Kolum ni Wilson Fernandez
Ang Maaasahang Smartphone Camera
Nakalulugod magbahagi ng mga karanasang di malilimutan pagdating sa photography. Sa tagal ko nang kumukuha ng larawan gamit ang DSLR at ngayon naman ay mirrorless camera, may mga pagkakataon ding kamera ng aking smartphone ang aking ginagamit.
Kamakailan, nag-studio photoshoot ako ng mga personalidad para sa aking portrait lookbook na may tema at estilong 70s retro. Matapos kong i-set up ang mga ilaw at kamera na aking gagamitin ay naisip kong litratuhan for documentation sa make-up room ang aking modelo sa pamamagitan ng aking smartphone. Ayaw ko na kasing galawin ang aking mirrorless camera na noo’y naka-set up na sa light settings ng studio. Sa make-up room ay nagme-make up na ang modelo. Naiilawan lamang siya ng LED photography light gayundin ng mirror light. Kumpiyansa naman ako na magiging maayos ang resulta ng larawan na gamit ang smartphone camera sapagkat noon pa ma’y ilang beses na rin akong iniligtas ng aking camera phone sa mga pagkakataong wala ang aking mirrorless camera. Sa tamang camera settings ay naging maganda naman ang resulta ng larawan.
Talento, at Hindi ang Uri ng Kamerang Ginagamit
Isa sa di ko malilimutang karanasan sa paggamit ng smart phone camera ay sa isang kliyente sa aming probinsiya na kinuha ang aking serbisyo para sa kanyang negosyong restawran. Kasagsagan ng pandemya noon pero medyo maluwag na rin kaya’t may mga bukas na ring fastfood at restawran nang mga panahong iyon. Kinontak ako ng isang kliyenteng nagnanais iupdate ang mga larawan sa kanilang menu gayundin sa social media posts ng kanilang restawran. Nagkataon naman na naiwan ko sa tinutuluyan ko sa Maynila ang aking mga kagamitan sa photography. Ang isa pang problema ay kailangan na nilang i-rush ang photoshoot at kinakailangan nang makuhanan sa kinabukasan.
Naisip ko, bakit hindi ko subuking gumamit ng smartphone. Sa panahon ngayon, hindi na rin naman kasi mapupuna kung ang larawan ay kuha sa smartphone o DSLR. Habang umiinog ang panahon ay nag-a-upgrade ang teknolohiya. Kung kaya’t naglakas loob akong nagmungkahi na smartphone camera na lamang ang aking gagamitin para sa food photography shoot. Suwerte rin naman at napapayag ko sila. Pinadalhan ko kasi sila ng sample ng iba ko pang mga larawan ng food photography gamit ang aking smartphone. At naibigan naman nila ang mga ito. Mabuti na lamang din at nasa bahay namin sa aming probinsiya ang isa kong LED Light na malaking tulong upang mailawan ng mas kaayaaya ang kukuhanang mga pagkain.
Resultang Walang Ipinagkaiba sa DSLR
Isa pang di ko malilimutang karanasan sa paggamit ko ng smartphone ay noong magawi ako sa isang museo sa Intramuros. Isa sa mga tuntunin ng museong iyon ay ang pagbabawal sa pagkuha ng larawan sa loob ng museo na gamit ang DSLR at mirrorless camera. Tanging smartphone lamang ang pinapahintulutang gamitin. Nasanay pa naman ako na sa lahat ng pagkakataong nangangailangan ng mga photo shooting ay ang aking mirrorless camera ang aking ginagamit. Hindi ko man gustong gumamit ng smartphone camera ay ginamit ko na rin ito kaysa wala. Maganda naman ang lighting sa loob ng museo sapagkat ang liwanag ay nagmumula sa mga nakabukas na bintana. Namangha ako sa resulta ng mga larawang kinunan ko sa aking smartphone sapagkat halos walang pagkakaiba ang kalidad nito sa mga larawang kuha ng regular na DSLR. Gumamit ako ng Pro Mode ng aking smartphone camera. Ang Pro Mode ang katumbas ng Manual Mode ng mga DSLR at ng mga mirorrless camera. Mas mainam na Pro Mode o Manual mode ang gagamitin sa pagkuha ng larawan sapagkat nasa atin ang kontrol upang makuha ang nais nating mood at tone ng isang larawan. Sa Pro Mode ay maia-adjust natin manually ang iba’t ibang shooting options tulad ng exposure value, ISO value o isaayos ang settings ng white balance upang i-render ang iba’t ibang
lighting conditions gayundin ang mga kulay at tone sa isang imahen.
Dahil sa di ko inaasahang magandang resulta ng mga larawan sa loob ng museo ay naisip kong mag-shoot naman sa ibang lugar at ibang subject. Noong araw ding iyon ay dumiretso ako patungong Dangwa sa Maynila upang gawing subject naman ang mga bulaklak. Muli, Pro Mode
ang settings ng aking smartphone. Outdoor ang shoot at sakto rin na magic hour noon. Pero
bakit nga ba mas mainam na mag-manual mode kaysa i-auto na lamang ang pagkuha ng larawan sa smartphone? Simple lamang. Ang Pro Mode ang nagbibigay ng higit na kontrol kaysa sa tradisyunal na pag-setting sa AUTO. Gayundin, nai-enjoy natin ang hamon sa isang magandang camera setting na siyang magreresulta sa magandang larawan.
Tips Para sa Propesyunal na Dating ng Larawan Gamit ang Smartphone
- Linisin ang lente ng kamera bago gamitin upang maging malinaw at klaro ang larawan. Gumamit ng lens cloth sa paglilinis nito.
- Gumamit ng grid sa pagkuha ng larawan upang mabalanse ang pagkuha ng larawan. Ang grid din ang magsisilbing guidelines sa paglikha ng mga unique angle shots at rule of thirds
. - Iwasan ang pag-zoom sa subject. Mas mainam kung lalapitan na lamang ang subject kung lilitratuhan ito ng close-up shot.
- Kung walang kagamitang pang-ilaw, mainam na mag-shoot outdoor.
- Pag-aralang mabuti kung ano at hanggang saan ang mga kayang gawin ng inyong smartphone camera.
- Gumamit ng mga editing tools. Sa mismong smartphone ay may mga built in editor na. Marami rin sa app na photo editor na maaaring i-download. Ang paggamit ng mga editing apps ay nakatutulong sa mas maganda at unique aesthetic ng inyong mga kuhang litrato.
- Practice. Kumuha nang maraming larawan upang mapag-aralan at maanalisa kung ano pa ang dapat na i-improve sa pagkuha ng larawan gaya ng lighting, composition, o panginginig ng kamay. Pag-aralang mabuti kung paano maitatama at mai-improve ang mga ito.