Ni Rener R. Concepcion

tatlo sa payong hindi kasya
dapat sana’y dalawa
sapagkat kung tatlo nga sila
mababasa ang isa
o kung papayag na payapos o pakarga
ang nasa gitna ng dalawa pang kasama
ay puwede na silang
tatlo sa payong.

maaari rin namang iwanan ng dalawa
ang isa sa kanila
sa gitna ng sigwa
alin man sa nasa kaliwang isa
o ang nasa kanang kasama
di kaya ang nasa gitna para
‘yan kasyang-kasyang
dalawa.

sapagkat ang mga laro’t tawa
ng tatlo sa payong ay mapupunta
sa pagbabangayan at pambabalya
ng isa o dalawa sa kanila
dahil na rin sa tagal ng sigwada
habang sila sa payong
tatlo.

kung sabagay istorya
ang tatlong nagpipilit na magkasya
sa isang payong

mas malungkot kung ang paglalakad
sa gitna ng ulan
may payong man o wala
iisa.

Si Rener R. Concepcion, 67, ay taga Nasugbu, Batangas. Nakapagturo sa
Batangas State University habang tinatapos ang digring M.A. sa Unibersidad
ng Pilipinas, sa programang Araling Pilipino (Philippine Studies). Nanalo ng
dalawang beses sa Palanca noong 2010 at 2012. Ginawaran ng Batangas
Artist Award for Literature (Dangal ng Batangan) noong 2021 at kamakailan,
ng grupong Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO) bilang
Pinakapasadong Guro 2022.