Ni Armando T. Javier

May sampung taong nakipisan si Eva at ang kanyang mister sa kanyang biyenan bago nakaipon nang sapat na halaga si Lindo para maipan-down payment sa isang bahay. Ilang taon nang pabalik-balik sa Middle East ang kanyang asawa, palipat-lipat ng trabaho, at nitong huli nga ay sa Qatar naman ito nadestino. Tumutulong pa rin kasi si Lindo sa magulang (ang biyenang babae na lamang ang buhay) at sa bunsong kapatid na pinag-aaral nito sa kolehiyo.

Malimit nilang pag-awayan ni Lindo ang bagay na iyon. Kapag pamilya na nito ang usapan, galit ito.

“Hindi ko p’wedeng pabayaan sina Nanay, ako lang ang inaasahan nila.”

Pero may dalawa pang kapatid si Lindo na may mga trabaho rin at pamilyado na.

“Ako’ng nag-a-abroad. Ako’ng nakaluluwag,” igigiit nito.

Na hindi rin masyadong totoo. Ginagastusan nila ang pag-aaral ni Jingjing, ang budget pa para sa pang-araw-araw na pagkain, pambayad sa kuryente at tubig, pati sa internet. At dahil nakapisan sila sa kanyang biyenan, pakiramdam ni Eva, parang de-numerong lagi ang kanyang kilos. Antemano pa, girlfriend pa lamang siya ni Lindo, ipinaramdam na ng kanyang biyenang babae na hindi ito boto sa kanya na mapangasawa ng anak. Pero siya’y nabuntis ni Lindo. Dismayado ang ina ni Lindo nang magsabi itong kailangan nilang magpakasal. Masama man ang loob, pumayag ang kanyang biyenan na makasal sila sa isang kondisyon–na sila’y roon pa rin maninirahan.

Alam niya kung bakit. Ayaw ng kanyang biyenan na maputol ang pagtataguyod sa kanila ng panganay na anak.

Nang mag-abroad si Lindo, una’y sa Saudi, sa himok ng mga kumpare nito, lalo nang naramdaman ni Eva na pahirapan silang makaalis sa poder ng kanyang biyenan. May bukod na perang padala si Lindo para sa ina’t kapatid; siya mismo ang nag-aabot sa kanyang biyenan tuwing matatanggap niya ang buwanang remittance ng kanyang mister. At may ugali pa ang biyenan niya na mapaghinala at mapaggawa ng kuwento. Nakipagtawanan lamang siya sa nagdedeliber ng inuming tubig, binibigyang-malisya agad; inirereport pa kay Lindo. Magbihis lamang siya ng maigsi at hapit sa katawan, pinapansin agad nito.

“Nakikisunod ka ‘ata sa uso, ha, Eva? Sino ba’ng pinagpapatsarmingan mo?”

Naiinis siya, nabubuwisit, pero wala naman siyang magawa. Tuwing magkakausap sila ni Lindo at nagpapaliwanag siya, iisa lang ang lagi nitong sagot.

“Pagpasens’yahan mo na’ng nanay, matanda na ‘yan, e.”

E, ano pa nga ba? Sa kanya, pangarap talaga niyang magkaroon silang mag-asawa nang sariling bahay at makabukod na sa mapaghinala niyang biyenan.

Minsan, sinabi niya kay Lindo na mangupahan na lang sila.

“Mangupahan? At ano magsasayang ako ng pera kababayad sa renta nang hindi naman magiging akin ‘yung bahay? Hindi na, ‘o! Kukuha na lang ako nang hulugang bahay!”

Pero lumipas ang mga taon, nakapagtrabaho sa iba pang mga bansa si Lindo, sa Oman at ngayon nga’y sa Qatar, namalaging pangarap lamang ang magkaroon sila ng sariling tahanan. Hanggang sa umuwi si Lindo noong nakaraang taon.

Dinalaw ito ng dating girlfriend na real estate agent daw ngayon at pilit na inalok ng hulugang bahay. Atubili si Lindo. Kinukuwenta siguro ang magiging gastos sa amortization at ang kasalukuyang gastusin nilang mag-asawa, sustento sa ina at gastusin pa ng pinag-aaral nitong kapatid. Pero makulit si Lucy.

“Pagbigyan mo na naman ako, kailangan ko lang maka-sale. Nagpapa-impress pa ‘ko sa boss ko. Sige na, Linds, for old time’s sake.”

Para pagbigyan ang dating nobya, sumama ito sa tripping sa nasabing subdibisyon. Nagpumilit siyang sumama. Hindi kalakihan ang unit pero may garahe para sa sasakyan, guwardiyado ang gate, mapuno rin (buti’t hindi pinatay ng developer). May dalawang kuwarto ang bahay, may terrace, may linya na ng kuryenteat sariling pinagkukunan ng tubig. Ready for occupancy na.

“Gusto ko rito, Linds,” sabi niya sa asawa nang nasa terrace sila. “Tahimik. At mahangin pa.” “O, ayan,” sabi ni Lucy,“ aprub naman pala ke misis!”

Nag-down payment sila. Bago umalis si Lindo, nang sumunod na buwan, nakalipat sila sa kanilang bagong bahay.

Isang umaga, nag-aabang siya sa pilahan ng traysikel mula sa paggo-grocery nang tapatan siya ng isang kotse. Bumaba ang salamin niyon at kinausap siya ng driver.

“Taga-Green Grass ka, di ba?”

Tumango siya.

“Taga-do’n din ako, sabay ka na sa ‘kin. Muk’ang wala pang dating na traysikel.”

Wala pa nga. Papainit na ang araw at mabigat ang kanyang grocery bag. Gusto pa naman niyang makauwi kaagad para makapagluto ng pananghalian; hahatiran niya si Jingjing ng lunch nito sa eskuwelahan.

“Halika na,” ulit ng lalaki.

Binubusinahan na nga ito nang kasunod na sasakyan na nahaharangan nito sa daan. Nagpalinga-linga si Eva at nang matiyak na wala pa ngang pabalik na traysikel sa pila, sumakay na siya sa naghihintay na kotse.

Mukhang masayahin ang driver; laging
nakangiti. At makuwento rin.

“Nakikita kitang nagwawalis sa harap-bahay t’wing morning ‘pag nagdya-jogging ako, kaya kita kilala.”
“Hindi ka taga-block namin.”
“Hindi nga, taga-kabilang block ako. Kaya ako nakakarating sa block n’yo, e, para mas mahaba ang matakbo ko.” Nakangiti na naman ito.
“Ako si Ric. Ikaw si…?”
“Eva.”
“Hi, Eva. Taga-rito ka talaga?”
“Ang mister ko, taga-Malabon ako. Sa trabaho kami nagkakilala.”
“Pareho pala tayo. Taga-Bicol ako. Ang misis ko naman, taga-Pampanga. Dati ko ring tauhan, staff, sa trabaho ko.”
“Ibig mong sabihin boss ka n’ya? Siguro, secretary mo s’ya?”
“Hindi, isa lang sa mga staff. Dati kasi ‘kong head of sales sa…” Binanggit nito ang isang kompanyang hindi pamilyar sa kanya.
“At retired ka na?”
“Parang gano’n na nga. Nag-offer ng early retirement ang company, sinunggaban ko na, makapagpahinga naman. Nakakasawa rin ‘yung araw-araw kang bumib’yahe at sumasagupa sa trapik. ‘Tsaka, tapos na naman ‘yung anak ko. Me asawa na nga, Canadian. Kasama nga ngayon ang misis ko sa Winnipeg. Magbabakasyon lang daw, naihanap ng anak ko ng sideline, ayaw pang um’wi. Nasa abroad din ba’ng husband mo?”
“O-Oo. Nasa Qatar.”
“Oh. Sa construction?”
“Oo.”
“Engineer siguro?”
“Ay, hindi. Sa office s’ya.”

Nagtataka siya na sumasagot siya sa mga tanong ni Ric gayong ngayon lang niya ito nakilala. Sa tantiya niya, mahigit na itong limampung taon, matikas pa ang katawan, walang tiyan (dahil siguro sa araw-araw na pagtakbo), matatag pa rin ang panga, at ang mangilanngilang puting buhok sa magkabilang gilid ng sentido’y nagbigay rito ng aurang kagalanggalang.

Itinigil ni Ric ang kotse sa tapat mismo ng kanyang bahay. Nagpasalamat siya pero bago siya bumaba, dinukot ni Ric sa bulsa ng pantalon ang cellphone at itinanong kung puwede nitong hingin ang number niya. Wala pang linya ng telepono noon ang nasabing subdibisyon. Itatanong sana niya kung bakit nito hinihingi ang number niya pero nakahiyaan niya. Idinikta niya sa bagong kakilala ang number niya.

Kinabukasan, saktong kababalik niya mula sa paghahatid kay Jingjing sa eskuwela nang tumunog ang kanyang cellphone. Sinagot niya at nabosesan si Ric.

“Good morning, naabala ba kita?”
“H-Hindi naman. Bakit?”
“P’wedeng makiinom ng tubig?”
“Ha?”
“’Andito ‘ko sa labas ng bahay mo.”

Hinawi niya ang kurtina at sumilip sa bintana. Kumaway sa kanya si Ric. Pawisan ang suot na t-shirt, may patak din ng pawis ang jogging pants.

“Hi. Tinanghali kasi ‘ko nang gising kaya inabot na ‘ko nang sikat ng araw…”
“Saglit, ha?”

Pumasok uli siya sa bahay at lumabas na dala na ang isang pitsel at isang baso. Kinuha sa kanya ni Ric, nagsalin ng tubig sa baso at tila uhaw na uhaw na uminom.

“Thank you. Inuhaw talaga ‘ko!”

Pinansin nito na nakabihis-panlakad siya.

“Inihatid ko’ng anak ko sa ‘skuwela.”
“A…di mag-isa ka lang pala d’yan?”
“O-Oo.”

Tila biglang naasiwa si Eva na nakatayo sila sa harap ng kanyang bahay, nakikita ng iba pang dumaraan doon, kausap ang lalaking ito na kahapon lang niya nakilala. Nagsalin pa uli ng tubig si Ric, muling uminom saka iniabot sa kanya ang baso at ang wala nang lamang pitsel.

“Thanks uli, ha? Sa uulitin…”

Sumenyas ito na aalis na. Tumango siya. Tumalikod si Ric, nag-jogging nang mabagal hanggang sa magmatulin. Kinagabihan, muli siya nitong tinawagan.

“O, bakit?”
“Wala, nangungumusta lang. Ang totoo’y nababagot ako, wala kasi ‘kong makausap dito sa
bahay. Mag-isa rin kasi ako.”

Nasa Canada nga pala ang anak at misis nito, naalala ni Eva.

“Naabala ba kita? Baka matutulog ka na?”
“Hindi,” sabi ni Eva. “Nagpapaantok pa lang. Nanonood ako’ng teleserye sa TV.”
“Kasama mo siguro’ng anak mo?”
“Hindi. Maaga kong pinatulog, me exam kasi bukas.”
”A…”

Naimadyin niya na tumatangu-tango si Ric sa kabilang linya.

“Kung weekends ba nasa bahay ka rin lang?”
“Minsan, oo. Minsan naman, inihahatid ko si Jingjing, ang anak ko, sa bahay ng b’yenan ko.”
“’Tapos…?”
“A-Anong tapos?”
“I mean, pagkahatid mo sa kanya, ano na’ng ginagawa mo?”
“A, ‘yon ba? Minsan, pumupunta sa mall. Nagpapagupit o di kaya’y nagpapa-facial.”
“Talaga? Sa’ng mall?”

Sinabi ni Eva. Iisa pa lamang naman ang mall sa bayang iyon; ang iba’y maliliit lamang at luma nang shopping centers.

“Tingnan mo nga naman!” sabi ni Ric, excited.
“Tumatambay din ako do’n ‘pag wala akong magawa. Nagbi-bingo ako minsan. Minsan naman, nagbo-bowling. Marunong ka bang magbowling, Eva?”
“Medyo. Oo.”

Nagbo-bowling sila dati ng kanyang mga kaopisina, duckpin nga lamang.

“Bowling naman tayo minsan. Para naman me makalaro ako.”
“Ha? E…”
“Sige na. Me free time ka naman pala.”
“T-Titingnan ko.”
“’Asahan ko ‘yan, ha?”

Hindi na hinintay ni Ric ang sagot niya, nagpaalam na ito, nag-good night at pinutol na ang tawag.

Nakatingin sa kanyang cellphone, inisip ni Eva kung siya ba’y napapayag ni Ric na makipagkita rito.

Kada-Sabado, inihahatid niya sa bahay ng biyenan niyang babae si Jingjing. Gusto nitong makapiling ang apo kahit isang araw lang, palibhasa’y kinagigiliwan ang kanyang anak. Doon na matutulog si Jingjing, susunduin na lamang niya kinabukasan. Matapos makapagpaalam sa anak at sa kanyang biyenan, nagmadali sa pag-alis si Eva. Makulimlim ang papawirin, may kalamigan ang hangin at nagbabadya ang pag-ulan. Balak pa naman niyang dumaan sa mall, magpa manicure at pedicure at bumili rin ng lotion, sabon at mouthwash.

Nasa mall na siya nang bumuhos ang ulan. Inuna niya ang pagpapa-manicure-pedicure saka bumili ng kanyang mga pangangailangan. Ipinagpaliban niya ang pag-uwi, hinihintay na tumila ang ulan. Nag-ikot-ikot siya roon hanggang sa makarating sa third floor. Naamoy ang nakaeengganyong aroma ng nilalagang kape, pumasok sa kapihan at umorder ng isang mug at egg sandwich. Umiinom ng kape, napasulyap siya sa kalapit na bowling alley at naalala ang imbitasyon ni Ric na mag-bowling sila. Napangiti siya. Inunti-unti niya ang pag-inom ng kape at ang pagkain ng sandwich; mahaba ang kanyang oras, wala siyang dapat na ipagmadali.

Tumindig siya pagkaubos ng kape’t sandwich para tumugon sa tawag ng kalikasan. Nagbakasakali siyang may comfort room sa kalapit na bowling alley, pumasok doon, napalingon sa kanang bahagi na kinaroroonan ng apat na mesang bilyaran; naraanan din ang ilang mesang laan para sa mga magmemeryenda. May ilang nagbo-bowling; dalawang mesang bilyaran naman ang okupado. Natagpuan niya ang CR. Pumasok siya roon at nang makatapos at nakalabas na, saka niya narinig ang tinig na iyon.

“E-Eva?”

Nang bumaling siya, ang nakangiting mukha ni Ric ang bumungad sa kanya.

(May Karugtong)