Mga Kuwento ng Tagumpay ng Kababaihan


Sa Buwan ng Kababaihan, mahalagang bigyang-pugay ang mga babaeng nagbigay inspirasyon at kontribusyon sa sining. Sa larangan ng panitikan, maraming babae ang nagpamalas ng kanilang husay sa pagsulat ng mga kuwento, tula, nobela, at iba pang akda.

Ating kilalanin ang anim sa kanila na nagbigay ng malaking ambag sa panitikan, at nagbukas ng pinto para sa kababaihang nais na magpakita ng kanilang galing at talento.

Lualhati Bautista

Nobelista at kuwentista. Ilan sa kanyang mga tanyag na nobelang naisalibro at naisapelikula ay ang “Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa?”, “Gapo”, “Dekada 70”, na parehong nagkamit ng Grand Prize sa Palanca. Ang mga kuwento niyang Tatlong Kuwento ng Buhay ni Julian Candelabra at Buwan, Buwan, Hulugan Mo Ako ng Sundang” ay nagkamit naman ng Una at Ikatlong Gantimpala sa Palanca. Karamihan sa mga akda niya ay nailathala sa Liwayway. Ilan sa mga ito ay ang City Jail, Sixty in the City, Sumakay Tayo sa Buwan, Isisilang ang Anim na Anak, at marami pa. Kamakailan, ginawaran siya ng Gawad CCP Para sa Sining, ang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng CCP.

Liwayway A. Arceo

Kuwentista, nobelista at patnugot. Naging isa sa mga pangunahing manunulat sa Liwayway. Siya rin ang namahala sa Pitak ng mga Bagong Dugo sa Liwayway na humubog ng napakaraming naging tanyag na manunulat. Ilan sa mga nobela at maikling kuwento niya ang Mundong Ito’y Parisukat, Hanggang Sa Kabila ng Langit, Wakas, at marami pa. Canal de la Reina, Titser, at Mga Kuwento ng Pag-ibig ang ilan sa kanyang mga libro. Naging pelikula naman ang akda niyang ang Lumapit, Lumayo ang Umaga. Ang kuwento niyang Banyaga ay nagkamit ng Unang Gantimpala sa Palanca. Ginawaran din siya ng Gawad CCP, Gawad Balagtas, at iba pa.


Genoveva Edroza-Matute


Kuwentista at guro. Nakilala siya kanyang klasikong maikling kuwentong ang Kuwento ni Mabuti na nanalo sa Palanca Awards ng Unang Gantimpala. Ito ang unang maikling kuwento sa Filipino na nanalo sa Palanca. Nagsulat din si Matute ng mga maikling kuwento sa Liwayway tulad ng Tata More at marami pa. Ilan sa mga libro niya ang nobelang Ang Kanilang mga Sugat, Walo at Kalahating Dekada ng Isang Buhay, at iba pa. Tumanggap din siya ng mga parangal bilang Outstanding PNS-PNC Alumna Award, Manila Arts and Culture Award, at sa CCP Award for the Arts.


Elena M. Patron-de los Angeles

Nobelista, kuwentista, at kolumnista. Mga Payo ni Ate Mameng, ang naging kolum niya sa Liwayway. Ngunit mas nakilala siya sa komiks bilang nobelista na karamiha’y nailathala sa Liwayway. Ilan sa kanyang mga akda (komiks at prosa) ang Kapatid Ko ang Aking Ina, Isinilang Ko ang Anak ng Ibang Babae, Dalawa ang Nagdalantao sa Akin, Ako si Emma, Babae, Ang Lihim ng Isang Lihim, Binhi, Apat na Eme, Kumukulong Dugo, at marami pa. Blusang Itim, ilan sa kanyang mga akdang naisapelikula. Mga Kuwento ng Puso, ang kanyang libro na koleksiyon ng mga kuwento. Tumanggap siya ng parangal mula sa FAMAS Award bilang Best Story, Natatanging Hiyas Ng Sining Sa Panulat mula sa GEMS Awards, at iba pa.

Gilda Olvidado

Nobelista. Ilan sa napakarami niyang nobela ang Kapag Puso ang Nagsasakdal, Sinasamba Kita, Dapat Ka Bang Mahalin?, Kung Mahawi Man Ang Ulap, Ina, Kasusuklaman Ba Kita?, Pinulot Ka Lang sa Lupa, Saan Nagtatago ang Pag-ibig, Babangon Ako at Dudurugin Kita. Nagsulat din siya ng mga nobelang prosa sa Liwayway tulad ng Triplets, Paano Kita Mamahalin?, Saka na lang ako Luluha, Mga Puso ng Poot, at marami pa. Nagsulat ng mga telenobela. Ngunit mas nakilala ang kanyang pangalan sa mga pocketbooks. Ilan sa mga natanggap niyang parangal ang Best Story sa pelikulang Saan Nagtatago ang Pagibig sa FAMAS Awards.

Ruth Elynia Mabanglo

Manunulat, guro, at makata. Naging propesora sa University of Hawaii at Manoa. Ang kanyang mga tula at dula ay pawang nagkamit ng gantimpala sa Palanca Awards. Nagkamit din siya ng mga parangal mula sa CCP Literary Contest, at Talaang Ginto. Ang obra niyang Liham ni Pinay ay kinilala naman ng National Book Awards for Poetry ng Manila Critics Circle. Nagsulat din siya sa Liwayway. Ilan dito ang kuwento niyang Ang Pasiya at tulang Oda sa Isang Pilosopo. Ilan sa kanyang mga libro ay ang Kung Di Man: Mga Tula ng Pag-ibig, at Daigdig sa Pagitan at iba pang Dula.