Ni Rodmill Lynron Galagnara Lopez

Sa mga pagkakataong trapik o mahaba ang biyahe, minsan matutulala ka na lang at mapapaisip. Ang iba ay idinadaan na lang sa pagtulog o di kaya sa paglalaro sa kanilang mga selpon para lumipas ang oras. Pero minsan, may mga pagkakataong bigla ka na lang nagiging malikhain.


May mga oras na may makikita kang magandang tanawin o di kaya’y kamangha-manghang pangyayari. Ilalabas mo ang iyong selpon para kuhanan ito. Sa mga pangkaraniwang mamamayan, nakasanayan na nila ang mga lugar na ito na makikita sa aking mga kuha. Pero para sa akin, may mga bagay dito na sadyang iilan lang ang makakapagbibigay halaga.


Nilitratuhan ko ang mga lugar na ito dahil nabighani ako. May mga kuwento rin akong gustong sabihin gamit ang mga larawang ito. Gusto kong ibahagi sa iba ang aking nakikita. Ipakita sa mga tao kung ano ang nakikita ng isang manlilikha. Ipahayag sa lahat ang kuwento sa mga mukha ng tao. Nais ko ring iparating sa mga makakabasa, na sa kabila ng magulo at abalang lungsod, may maganda pa ring makikita sa paligid na dapat nating bigyang halaga.


Nakakapagod man bumiyahe, nakakagaan naman sa pakiramdam ang pagbabahagi ng mga munting kuha ko. Nawa’y maging inspirasyon ito sa inyo, at magkaroon ng lakas na loob ibahagi rin ang inyong mga kuwentong kamera at ito’y inyong maipagmalaki rin.