Sa pamamagitan ng sining, naisasalin ni Jose Ehric Egualada ang kanyang karanasan, kaisipan, at damdamin. Ipinanganak at lumaki sa Angono, Rizal, si Ehric, 55, ay nagtapos ng kursong edukasyon sa Jose Rizal University.
Isa siyang pintor, propesor, at visual artist na kilala sa kanyang mga likha na puno ng buhay at
emosyon.
Bata pa lamang ay namulat na siya sa pagguhit. “Ang aming bayan sa Angono ay kanlungan ng talento sa sining at musika. Kaya sa murang edad, natuto na akong magdrowing,” aniya. At lalo pang nahasa ang kanyang talento nang magkaroon siya ng pagkakataon na makasali sa iba’t ibang art workshop, contest, at art project.
Bukod sa pagiging artist, matagal din siyang nagturo sa iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan. Nang magkaroon ng pagkakataon, lumipat siya ng lugar upang lalo pang mahasa ang kanyang kakayahan sa larangan ng sining. “Makalipas ang ilang taon ng aking pagtuturo sa Angono National High School at Regional School for the Arts, nilisan ko ang Angono upang subukang tuklasin ang ibang lugar at makipagcollaborate at i-adapt ang ibang komunidad.”
Noong 2019, naging in-house artist siya sa Villa Caemilla Beach Botique Hotel sa Boracay. Pagkatapos ng dalawang taon, lumipat siya sa Crimson Resort and Spa sa Boracay upang maging artist-in-residence. Layunin ng Crimson na maging sentro ng sining at kultura sa Boracay.
Ang mga likha ni Ehric ay hango sa kanyang mga naging karanasan, paniniwala, at impluwensiya sa mga hinahangaan niyang artist. “Ang mga naranasan ko noon, ang mayamang kultura sa aming bayan, at ang National Artist na si Carlos Botong Francisco na idolo sa pagguhit at
pagpipinta.”
Tulad ng ibang artist, naging makulay rin ang pagtahak niya sa larangan ng pagpipinta. Patunay ito na ang sining ay hindi lamang isang simpleng paglalarawan ng mga bagay sa pamamagitan ng kulay, kundi isang proseso ng paglago at pagbabago ng mga emosyon at kaisipan. “Ang mga kulay ay may kakayahan na maglarawan ng mga tema o konsepto. Ito’y naipapakita ng aking mga paksa. Nagagawa ko ang iba’t ibang art style mula sa iba’t ibang karanasan at expression. Sa patuloy na pagbabago ng panahon, natutunan ko maging isang innovative artist,” sabi niya. “Ang sining ay isang journey of the heart and soul, habang nagma-mature ay nagiging sensitibo ka sa bawat linya at kulay ng buhay.”
“Ang sining ay isang journey of the heart and soul, habang nagma-mature,
nagiging sensitibo ka sa bawat linya at kulay ng buhay.”
Upang lalo pang lumawak ang kaalaman niya bilang pintor, hindi siya tumitigil sa pagtuklas ng iba’t ibang estilo sa sining upang magsilbi niyang pundasyon. “Napagsasama ko ang pagiging figure artist ko at cubist kaya naging modern ang naging approach ko sa aking sining. Dito naging mas malawak pa ang naging perspective ko sa art,” dagdag niya. “Sa aking mga artwork na Fishermen Fresh Harvest, Mermaids, Protect the Family from CoVid-19, at Plantitas, makikita ang aking art style na synthethic cubism, imaginative human figure at transparent cubism. Pakiramdam ko, naging versatile ako dahil dito.”
Noong nakaraang taon, nagkaroon naman siya ng pagkakataon na maipakita ang kanyang likha sa ibang lugar. “Nagkaroon ako ng big break sa Bacolod noong 2022, dahil sa mga commission murals work na ipinagawa sa akin. Nabigyan din ako ng pagkakataon na makipag-collaborate sa ilang mga Bacolod artist at musician.”
Sa kabila ng pagiging kilalang artist ni Ehric, marami pa siyang nais gawin. Kabilang na rito ang dalhin ang kanyang obra sa iba’t ibang lugar. “Nais kong magkaroon ng sariling art studio at gallery sa Aklan, at magtanghal ng mga soulful art pieces na magpapakita ng lipunan, ekonomiya, kalikasan, at kultura na aking napupuntahan.”
Hindi madali ang pagpasok sa larangan ng pagpipinta. Maraming pagdadaanan at mga pagsubok na haharapin. Ito ang hiling ni Ehric para sa industriya ng sining-biswal. “Hiling ko na magkaroon ng mas mataas na kamalayan, inspirasyon, pagpapahayag at palakasin pa ang sining. At suportahan din sana ng bawat community, lalo na ang LGU at NGO, ang mga creative industry para sa mas magandang Pilipinas.”
Bahagi na ng ating kamalayan ang sining. Pinatunayan ni Ehric na may kapangyarihan ito na magsilbing gabay upang makita ang kagandahan ng mundo at buhay.
Sa mga interesado sa likhang sining ni Ehric, maaaring makipag-ugnayan sa kaniyang Instagram (@ericegualada) o Facebook (Eric Egualada).