapag ginagago.

Excuse me! sigaw ng isip niya. You don’t do that to me!

Gustong pumutok ng ugat niya sa noo sa panggagalaiti.

Muntik siyang maubusan ng hangin sa baga sa lalim ng buntonghininga.

Hinablot niya ang cellphone.
Hinanap ang convo nila sa messenger.
Binati siya ng nakakalokong ngiti nito sa profile pic.

Lalo siyang nagngitngit.
Pigil ang sarili na papasibol na kilig nang makita ang makapal nitong kilay at pilyong tsinitong mga matang tila laging nakatitig at may kung anong gustong sabihin sa kaniya.

Huminto ang mata niya sa mga labi nito na sa kabila ng bisyong paninigarilyo, nanatiling mamula-mula at makinis na madalas basain ng dilang alaga nitong ilabas-labas lalo na ‘pag inaalaska siya.

At nakangiti ka pang hinayupak ka?Akala mo kung sino kang guwapo na pangiti-ngiti habang malapit na ‘kong putukan ng matres sa buwisit sa ‘yo!

Scroll up and down ang ginawa niya.
Hindi rin alam sa sarili kung may hinahanap ba siya.

Kapag pinindot ko’ng block, pahinog ka!
Pero ang tanong, kaya ba niya?
Sa maraming pagkakataon, tinangka niya pero nauuwi iyon sa pag-a-unblock kahit di pa nito nakikitang block ito sa kanya.

Nahamon ang sarili sa pagkaalala noon.
Pikit mata’t nanginginig ang mga daliring pinindot niya ang block na buton.
Mariin ang pagkakapindot niya.
Pinakamariing kaya niya.

Proud na tinapik ang sarili matapos pindutin ang ilan pang dapat pindutin para tiyaking tiyak siya sa ginawa niya.

‘Kala mo ‘di ko kaya?
‘Kala mo lang ‘yon!
Kaya ko!
Kayang-kaya ‘ko!
Panay ang sulyap niya sa cellphone na nasa mesa.
Sa FB lang naman niya binlock, e.
Puwede naman siyang i-text.
Puwede naman siyang tawagan.
“Ano ba’ng ginagawa mo?” tanong ng nanay niya.
“Wala po.”
“Ano bang wala? Kanina ka pa parang inahing di makapangitlog, a. Diyan ka ba sa telopono pupugad? Bakit di mo hawakan at buksan nang makita mo’ng hinahanap mo. Di ‘yang para kang pusang di maihi sa ginagawa mo,” sermon nito.

Ungol lang ng pagkainis ang sagot niya sa ina.

Kabisado siya nito. Alam na alam ang kilos niya.

“Si Jeff ba’ng hinihintay mo? Bakit di mo i-text o tawagan? Teka, nagkaaway ba kayo?”

Ungol ulit ang sagot niya.

“Lintek na, Lalaine! Lubayan mo ‘ko ng kauungol mo, ha! Masasampalilong kita riyan, makita mo!”

Unang oras ng pamba-block niya, malaki ang pag-asam niyang tatawagan siya o iti-text ni Jeff para magtanong.

Lumipas ang dalawang oras.
Naging tatlo.
Umabot na sa kalahating araw, ni ha, ni ho, wala.
Nagsisimula na siyang mabugnot.

Naghahamon yata ng hiwalayan ang kumag, a!
Huwag siyang hahamunin!
Siya pa ba?
Naku, talaga!
Nilakasan niyang tugtog sa cellphone niya.
Nililibang ang sarili habang naglilinis ng kuwarto.
Nuno ng maninikis ang lintek na lalaking ‘yon, a!

Maya’t mayang nililingon ang cellphone.
Nananalanging hihinto iyon saglit dahil sa pagpasok ng mensahe mula sa binata pero bigo siya.
Magkahalo ang pawis, alikabok, pagod at pagkabigo, naiiyak niyang hinagilap ang tambo at gigil na gigil na winalis ang nagkalat na kung ano sa ilalim ng kama niya.

Letse ka!
Natitiis mo ‘ko talaga!
May araw ka rin!

Naiyak na talaga siya.
Pumatak ang luha ng magkakahalong asar kay Jeff at inis sa sariling kagagahan.

Nakaligo na siya’t lahat, wala pa rin.
Mabigat ang katawang ibinagsak sa kamang kapapalit ng sapin.

Hawak ang cellphone na para bang doon nakasalalay ang buong buhay niya.
Muling nagbanta ang pagpatak ng luha.

Hindi na ‘ko iiyak, ulit.
Okey na ‘yong kanina.
Kung natitiis niya ‘ko, matitiis ko rin siya!

Napapikit nang mariin dahil duda siya sa sinabi patungkol sa sarili. Saka niya
naramdamang nabasa ang kaniyang mga pisngi ng luhang di niya mapigilan.

Sabi na kasing di na siya iiyak, e!

Madilim sa buong kuwarto nang magdilat siya.

Nakatulog siya!

Mabilis na kinapa ang cellphone sa tabi.
Binuhay iyon.
Nanlalambot na ibinaba sa tagiliran nang makitang walang kahit na anong mensahe.
Inot-inot na bumangon.
Mabigat ang katawan niya.
Para siyang lalagnatin.

Malungkot ka lang, sabi sa sarili.
Lintek ka, Jeff! May araw ka rin!

“O, kumain ka na ng hapunan. Hindi na kita ginising kaninang tanghalian. Mukhang napagod
ka nang husto sa paglilinis, e. Mabuti pa lang, magkagalit kayo ni Jeff, ano? Aba’y sumisipag kang maglinis, e. Huwag na kaya kayong magkaayos nang habambuhay kang masipag,” tudyo ng ina niyang natatawa sa paghaba ng nguso niya sa mga sinabi nito. “Pagkatapos mo riyan, magligpit ka na ng pinagkanan. Sa kuwarto ko na ‘ko manonood ng teleserye, hane.”

Iniwan siya nito sa mesa.
Nakatitig lang siya sa mangkok ng sinigang.
Nag-iimbita ang mainit na kanin pero parang wala siyang gana.
Tinakpan niya ang mga pagkain.
Mamaya na siya kakain kapag may gana na siya.

Kalmado ka na?
Sumikdo ang dibdib niya nang tumunog at umilaw ang cellphone.
Umingos sa text na natanggap.
Mas tumangos ang nguso kaysa ilong.

Walang sorry.
Walang I miss you.
Kalmado ka na?
Ang gara talaga!

Tinangka niya ang kapangyarihan ng deadma.

Isang minuto.
Dalawa.
Tatlo.
Lintek! Walang kasunod ang mensahe.

Napiga niya ang dulo ng shorts na suot sa labis na yamot.

Kumag talaga!
Ang lakas manikis!
Nakakasira ng bait.
Okey, sige.
Sasagot siya.

Tatalakan niya sa text.

Makikita nito ang hinahanap sa kanya.

“Kalmado ako, nambubuwisit ka lang ng mundo.”
Mabilis ang sagot.
“Ayun! Sumagot din. Ano ba’ng ikinagagalit
mo?”

Naiinis pa rin siya pero di na mapigil ang ngiti.
Para na niyang nakikinikinita ang mata nitong lalong naniningkit sa kabilang linya.

“At nagtanong ka pa talaga, ha!” Napaupo siya sa mahabang sofa.
“Di ko nga alam kung bakit. Bakit nga ba?” Kumunot ang noo niya.
“Talagang di mo alam ang dahilan o hari ka ng maang-maangan? Nagpatawag ka. Tumawag ako. Nag-ring. Ni-reject mo. Gusto mo, okey lang ako? Aba, Jeff kung ayaw mo na, sabihin mo lang! Hindi ‘yong ginagawa mo ‘kong tautauhan!”

Nag-ring ang telepono niya.
Malakas na tawa ang unang niyang narinig sa kabilang linya.
“Kasi may kausap ako kanina.”
“Kaya nagpatawag ka? Normal ka ba?” Asar man, mas lamang ang kilig niya.
“Akala ko pa naman kalmado ka na,” sagot nito.
“Ayaw mo na ‘ata sa akin kaya ka nagagalit, e,” nagtatampong himig nito.
“Hoy, lalaki! Huwag mo ‘kong dramahan! Ikaw ang may atraso! Ni-reject mo’ng tawag ko!”
“Napakasungit naman nitong mahal ko, oo! Di lang nasagot kaagad dahil may kausap lang ako,” masuyo ang boses nito.

Kapag ganoon ang tono ng boses ng nobyo, tunaw lahat ng hinanakit niya rito.
May gumagapang na kilig sa dibdib ni Lalaine bagaman may pinong kirot sa narinig na sagot nito.

“Babae ba’ng kausap mo?” Pilit niyang ikinukubli ang selos dahil iinisin siyang lalo nito.
“Oo.”
“Oo?” Kandadilat siya sa narinig.

May narinig siyang tawa sa kabilang linya.

“Oo. Babae ang kausap ko. Si Mama ang kausap ko kanina.”

Nakagat ng dalaga ang pang-ibabang labi.
Mama naman pala nito.
Tuluyan na siyang napangiti.
Nahihiyang ipakita kahit sa sarili ang kilig.

“Mas maganda ka kapag nakangiti. Mukha kang kontrabida kapag galit ka.”
Napahumindig siya.
Nakikita ba siya nito’t alam na nakangiti siya?
Kumag talaga!
“Labas ka!” mabilis na agaw at utos nito.
“Ayoko! Para kang diablo makapag-utos, a!”

Napahalakhak ito.

“Bakit, nautusan ka na ba ng diablo?”

Salubong na salubong na ang kilay niya.

“Bilis na! Labas ka!”
“Ayoko nga, e!” Kasabay noon ang paghakbang niya para sundin ang gusto nitong lumabas siya ng bahay.

Nanlaki ang kaniyang mga mata sa nabungaran pagbukas ng pinto.

“T-Tuloy po k-kayo!” kandabulol niyang sabi.

Si Jeff kasama ang mga magulang nito.
Mali.
Kasama ang buong pamilya nito!
Ang laki ng pagkakangiti ng binata.

“Nariyan ba’ng Nanay?”

Nanay niya ang tinutukoy nito.
Di siya magkandatuto sa pagtango.
Alanganing tinawag ang Nanay niyang nakapustura nang bumaba.
Takang-taka siya sa gayak nito.
Nginitian ng ina ang mga bisita.

“Aba’y pasok! Tuloy! Maupo kayo!” istima nito. “Ang batang ire, kumuha ka ng maiinom para sa mga bisita,” utos ng ina na may kasamang kalabit sa likod niya.

Doon lang niya napagtantong nakatanga pala siya.
Mabilis siyang pumunta sa kusina.
Kinuha sa ref ang pitsel na may malamig na tubig.
Naghiwa ng ilang kalamansi.
Piniga iyon.
Naglagay ng asukal saka kinanaw.
Ano ba’ng okasyon?
Di naman niya birthday?
Di rin death anniversary ng tatay niya?
Bakit may mga bisita?
Bakit buong pamilya ni Jeff?

“RELAX!”

Muntik niyang mabitiwan ang pitsel sa gulat.

“Putik ka!” Nahampas niya ang braso ni Jeff.
“Aray! Mapanakit ka talaga!” Hinaplos nito ang braso.
“Makapanggulat ka, wagas!” ingos niya.
“Ano’ng okasyon? Bakit kayo nandito?”
Ngumisi ito. “Bakit? Ayaw mo ba’ng bisitahin ka ng pamilya ko? O, sige. Sasabihin ko. ‘Ma—”
Akma itong sisigaw kaya tinutop ng palad niya ang bibig nito.”
“Wag kang maingay!” Nanlalaki ang mata niyang saway.

Lahat na yata ng pawis niya, lumabas sa kaba’t hiyang nararamdaman.
Tatawa-tawa ang binata habang inilalagay sa tray ang mga baso’t pitsel ng kalamansi juice na ginawa ng dalaga.

“Tara na!”
“Saan?” nalilitong tanong ni Lalaine.
“Doon,” nguso nito. “Dalhin na natin ‘to.”
“Teka, wala pang sandwich, e. Gagawa muna ‘ko.”
“Hindi na! May dala kami. May pansit pa nga si Mama.”
“Ha?” Litong-lito ang itsura ng dalaga.

Bakit may pansit?
Bakit sila nagdala?
“Balae, heto na pala’ng mga bata, sila na ang tanungin natin sa petsa.”
Teka, balae?
Balae ang tawag ng Mama ni Jeff sa Nanay niya?
“Kelan n’yo ba balak magpakasal?” tanong ng nanay niyang nakatingin sa kaniya.
Kasal!
Teka, lang!
Ano ba ‘to?
Tama ba’ng dinig niya?

Nilingon niya si Jeff.
Di agad nahagip ng kaniyang mga mata ang binata.
Napaawang ang bibig niya nang makitang nakaluhod ang isang tuhod nito habang nakatitig sa kaniya.
Hawak-hawak nito ang nakabukas na kahita.
Kitang-kita niya ang singsing na may makislap na batong nakipagpaligsahan ngayon sa kaniyang mga luha sa pagpapahilam sa kaniyang mga mata.

“Ikaw ang gusto kong makasama sa buhay at maging ina ng mga magiging anak ko.”
Nangingislap din ang mga mata nito.
“Lalaine, handa ka na bang pakasalan ako?” May kasamang kindat ang matamis na ngiti nito.

Tila nalulunod ang dalaga.
Tila siya nauumid.
Naglahong tila bula ang lahat ng tampong nadarama kanina.
Napalitan ng masarap na kaba.
Masarap na pagkalunod.
May kilig na pagkaumid.
Sunod-sunod ang kaniyang pagtango.

“Oo! Oo! Oong-oo!” paulit-ulit niyang sagot na ikinatawa, ikinakilig, ikinapalakpak ng lahat ng naroon.

Tumayo mula sa pagkakaluhod si Jeff.
Isinuot sa kaniyang palasinsingan ang singsing.

Kapwa may panginginig sa kanilang mga kamay.
Parehong nakangiti.
Tinangkang ilapat ng binata ang kaniyang labi sa labi ng dalaga.

“Hep! Sa kasalan pa ‘yan!” nakatawang saway ng Papa nito.

Hindi nagpaawat si Jeff.
Lumapat ang mga labi nito sa kaliwang pisngi ni Lalaine.
Pagkatapos, sa noo.
Saka sila mahigpit na nagyakap.

“Kaya di ko na-receive ang tawag mo kanina,” bulong nito. “Kaya di kita tini-text o pini-PM maghapon kasi busy kaming lahat,” nakangiti nitong paliwanag sa kaniya.
Kinurot niya ang tagiliran nito.
Malambing na kurot.
Magaan.
Nakakikiliting kurot.
“Absuwelto na ba ‘ko?” tanong nito. “Iaunblock mo na ba ‘ko? Baka naman i-break mo pa ‘ko?”
Pinandilatan niya ito.

“’Wag kang maingay,” malambing niyang saway dito. “May magagawa pa ba ‘ko, e nakasuot na’ng singsing sa daliri ko?” nakasibi niyang biro sa nobyo.
Dinig ng lahat ang sinabi nito at ang naging sagot niya.
Napuno ng halakhakan ang kabahayan nila.
Masuyong umakbay sa kaniya si Jeff.
Di niya maitago ang kilig.
Malambing siyang humilig sa dibdib nito at naramdaman niya marahan nitong pagkabig na nagpakilig sa kaniya nang husto.