Ni Angela Javate
Ang talento ni Kristine Lim sa pagguhit ay ginagamit niya upang maghandog ng mas malalim na mensahe. Si Kristine Lim, 38 taong gulang, ay nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman ng kursong Visual Communications. Ipinanganak siya sa Pasig at lumaki sa Marikina.
Isa siyang full time missionary, visual artist, at Philippine Navy Ambassador sa ilalim ng Naval Public Affairs Unit ng National Reserve Command.
Ayon kay Kristine, maaga siyang namulat sa mundo ng sining— tila mas nauna pa siyang natutong mag-drawing kaysa sa sumulat. “Natutuhan ko kung paano gumuhit bago ako natutong magsulat nang maayos. Ito ay isang likas na kakayahan sa akin. Bahagi ito ng aking pagkatao. Ito ang aking pagkatao.”
Bukod sa pagkakaroon ng interes sa drawing ni Kristine, siya rin ay isang multidisciplinary artist, na may malalim na interes sa painting, drawing, graphic design, film at digital photography, at digital art.
Ang mga gawa ni Kristine ay pinahalagahan ng iba’t ibang ahensiya at opisina ng gobyerno. Makikita ang mga maipagmamalaki niyang likha sa bulwagan ng DOLE, DPWH, at iba pang ahensiya. Opisyal ding naging bahagi ang kanyang mga obra sa National Archives of the Philippines at sa Presidential Museum and Library, sa Malacañan Palace. Ang unang pagkakaloob ni Kristine ng kanyang mga likha sa Malacañan ay dinaluhan ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Siya ay isang advocate ng Edenic Living, Sustainability, at Mental Health. Kasalukuyan siyang boluntaryo bilang Direktor ng Kultura at Sining para sa Sustainable PH, isang non-profit na organisasyon na nagtataguyod ng sustainability at nanguna sa Greenovation sa Pilipinas. Isa rin si Lim sa mga nagtatag at Vice President for External Affairs ng Christian + Collective, isang inisyatiba kasama ng kanyang mga kapwa Kristiyanong artist upang higit pang ipalaganap ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng sining.
Ang kanyang pagkamakabayan at puso sa serbisyo ang nag-udyok sa kanya para sumali sa Philippine Navy. Aktibo at may dedikasyon siya bilang Philippine Navy Ambassador na nakatuon sa Naval Diplomacy at sa iba pang Civil Military Operations. Ang unang hindi malilimutang misyon ni Lim ay noong nasa Basilan siya. Ipinadala siya roon bilang Philippine Navy Ambassador para magturo ng Art for Peace sa mga bata.
Upang lalong mahasa ang kaniyang kakayahan sa pagguhit, humuhugot si Kristine ng inspirasyon hindi lamang sa sarili, kundi sa kaniyang mga karanasan, misyon na kaniyang pinupuntahan, mga nakikilalang kababayan, at sa Poong Maykapal. “Ang aking mga likha, pati na rin ang aking buhay at paglalakbay bilang isang artist at indibidwal ay maaaring magamit bilang instrumento upang iparating ang mensahe ng Panginoon sa sinumang nakakakita nito.”
Ang buhay at sining ni Kristine ay nagbibigay buhay sa mga kuwentong may kakayahang magdulot ng pagbabago sa buhay ng iba. “Bilang isang tagapaglikha, ang mga plano ng Panginoon ang maghahatid ng kahulugan sa aking buhay.”
Si Kristine ang nagtatag ng Artists on a Mission Program. Siya ay isang misyonaryo simula pa noong high school at nagtuturo ng mga art workshop sa mga ulila at sa marginalized sectors ng komunidad. Sa pamamagitan nito, nakatutulong ang kaniyang sining na maisakatuparan ang misyon na magbigay ng pagasa at makabuluhang kahulugan sa buhay ng tao.
Ispiritwal ang paglikha ng sining para kay Kristine— kung saan ang kaniyang obra ay isang paraan upang matulungan at suportahan ang mga taong nangangailangan. “Ginagamit ko ang aking sining upang tulungan at suportahan ang mga NGO at iba pang mga misyonaryo na tulad ko.”
Ayon kay Kristine, maipagmamalaki niya ang lahat ng kaniyang mga likhang sining; ito ay nagbibigay buhay hindi lamang para sa sariling kapakanan kundi para sa pangkalahatan. Ang mga likha rin niya ay nagbukas ng magagandang oportunidad sa loob at labas ng bansa.
Ang hangad ni Kristine para sa mga kabataang nasa sining-biswal ay huwag lamang gumawa upang makakuha ng papuri o suporta ng ibang tao. Ang sining ay kailangang may mas malalim at may makabuluhang layunin. “Ang isang artist ay hindi lamang lumilikha ng sining. Ang tunay na artist ay lumilikha ng makabuluhang mga obra na nakakaapekto at nakapagbabago ng buhay, dahil hindi ito para sa sarili lamang.”
Patuloy nating pagyamanin ang ating sining at gamitin ito para sa layuning higit pa sa nakasanayan, upang makapagbigay ng saysay at kabuluhan sa ating buhay at sa lipunan.
Sa mga interesado sa likhang sining ni Kristine, maaaring makipag-ugnayan sa Facebook (Kristine Lim o KSLArtistOnAMission) o sa kaniyang Instagram (@kristine_s_lim).